Kontraktuwalisasyon, walang sapat na benipisyo at mahirap at ‘di ligtas na kalagayan sa mga pagawaan ay ilan lamang sa mga nagpapahirap sa mga manggagawa natin sa buong bansa. Bago pa pumutok ang krisis pangkalusugan na ito sa kasalukuyan, araw-araw nang pinapahirapan ng iba’t ibang uri ng pananamantala ang mga mangggagawang Pilipino. Ito rin ang mga dahilan kung bakit pinipili ng mga manggagawa na lumaban at maglunsad ng iba’t ibang uri ng protesta at welga.

Pero kasama ang sambayanang Pilipino, lalo pa silang nabiktima ng gutom at kahirapan sa lockdown.

Narito ang kasalukuyang kalagayan ng mga manggagawa ng Regent Food Corporation, Harbour Centre, at SLord.

 

#RegentStrike

Naging maingay ang pagputok ng welga ng mga manggagawa ng Regent Food Corporations sa ilalim ng Regent Food Workers Union (RFWU) noong ika-17 ng Oktubre sa Lungsod ng Pasig. Ipinrotesta ng mga manggagawa ang union busting at pang-aabuso ng kompanya.

Tumagal nang halos isang buwan ang kanilang welga dahil sa hindi pakikipag-usap ng management ng kompanya sa kanila. Matapos ang marahas at iligal na pagbuwag sa kanilang piketlayn at pag-aresto sa kanila ay hindi na sila naibalik sa kanilang kompanya. Halos 500 manggagawa ang nawalan ng trabaho.

 

Tita Cudiamat

Si Tita Cudiamat ang pangulo ng RFWU at isang nanay sa dalawang anak at asawa. Ayon sa kaniya, mahirap ang naging kalagayan nila sa loob ng ilang dekada niyang pagtatrabaho para sa RFC at magmula nang natanggal siya ay hindi na muli pang nakahanap ng panibagong trabaho.

Si Basilio Cudiamat, kanyang asawa’t kasamang unyonnista, ang bumuhay sa kanilang pamilya. Siya ay isang tricyle driver. Ngunit mula nang maipatupad ang Enhanced Community Quarantine (ECQ), hindi na rin nakapaghanapbuhay si Basilio. “Dobleng pahirap” ang paglalarawan ni Tita sa ipinatupad na lockdown ng administrasyon.

“Wala kaming naipon talaga noon dahil natanggal kami noong nakaraang taon at ang asawa ko lang ang nagtataguyod samin, nung ipatupad yang lockdown, pati konting kita ng asawa ko, nawala, doble pahirap,” ani Tita.

Sa loob ng dalawang buwan ay dalawang beses pa lamang sila nabibigyan ng ayuda mula sa lokal na gobyerno ng Taguig. At madalas, hindi napapabilang sa iba pang mga ayuda dahil sa kakalipat lamang nila rito. Hindi rin sila i-aapply ng ayuda ng kanilang dating employer na Regent mula sa ahensya ng Paggawa ng gobyerno dahil iligal at marahas nga silang tinanggal nito, aniya.

 

#HarbourCentre

Halos tatlong taon ng nakikipaglaban ang lagpas sa 200 manggagawa ng Manila Harbour Centre (MHC) sa ilalim ng Harbour Centre Workers Union (HCWU) sa kanilang pagiging regular at pagkakaroon ng “money claim” mula sa kabuuan ng lahat ng mga hindi naihulog sa kanilang mga Social Security System (SSS) at iba pang hindi hinuhulugan ng kompanya. Ngunit nitong Enero, bagama’t gumugulong ang kaso sa Department of Labor and Employement (DOLE) ay tinanggal pa rin sila ng management ng MHC.

Mula noong pagkakatanggal nila ay humanap sila ng iba’t ibang mapagkakakitaan ang mga manggagawa upang maitawid lamang ang isang araw kasabay pa rin ng halos linggo linggo nilang pagpipiket protesta sa harap ng kompanya. Ngunit ng ipatupad ang ECQ, naging mas mahirap sa kanilang gumising araw-araw habang nakikitang nagugutom ang kanilang pamilya at wala silang magawa dahil hindi pinapayagan ang lumabas at makapaghanapbuhay.

Larawan kuha ni Karen Serada

 

Eldefenso Bello

Biktima ng mapang-aping sistema sa pagawaan at isa sa mga nasunugan sa Happyland, Tondo Manila.

Tinupok ng apoy ang nasa kalahati ng Barangay 105, Happyland, Tondo, Manila nitong Abril 18 at isa nga roon ang tinitirhan ni Eldefonso Bello, pangulo ng HCWU. Nakikitira na lamang daw siya, ngunit natupok pa ito.

“Ang hirap na nga ng buhay mula ng matanggal kami sa trabaho, nagpatupad pa ng lockdown, dati nakakasideline-sideline pa ako, ngayon wala na talaga, at di pa tapos, nasunugan pa. Walang-wala na talaga,” nanginginig ang boses ni Bello habang isinasalaysay ang kanyang kasalukuyang sitwasyon.

Sa ngayon, may tinitirhan ulit siyang isang kakilala sa Tondo. Hindi na siya sumama doon sa Barangay Covered Court dahil sa nagsisiksikan at hindi siya makatulog dahil sa ingay.

“Talagang napakahirap ng sitwasyon namin ngayon, pati mga kasama ko, wala na silang makain don at hindi rin naman makapaghanapbuhay,” dagdag ni Bello.

Nitong taon lang ay tinanggal sila sa trabaho nang tinanggal ng kumpanya ang kanilang agency sa kabila ng desisyon ng Department of Labor and Employment na kilalanin silang regular na manggagawa. Dagdag pasakit din sa mga manggagawang natanggal ang lockdown, na ngayon ay nasunugan pa.

Nagpiket sa labas ng DOLE ang mga manggagawa noong Marso 14

 

#SlordDevelopmentCorporation

May 11, 2018 hindi na pinapasok ang 44 na mga manggagawa ng Slord Development Corporation (SDC), pagawaan ng mga delatang sardinas. Ang mga natanggal na manggagawa ay mga kababaihan. Naghain sila na reklamo sa DOLE na nagtulak sa ahensya ng gobyerno na inspeksyunin ang pagawaan.

Ilan sa mga dinadaing ng mga manggagawa mula sa Uni-Pak ay ang pagiging kontraktwal nila sa kabila ng deka-dekada nilang pagtatrabaho. Nasa 500 ang manggagawa sa pagawaan, pero nasa 150 lang ang regular.

Hindi rin maayos ang kanilang kalagayan sa paggawa. Masakit sa sikmura ang pagpapamili ng isdang may formalin na galing sa steamer. Kailangan nilang amuyin ang bulok. Hindi ito natatagalan o nakakayanan ng mas nakababata o mas bagong mga manggagawa. Nakakasulasok ang amoy, pero buong araw nila itong ginagawa. Ang mga manggagawa pa ang bumibili ng mga personal protective gears tulad ng bota (P240), gloves (P80), cap (P50) at iba pa.

Perwisyo rin sa mga manggagawa ang hindi pagkakaroon ng mga benepisyo kagaya na lamang ng SSS, Philhealth at PAG-IBIG. Sila ang gumagastos kapag nagkakasakit. Kinakaltas din sa mga manggagawa ang P560 para sa annual medical check-up. Kapag naman nabubuntis ang kababaihan, agad silang tatanggalin sa trabaho.

Nanindigan sila na iligal ang kanilang pagkakatanggal at nagsampa ng kaso sa DOLE at National Labor Relations Commission (NLRC) at parehong naipanalo bagama’t may apela ang management ng kompanya.

Habang nilalaban nila ang kanipang karapatan ay gumawa naman ng iba’t ibang paraan ang mga manggagawang natanggal upang makapaghanapbuhay at mabuhay ang kanila kanilang mga pamilya.

 

Norinda Nacinopa

Halos tatlong dekada siyang nagtrabaho para sa SDC. Kaya nung matanggal ay hindi naging madali sa kaniya ang makahanap ng trabaho hanggang naging tindera siya sa Luneta Park sa Manila. Ito ang bumuhay sa kaniya at kaniyang mga anak magmula nang matanggal siya sa kompanya.

Pero hindi rin ito naging madali dahil sa pinatupad na clearing operations noong nakaraang taon at hanggang nitong lockdown ay tuluyan ng tinanggal sa kaniya ang munti niyang pinagkakakitaan.

“Gutom talaga kami, 11 kaming nandito sa bahay, lahat walang trabaho dahil sa lockdown na ipinatupad, di rin sapat ang mga binibigay na ayuda,” pagkukuwento ni Nanay Norinda.

Nasa Lungsod ng Navotas ngayon si Nanay Norinda, dalawang beses pa lamang daw sila nabibigyan ng ayuda mula ng magpatupad ng lockdown, kulang na kulang para sa kaniyang buong pamilya.

“Hindi kami takot sa virus sa totoo lang, ang mas nakakatakot ay yung gutom ng buong pamilya ko, ng mga apo ko,’dun ako mas natatakot,” dagdag ni nanay Norinda.

Mahirap na ang kalagayan ng ating mga manggagawa bago man magpatupad ng lockdown at ang pagkakatanggal sa kanila ang rurok ng kahirapang ito. Ngunit habang ipinaglalaban nila ang kanilang karapatan ay nagpatupad naman ng pahirap din sa kanilang lockdown ang administrasyon. Ayon sa kanila, walang ibang naidulot ang lockdown kundi gutom at pasakit.

Loading spinner

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here