Nagtipon sa harap ng pagawaan ang mga manggagawa ng Regent Foods Corporation bandang ika-5 ng umaga para magsagawa ng protesta sa mga inirereklamo nilang paglabag sa kanilang mga karapatan ng may-ari ng kumpanya na sina Susan See at Ricky See.

Ang mga manggagawang nagprotesta ay mga kasapi ng Regent Foods Workers Union.

Ilan sa mga paglabag ng may-ari ng pagawaan na inirereklamo ng mga manggagawa ay ang pananakit sa mga manggagawa, abusong berbal tulad ng pag-aalimura at pang-iinsulto, pagkakait na maging regular na manggagawa ang mga kontraktwal na mahigit 20 taon nang nagtatrabaho sa kumpanya, hindi pagkilala sa bagong pamunuan ng unyon, at pagtanggi na humarap sa negosasyon sa Collective Bargaining Agreement (CBA).

Dinadaing din ng mga manggagawa ang ginagawa umanong pananakot at panunuhol, pagbabanta ng suspensyon at tanggalan sa trabaho, pag-aalok ng bayad sa mga manggagawa na tingin nila’y paraan ng management upang buwagin ang union.

Nagsampa na ng kasong union busting laban sa management sa Department of Labor and Employment, gayundin ang Notice of Strike ng unyon.

Nananawagan naman ang Kilusang Mayo Uno (KMU) Metro Manila sa management ng Regent Foods Corporation na itigil ang harassment sa mga kasapi at lider ng unyon, at sa halip ay kilalanin ang kanilang mga karapatan at harapin sila sa CBA.

“Hindi tama na ituring na basura ang mga manggagawang lumilikha ng produktong pinagmumulan ng tubo ng kompanya,” pahayag ng KMU Metro Manila.

Kilala ang Regent Foods Corporation sa mga produktong cupcake na mahilig baunin ng mga estudyante, gayundin sa mga sitsiryang Snacku, Sweet Corn, Tempura at Cheese Rings. Ang pagawaan ng kumpanya ay matatagpuan sa Pasig at malapit na rin sa siyudad ng Taguig.

Inaalam pa ang panig ng Regent Foods Corporation sa mga oras na ito.

InterServer Web Hosting and VPS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here