Manggagawa ng Harbour Centre, tinanggal

Ikinasa ng mga manggagawa ng Harbour Centre ang isang piket sa harapan ng tanggapan ng pinagtatrabahuhan upang kundenahin ang biglaang pagtatanggal sa kanila sa trabaho.

Ayon sa mga manggagawang, tinanggal sila noong Enero 6 nang sabihan sila ng mismong management na hindi na sila maaaring pumasok sa loob ng Harbour Centre at magtrabaho sa kumpanya sa kadahilanang tapos na raw ang kontrata ng kanilang ahensyang kinabibilangan, ang Grasials Corporation.

Nasa 216 manggagawa ang nakapailalim sa Grasials Corporation.

“Kaya po kami nagsagawa ng isang kilos-protesta dahil nabigla na lang kami mga manggagawa na hindi na raw kumuha ang agency namin ng barko dahil kinakatwiran nila tapos na raw ang kanilang kontrata sa kumpanya ng Harbour Centre,” pahayag ni Eldefonso Bello, pangulo ng Unyon ng Manggagawa sa Harbour Centre.

Taong 2017 nang kinilala nang regular ang mga manggagawa ng Harbour Centre ng Department of Labor and Employment matapos ang halos isang taon nilang paglaban para sa regularisasyon.

Mga kontraktwal na manggagawa ng Harbour Centre, idineklarang regular ng DOLE

 

Kaya giniit ni Rolando Bacaltos na iligal ang pagkakatanggal sa kanila kahit na sinabing wala ng kontrata ang kanilang manpower agency.

“May desisyon ang DOLE na walang gagalawin habang may kaso, kaso pati kami nadamay. Dapat kilalanin yung desisyon ng DOLE na maregular na kami kahit wala na yung agency, ‘wag kami tanggalin, dapat yung manggagawa nag tratrabaho pa rin diyan ay ibalik nila kami para gawing regular kasi ayon naman ang desisyon ng DOLE,” ani Bacaltos, isa sa mga manggagawang natanggal.

Dagdag pa ni Bacaltos, “Kawawa naman yung pamilya namin, wala kami aasahan eh ito na lang pier. Kaya pakinggan sana kami ng Harbour Centre management, kaya nandito kami nananawagan na kinukundena naming ‘yung pagkakatanggal namin kaya kailangan ibalik kami sa sa aming trabaho.”

Ikinagulat din ng mga manggagawa nang makita nila ang record ng kanilang mga SSS na maraming buwan umano ang hindi nahulugan kahit pa kinakaltasan ang kanilang sahod kada buwan.

SSS pension slip ng dalawa sa mga manggagawa ng Harbor Centre. Photo by Manila Today
SSS pension slip ng dalawa sa mga manggagawa ng Harbor Centre. Photo by Manila Today

Sa kasalukuyan, wala pa ring tugon ang management ng Harbour Centre at ang manpower agency na Grasials Corporation.

“Sinabi ng DOLE na walang tatanggalin na manggagawa hangga’t hindi pa naimplementa ang regularisasyon ng manggawa ng HC. Ipuputok po namin ang welga kung hindi pa rin kami inintindi ng kompanya,”  pahayag ni Bello.

InterServer Web Hosting and VPS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here