Dalawang buwan matapos ‘iligal’ na tanggalin sa trabaho, nagsagawa ng piket protesta ang mga manggagawa ng Harbour Centre kasama ang kanilang mga pamilya sa harap ng main gate ng kumpanya.

“Hindi na po nakakatuwa ang inaasal ng Habour Centre sa kanilang mga manggagawa dahil marami na pong mga pamilya ang nagugutom at mga anak na ‘di na nakakapag-aral,” ani ni Arlene Casenas isa sa asawa ng manggagawa sa Harbour Centre.

Kinundena rin ng mga manggagawa ang pagharang sa kanila ng kapulisan upang hindi makalapit sa gate ng kumpanya.

“Ano na ba ang mandato ng ating kapulisan? Si Reghis Romero na siyang lumabag sa batas ng paggawa at nagnakaw ng limpak-limpak na salapi sa mga manggagawa ang prinoproteksyunan imbis na hulihin? At ang mga manggagawa ang pinipigilan?” giit ng tagapagsalita ng Manila Workers Workers Unity.

 

Halos 100 kapulisan kasama ang mga security guards at private goons ang humarang sa gate ng kumpanya.

“Bakit ako hinahanap ng kapulisan? Sumunod kami sa legal na proseso, wala kaming nilabag na batas,” ani ni Eldefonso Bello, pangulo ng Unyon ng Manggagawa sa Harbour Centre.

Sinabi niya ito sa harap ng mga nakaharang sa kanilang mga kapulisan. Ibinalita sa kanya ng kanilang Brgy. Captain na hinahanap ang kanyang bahay ng mga nagpakilalang pulis.

Hindi rin pinalagpas ni Bello ang pagkakataon upang pasaringan ang umano’y pakikipagkaibigan at campaign funder ni Duterte sa mga malalaking kapitalista sa pantalan ng Maynila, na tila ngayo’y nakakaligtas sa mga batas paggawa.

“Si Reghis Romero nang natalo sa kaso ay nagbenta tapos ngayon hugas-kamay sa aming mga manggagawa, hindi pa rin ine-execute ang kautusan ng DOLE na gawin kaming regular. Sa halip tinanggal pa kami nang tinanggal nila ang Grasials Corporation na manpower agency na tingin naman nami’y kanila rin naman iyon. Pati yung mga pinagbentahan niyang malalaking kapitalistang sina Razon at Ang na mga kaibigan at campaign funder ni Pangulong Duterte, parang nabalewala yung kautusan ng DOLE na i-regular kami, parang balik sa dati tapos mas malala pa tinanggal sa trabaho yung higit 200 manggagawa,” ani Bello.

 

Loading spinner

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here