Doble ang pasakit na nararanasan ng mga manggagawa ng Harbour Centre magtatatlong linggo matapos ang pagpapasailalim ng buong Luzon sa isang Enhanced Community Quarantine (ECQ) o total lockdown.

Unang linggo pa lamang ng taon ay sinalubong na ang mga manggagawa ng “mass layoff” matapos tanggalin ang agency na Grasials Corporations sa Harbour Centre na nagresulta sa pagkakatanggal ng 220 manggagawa. Ito ay sa kabila ng desisyon ng Department of Labor and Employment na kinilala silang regular na manggagawa na inaapela ng Harbour Center. Ayon din sa DOLE hindi maaaring tanggalin ang mga manggagawa habang gumugulong ang kaso.

Sunod-sunod na protesta ang isinagawa ng mga manggagawa sa harap ng gate ng kumpanya upang igiit ang kanilang mga karapatan.

Ilang buwan nang gutom ang mga manggagawa dahil sa pagkakatanggal sa kanilang trabaho. Naghanap sila ng mga pwedeng pagkakitaan habang itinutuloy ang kanilang laban sa kumpanya.

Hindi na rin madalas nakakapasok ang kanilang mga anak sa paaralan dahil sa kakulangan sa pinansya.

Hindi pa sila nakakaalpas sa idinulot na pasakit ng kanilang pagkakatanggal ay naipasailalim naman sila sa ECQ na ipinatupad ng gobyerno para pigilan ang pagkalat ng sakit na COVID-19.

 

Saan nga ba namamalagi ang mga tinanggal na manggagawa ng Harbour Centre? 

Karamihan sa mga manggagawa ay nakatira malapit mismo sa kumpanya nila sa pantalan sa Tondo. Sila ay nakatira sa komunidad ng Parola, Baseco, Hapiland, Vitas at Navotas kung saan dikit-dikit ang mga bahay.

Isa sa pinatupad na polisiya sa ilalim ng ECQ ay ang tinatawag na social o physical distancing o ang paglayo ng hindi bababa sa isang metro sa mga taong nasa paligid. Sa lugar na tulad ng tinitirahan ng mga manggagawa ng Harbour Centre, malabo na maipatupad ang social distancing at self-quarantine ng mga taong naexpose sa isang nagpositibo.

Sa mga ganitong komunidad din mas bulnerableng mahawa ang mga residente dahil sa walang kakayahang makapagpatingin at makabili ng sapat at masustansyang pagkain upang mapalakas ang resistensya.

 

Ano ang kalagayan nila sa ilalim ng ECQ?

 Matapos matanggal ay humanap ng ibang pagkakakitaan ang mga manggagawa tulad ng pagiging isang pedicab driver at ibang gawain sa palengke. Sa ilalim ng ECQ, sinuspinde rin lahat ng pampublikong transportasyon kung kaya’t maging ang ganitong kabuhayan ay natigil. Maghigpit ang panukalang manatili ang lahat sa kani-kanilang bahay.

“Para kaming kinulong lang hanggang mamatay, hindi sa virus kundi sa gutom,” ani Eldefonso Bello, pangulo ng Unyon ng Manggagawa ng Harbour Centre (UMHC).

Ayon pa kay Bello wala namang problema sa kanila kung magpakahirap sa pagsa-sideline ngunit pati iyon ay hindi nila magawa habang wala namang binibigay na ayuda para sa kanila.

Walang perang ipon ang mga manggagawa mula pa sa pagkakatanggal nila sa trabaho at kumikita lamang ng sapat sa pangkain nila sa buong araw sa mga naging sideline.

Halos tatlong linggo na ang ECQ at gutom at hirap na ang pamilya ng mga manggagawa dahil sa walang sapat na ayudang binibigay sa kanila ang lokal na pamahalaan ng Maynila at wala ring ibinigay ang pambansang pamahalaan. Paswertihan lang kung may maiaabot na relief goods dahil hindi lahat ay nakatanggap nito.

 

Loading spinner

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here