Nagsagawa ng isang tigil pasada ngayong Lunes ang nasa tinatayang 500 na jeepney driver sa lungsod ng Valenzuela, kasabay ng pagpapatupad ng ‘no contact apprehension policy’ (NCAP) ng pamahalaang lungsod ngayong araw.
Paniniwala ng mga tsuper, mangangahulugang ‘unli huli’ ang bagong polisiya na nagtakda rin ng mas mataas na mga multa.
“Kung ayaw daw po namin mahuli, sumunod daw kami sa batas. Alam naman po natin na nagkakaroon ng violations, pero kung ganon kamahal ang bayarin 2,000 hanggang 5,000 saan naman po namin iyon kukuhanin?” ani Junifer Laco, bise presidente ng Valenzuela Transport Alliance (VTA).
Tingin ng grupo na isa rin itong porma ng pag-phaseout sa mga jeepney. Nang dahil sa malaking singil na multa at kapag nawalan ng pantubos, mawawalan ng rehistro ang mga operator ng jeep.
“Sa ganon pong ginagawa ng ating mayor sa Valenzuela city, mauubos ang mga jeep dito kaya ngayon pa lang nilalabanan na namin ito,” giit ni Laco.
Ilan sa mga multang nakadirekta sa mga tsuper ng jeepney at iba pang maliit na pampublikong transportasyon ay ang mga sumusunod:
- Cutting trip – P3,000 sa unang paglabag, P4,000 sa pangalawang paglabag, P5,000 sa mga susunod na paglabag
- Pagkabit ng signboard na taliwas sa ruta – P3,000
- Pagmamaneho ng tricycle sa mga national road – P1,000
- Pagmamaneho ng pedicab sa mga national road – P500
Inanunsyo ng pamahalaang lungsod ng Valenzuela ang halimbawa ng iba pang mga multa sa kanilang Facebook page:
- Paglabag sa truck ban – P1,000 sa unang paglabag, P3,000 sa pangalawang paglabag, P5,000 sa mga susunod na paglabag
- Counterflow driving – P3,000
- Reckless driving, ‘di pagsunod sa ilaw-trapiko, pagharang sa pedestrian lane, pagharang sa yellow box – P2,000 sa unang paglabag, P2,500 sa pangalawang paglabag at P3,000 sa mga susunod na paglabag
- Overspeeding – P3,000
- Distracted driving – P3,000
- Pagmamaneho ng hindi rehistradong sasakyan – P3,000
- Pagmamaneho nang walang plaka o ‘di maayos ang pagkakapuwesto nito – P3,000
- at iba pa
Giit ng VTA, hindi dumaan sa pampublikong konsultasyon ang ordinansa hinggil sa NCAP.
“Hindi man lang nagpatawag para malaman kung ano magiging epekto nito sa amin. Hindi man lang sila nagpaliwanag kung ano yung naging dahilan kung bakit ganon kamahal ang violation. Kaya po kami nabigla nung kanyang in-announce na ito ay gagana na nitong September 16,” ani Laco.
Tagumpay ang tigil-pasada, anang grupo, na sinabi nila’y kinailangan nilang gawin kundi sa malapit o malaon ay maaaring mawalan sila ng kabuhayan dahil sa NCAP ng lungsod.
Nag-deploy ang lokal na pamahalaan ng 14 trak ng Libreng Sakay, mga bus ng kumpanyang Starbus at ilang e-jeepney para sa mga pasahero na naapektuhan ng strike.
Pinabulaanan naman ni Valenzuela Mayor Rex Gatchalian sa kanyang mga post sa Facebook ang pagsasabing hindi nagkaroon ng konsultasyon sa polisiya. Sa isang post, sinabi niyang dumalo sa public hearing ang mga nagprotesta, kalakip ang ilang mga larawan ng pulong.
Kinontra din niya ang mga nagsasabing hindi alam ng mga magprotesta na nagkaroon ng public hearing, dahil aniya nakapaskil ang mga anunsyo sa public hearing sa MacArthur Highway.
Ayon din sa pamahalaang lungsod ng Valenzuela, mapupunta ang mga malilikom na multa sa isang trust fund na tutustos sa hemodialysis ng mga maralitang pasyente sa lungsod.
Noong mga nakaraang buwan, nagkabit ng mga CCTV ang siyudad para sa pagpapatupad ng NCAP. Nilunsad din nito ang website na nakalaan para sa NCAP.
Simula Setyembre 16, imo-monitor sa NCAP ang mga paglabag sa lahat ng araw at oras. Ang mga makikitang lumabag ay padadalhan ng Notice of Violation (NOV) kalakip ang larawan ng paglabag. Nakasaad din sa notice ang online link ng video ng paglabag.
Dapat na bayaran o tutulan ang notice sa loob ng limang araw. Ang mga sirkumstansya na tatanggapin sa pagpoprotesta sa matatanggap na NOV ay kung nanakaw ang sasakyan, hindi ang may-ari ng sasakyan ang nagmaneho, nabenta na ang sasakyan o sa panahon ng emergency.
Nakadugtong ang program sa Motor Vehicle Registration ALERT System ng Land Transportation Office (LTO). Ang mga motorista na hindi papansinin ang mga NOV ay mailalagay sa alarma ng LTO, na magiging kunsiderasyon ng LTO kung papayagang i-renew ang rehistro ng sasakyan.
“Wala naman po tayong tutol sa pag-unlad ng teknolohiya, pero kung ganon yung bayarin kalaki hindi naman kakayanin ng taong bayan iyon. Sana bago sila nag-implement ng ganong batas, sana inaral muna nila ang aming kalagayan. Kaya kami umaalma,” ani pa ni Laco
Itutuloy naman ng mga grupong PISTON at Stop and Go Coalition ang mas malaking tigil pasada sa darating na September 30.