#TransportStrike | Byahe ng jeep sa Muntinlupa, paralisado ng 90%

0
626

Walang makikitang jeepney sa National Road, City Terminal, Brgy. Alabang sa Muntinlupa City ngayong araw. Halos mga traysikel at mga libreng sakay ng gobyerno ang bumabyahe sa highway, habang ang mga drayber at opereytor ng jeep ay lumiban muna sa paghahanapbuhay.

Ngayong araw, Oktubre 16, ang una sa dalawang araw ng pambansang tigil-pasada ng Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Operator Nationwide (PISTON) upang irehistro ang pagkundena nila sa nakaambang jeepney phaseout. Bahagi ang phaseout sa plano ng gubyernong ‘modernisasyon’ ng mga public utility vehicles (PUVs).

Ayon sa PISTON, 90% ang pagkaparalisa ng Zapote-Paliparan-Alabang na ruta ng jeepney.

Pangunahing isyu ng mga drayber at opereytor ang pagkakawasak ng kanilang hanapbuhay kapag napatupad ang jeepney phaseout. Hinaing nila ang P800,000 hanggang P1.6 milyon na presyo ng isang e-jeep, na hindi nila kayang bayaran, pati na rin ang minimum na 10 yunit ng e-jeep para magkaroon ang isang maliit na opereytor ng prangkisa.

“Usapin ito ng pagkakatanggal ng aming kabuhayan,” ani Fermin Espino, myembro ng PISTON. “D’yan namin kinukuha ang pang-araw-araw naming panggastos – pagkain, pang-aral sa mga anak, pampamasahe, lahat ng pangunahing gastusin ng pamilya.”

Tinatantya ng PISTON na 300,000 opereytor ang mawawalan ng hanapbuhay at 2 milyon pamilya ang maaapektuhan ng phaseout.

 

Tinutulan rin ng mga lumahok sa tigil-pasada ngayong araw ang siguradong pagtataas ng pamasahe sa e-jeep. “Hindi kontrolado ng gobyerno ang pamasahe nito, sapagkat ang nagsusulong nito ay malalaking negosyo,” sabi ng isa pang myembro ng PISTON.

Ang planong modernisasyon ng PUV ay nagsimula sa administrasyong Aquino at nagpapatuloy sa kasalukuyang administrasyong Duterte sa ilalim ng “jeepney modernization program”.

Ayon sa PISTON, hindi sila tutol sa modernisasyon ng kanilang mga pampublikong sasakyan. Kinikilala gayundin nila ang pangangailangan sa komportable at ligtas na byahe. Inililinaw nila na ang kanilang pagtutol ay nakatuon sa monopolyo ng malalaking negosyo sa sistema ng pangmasang transportasyon sa Pilipinas.

Mahalaga pong magkaisa ang mga drayber, opereytor, at mga commuter kasi ang jeepney ang pangunahing sasakyan ng masa,” dagdag ni Espino.

 

 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here