#TransportStrike | Bakit sumali si Tatay Luisito sa tigil-pasada?

0
520
Si Luisito Ilagan (kanan), kasama ang kapwa-drayber na lumahok sa pambansang tigil-pasada.

Mula pa taong 1979 nagmamaneho ng jeep si Tatay Luisito, 59. Sumama siya kanina sa pambansang tigil-pasada ng Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Operator Nationwide (PISTON) sa Pedro Gil, Manila, upang ipakita ang pagtutol ng mga drayber at maliliit na opereytor ng jeep sa ‘modernisasyon’ ng mga public utility vehicle (PUV).

Isa lamang si Tatay Luisito sa 500,000 drayber na mawawalan ng hanapuhay kapag napatupad ang jeepney phaseout.

Naipasa sa kasalukuyang administrasyong Duterte ang “jeepney modernization program” mula pa sa administrasyong Aquino. Ayon sa PISTON, kaaya-aya sa unang tingin ang pakanang pagpapalit ng sasakyan ng Department of Transportation (DOTr), Land Transportation Franchising Regulatory Board (LTFRB), at Land Transportation Office (LTO). Ngunit kung susuriin, monopolisasyon at korporatisasyon ito ng pampublikong sistema ng transportasyon. Ibig sabihin, tinatanggal ang anumang harang para sa akumulasyon ng kapital at pagkamal ng dambuhalang tubo. Ayon pa sa PISTON, ang makikinabang lamang sa jeepney modernization program ay mga dayuhang monopolyong kapitalista at mga lokal na malalaking negosyante.

Labinlimang taon na ring opereytor si Tatay Luisito ng jeep. Hinaing niya ang fleet management system ng planong ‘modernisasyon’ dahil sampung jeep ang minimum na aangkinin ng isang opereytor upang magkaroon ng prangkisa.

“Inaalagaan ko ng labin-siyam na taon ‘yun. Kahit saan makakarating pa naman nang maayos at makakabalik pa naman nang maayos. Tapos ngayon gagawin na lang scrap ng gobyerno. Papayag ka ba ng gano’n? Wala akong utang ng 1.4 milyon [piso]. Bigla ako magkakaroon ng utang na 1.4milyon [piso]?” tanong ni Tatay Luisito.

Pinapatungkol niya ang presyo ng isang unit ng e-jeep na aabot sa P1.6 milyon. Ang mga de-bateryang e-jeep ang papalit sa mga lumang jeep na pumapasada sa mga lansangan ng Metro Manila at buong Pilipinas.

Tinututulan rin ng mga drayber ang pautang na ibibigay umano ng gubyerno para sa pagpapalit sa jeep ng e-jeep. “Kung mabibigyan ako ng sasakyan, isang halimbawa lamang, oobligahan akong magbayad ng 800 piso bawat araw loob ng pitong taon. Samantalang ngayon kung gusto kong bumiyahe, okay lang. Wala namang akong babayaran na 700 o 800 eh. Kung ano man ang problema ng jeep kong napakaliit, sana ‘yun na lang ipautang sa akin kompara doon sa 1.4 milyon na bibigay na utang sa akin,” dagdag ni Tatay Luisito.

Tinataya ng PISTON na aabot sa dalawang milyong pamilya ang maaapektuhan sa jeepney phaseout. Hindi pa kasama rito ang milyun-milyong manggagawa, magsasaka, prupesyunal, estudyante at mamamayang mahihirapan sa dagdag-pasahe, P12 hanggang P20, na dala ng e-jeep.

“Sa pagkakaisa nakasalalay ang pagtatagumpay ng isang minimithiing makamit, tulad namin sa laban naming ito – jeepney phaseout. Kung hindi kami magkakaisa, walang mangyayari. Itutuloy nila ‘yung bagay na maraming tao ang inaayawan kaya kailangan ang pagkakaisa ng iba’t ibang sektor – mananalakay, drayber, at operator – sa laban na ito,” ani Tatay Luisito.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here