Mayaman ang Pilipinas sa likas na yaman mula sa lupa hanggang tubig. Minsan nakalilimutan natin ang tamang paraan sa paggamit ng mga ito dahil nakatali sa mali at mapang-abusong polisiya ang pamahalaan. Karamihan din sa ating mga politiko ay nagmamay-ari ng malalaking kumpanya tulad ng pagmimina, pabahay, imprastraktura, at iba pa na karamihan ay nakapagdudulot ng pagkasira sa kalikasan tulad ng reklamasyon sa dagat at land conversion.

Sa Puti

Nabigla ang lahat sa bagong proyektong inilunsad sa Manila Bay. Inaasahan ng awtoridad na matatapos ang pagtatambak ng puting buhangin sa Manila Bay Beach hanggang sa September 19, kasabay ng International Coastal Clean Up Day. Sa gitna ng COVID-19 at kakulangan ng ayuda dahil sa diumano’y kulang na budget mas inuna pa ng pamahalaan ang pag-ayuda para sa paimbabaw na pagpapaganda sa itsura ng baybayin.

Ang halos 500 metrong haba ng baybayin na kulay abo ay tuluyang pinupuno ng puting buhangin. Ang programang ito ay may layuning tuldukan ang dekadang problema sa polusyon na dulot ng urbanidad at kapabayaan. Maganda sa paningin, mabigat sa bulsa na kung saan pinondohan ng pamahalaan.

Mula sa Cebu ang nasabing mga buhangin, ang ganitong uri ng pagmimina ng buhangin ay maaaring magdulot ng coastal erosion at magdulot ng kapinsalaan sa ecosystem na malapit sa baybaying pinagkunan ng buhangin. Bukod pa rito, ang mababang proteksyon sa patuloy at lumalalang storm surges at banta ng tsunami. Bagamat napapaganda natin ang ibang lugar ngunit hindi natin isinasaalang-alang ang maaapektuhang lugar. Ang lahat ng rehabilitasyong ito ay mawawalang saysay dahil hindi kolektibo ang pagbitbit sa mga apektado. 



Sa Pula
Isa sa ipinagmamalaki ng Manila Bay ay ang maganda nitong takip-silim. Sa bawat paglubog ng araw ay naitatala ang kasaysayan ng baybayin. Patuloy na nilulubog ang dagat ng iba’t ibang polusyon tulad ng basura mula sa tao at gawa ng tao.

Pula ang tunay na kulay ng dagat. Pula ang tunay na kulay ng buhangin, hangga’t hindi nasosolusyunan ang ugat ng problema, magpapatuloy ang pag-agos at pagragasa ng dugo. Hindi mahihinto ang gutom na unti-unting pumapatay sa ating mamamayan na dapat ay nasosolusyunan ng mga yaman mula sa dagat kung patuloy ang kawalang suporta ng pamahalaan sa mangingisda at proteksyon sa yamang-dagat.

Magpapatuloy ang pagdanak ng dugo sa karagatan kung hindi napapalaya mula sa pag-aangkin ng mga Tsino. Mananatiling madilim ang kulay ng baybayin, hangga’t hindi buo ang suporta at paggigiit sa karapatan ng bansa sa pinag-aagawang teritoryo sa dagat.

Kung walang pangil ang mga batas at mananatili ang proteksyon sa malalaking personalidad, magpapatuloy ang maabong kinabukasan ng karagatan sa bansa. Hangga’t naglalabas at nagtatapon ng maruruming kemikal at basura ang mga naglalakihang kumpanya at establisyimento, hindi matatapos ang isa sa ugat ng problema.

Dagdag pa rito, kapag nagkaroon ng malalakas na bagyo na normal na nararanasan sa ating bansa, ang mapuputing buhangin ay matatabunan ng tambak ng basura, matatangay lamang ang nagmamahalang buhangin at muling lilitaw ang tunay na kulay ng baybayin.

Sa Peke Tayo

Matanda nang maituturing ang kalagayan at problema ng Manila Bay, ilang administrasyon na rin ang nagtangkang muling pasiglahin ang lugar at tanawin. May pamunuang pinaganda at ginawang pasyalan ang baybayin sa pamamagitan ng mga food stalls at mga entertainment hub. Idagdag pa rito ang pagpapatayo ng mga makukulay at nagliliwanagang mga ilaw at dekorasyon. Naging hitik ito sa turista at tambay na mas nagpatindi pa sa kalat at polusyon sa lugar.

Nagkaroon na rin nang paulit-ulit na clean-up drive na ipinagmalaki pa ng administrasyong Duterte dahil tanging siya lamang diumano’y nagpagalaw at nagpakilos sa maraming Pilipino mula sa iba’t ibang sektor at antas sa lipunan para magkaisa sa pagsasaayos ng baybayin. Ngunit mula noon, hindi na muling nasundan pa.

Natuwa naman ang lahat ng nagmistulang malinaw, kulay asul at tila kumikinang ang tubig sa dagat noong kasagsagan ng lockdown sa Metro Manila. May naniniwalang humilom panandalian ang dagat at nahinto ang matinding polusyon sa lugar dahil huminto rin ang maraming gawain ng tao. Ngunit may ilang pag-aaral ang lumabas na ito’y dulot ng isang substance o kemikal na napahalo sa tubig-dagat kung kaya’t nagresulta sa ganoong kulay. Akala natin ay indikasyon ng pag-asa, ngunit sawi pa rin.

Sa aksyong ginagawa ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) tila pinatutunayan nito na walang konkretong plano ang ahensya at pamahalaan para sa muling restorasyon ng Manila Bay. At ang tanging solusyon na kanilang nakikita ay tapalan ang baho at dumi nito sa pamamagitan ng panlabas na pagpapaganda (external beautification) na isang artipisyal sa halip na makatotohanang rehabilitasyon.

InterServer Web Hosting and VPS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here