Bakit nga ba walang “titeng ama?”

Sumpa ba ang pagiging babae? Kung hindi ang sagot mo aba’y baka magbangayan tayo. Kung sakali mang manganak ka sa hinaharap at puki ang ari ng sanggol mo tanggapin mo na ang katotohanan, may sumpa siya. Hindi siya anghel, hindi siya diwata. Ang pagiging babae ay sumpa naman talaga. Sinumpa ka.

Ang bawat araw ng pagkakaroon ng puki ay bawat araw ng buntong-hininga, pikit-mata, kuyom-kamao at pag-iyak. Malinaw naman ang pagkakaroon ng anyong tao pero pipituhan ka pa rin sa tahimik mong paglalakad. Hindi mo maiiwas ang sarili sa mga titig na para bang ikaw ay pulutan dahil lamang ginusto mong magbestida. Ang katawan ay hindi pagmamay-ari ng iba pero dadampi at dadampi ang mga malilikot nilang kamay. Wala ka na ring maisip na pag-iingat kasi kahit anong gawin mo kung nais nilang ipasok ang kanilang katawan sa katawan mo, gagawin nila, isa kang parausan. Sinumpa ka.

Pinagkakaitan ka ng maraming bagay sa maraming bagay. Hindi ka naman din pagkakatiwalaan ng mundo sa mga gawain. Mabibingi ka lang sa halakhak ng madla para ipagpilitan sayo na kahihiyan ka ng lipunan. Bakit sa paanong paraan mo ba mapapatunayang kakayanin mo ito? Bakit mo pa susubukan. Huwag ka nang sumagot. Kakambal mo kasi ang depinisyon ng kahinaan, tanggapin mo na ‘yan. Sinumpa ka.

Huwag mo nang pangarapin bumalik sa sinapupunan at palitan ang ari na mayroon ka. Ganun talaga, dinikta sa mahaba at mapait na kasaysayan ang depinisyon mo bilang kababaihan. Kailangan mo naman talaga tanggapin pagkatapos tanggapin tyaka mo baguhin. Sinumpa ka, pero ikaw kasama ang lahat ng kababaihan ang magwawakas sa sumpa ng pananamantala. Ang puki mo ay may bitbit na pasakit sa buo mong pagkatao, ngunit sa hulma nga ng ari mo iniluluwal ang nilalang na simula pa lamang ay kuyom na ang kamao;

ikaw ang mundo at
ang magsisilang muli nito.

 

InterServer Web Hosting and VPS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here