Makulay na ipinagdiwang ng komunidad ng buong Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas ang taunan nitong PUP PRIDE sa pangunguna ng organisasyon ng PUP Kasarianlan nitong ika-6 ng Marso.
Kasama ang mga estudyante mula sa iba’t ibang kolehiyo, mga organisasyon tulad ng LABAN – PUP, SAMASA, ANAKBAYAN-PUP, League of Filipino Students-PUP at marami pang ibang alyansa ay matagumpay nilang naikasa ang martsa ng protesta para sa komunidad ng LGBTQIA++.


Ayon kay Hanna Bianca Antonio ng PUP Kasarianlan, apat na taon nang patuloy na isinasagawa ang ganitong aktibidad hindi lamang para sa parte ng LGBTQIA++ kundi maging sa mga sumusuporta sa kanilang panawagan. Ito rin daw ay iniuugat sa Great Stonewall Riot kaya naman kinukonsidera nilang ito ay protesta.
Bitbit ng mga lumahok sa aktbidad ang iba’t ibang panawagan katulad ng, “Hustisya Para Kay Jennifer Laude,” “Bakla At Lesbiana, sa K to 12 Imbyerna,” “Sahod Bonggahan, 750 push na ‘yan!” at iba pa.


Ayon sa mga organisasyon, mahalagang mabitbit din ang ganitong isyu sa lipunan dahil kasama ang kanilang komunidad sa apektado ng ganitong usapin.






























