Isang ‘di inaasahang ‘coming-of-age’ na pelikula ang ‘Kalel, 15’ sa direksyon at panulat ni Jun Robles Lana.

Hindi inaasahan sapagkat bigla itong naipalabas sa mga sinehan ilang araw bago ang paglabas ng huling pelikula sa kasalukuyang trilohiya ng Star Wars, isang global blockbuster, kung saan inaasahan nang puro iyon na lang ang ipapalabas mula Disyembre 20 hanggang dumating naman ang Metro Manila Film Fest sa Disyembre 25. Hindi rin inaasahan dahil kaiba ito sa magaan at masayang coming-of-age na pelikula gaya ng ‘Love, Simon’, na marahil isa sa pinakabagong coming-of-age na pelikulang nailabas. Hindi rin ito katulad ng mga pelikula ni Lana ngayong taon na mas magaan, masaya at may pag-asa, ang ‘Panti Sisters’ at ‘Unforgettable.’

Hindi inaasahan, pero isang magandang sorpresa. Ang Kalel, 15 ay isang ‘coming-of-age’ na pelikula na sinasalamin ang mga kasalukuyang sakit ng lipunan.

Magsisimula ang pelikula sa pagpapabatid sa manonood na si Kalel (Elijah Canlas), 15 taong gulang at nag-aaral sa high school sa isang Catholic school, ay may HIV. Mahirap ang pamilya ni Kalel. Dysfunctional din ang pamilya, maging ang mga pinasok na relasyon ng nanay na si Edith (Jaclyn Jose) at nakatatandang kapatid sa ina na si Ruth (Elora Espino). Iiwan sila ng kanyang ina para sumama sa isang lalaking iniwan din ang asawa’t pamilya habang mapapabayaan naman ng ate niya ang karinderya at upa sa bahay at malululon na rin sa bisyo ng kanyang nobyo. Dysfunctional, pero maaaring kumon sa lipunan sina Kalel, Edith at Ruth at ang kanilang pamilya. Tila wala ring gobyerno o awtoridad para makatulong kay Kalel na makatawid sa buhay, kundi pamilya o sarili lang ang aasahan, na malapit din naman sa katotohanan ng buhay laluna sa mahihirap.

Mabuway ang balanse ng buhay ni Kalel, at ang pirmi lang ay ang kanyang pagpasok sa paaralan at pagtuklas sa kanyang sarili, sa pamamagitan ng barkada, yosi, alak, social media, sex at iba pa. Kasabay ng pagkakaroon ni Kalel ng HIV ang iba pang mga palasak nang bagay sa buhay o lipunan na hindi pinag-uusapan kaya’t hindi natutugunan.

Maingat na ipinakita ng pelikula ang mga realidad na kasinglaki o kinapapalooban ng sakit ni Kalel–mga malalaking tema at paksa sa lipunan gaya ng kahirapan, adiksyon sa droga, usapin sa relihiyon–na hindi naman inaagaw ang atensyon mula sentral na paksa. Maaaring nakatulong dito ang ‘di pagsasabi kung paano nagkasakit si Kalel para sa pagbaybay ng pelikula sa iba’t ibang tema ay hindi nawawala ang HIV sa isip ng mga manonood at kasama ni Kalel, bitbit nila itong problema at potensyal na tunggalian. Ngunit hindi ito ang pelikula na ipapakita ang karakter na ginugupo ng sakit, kundi ang pakikipagtuos nito sa mga nasabing realidad, mga problema sa buhay na lumilikha o nagpapalala sa problema sa sakit na HIV.

Payak at hindi mapagpanggap ang pelikula, mga katangiang tila mas natulungan ng pagiging black-and-white nito. Sa isang eksena habang naglalakad si Kalel, panahon ng Kapaskuhan ang tagpuan pero walang kulay sa mga parol kundi maliliwanag na mga ilaw ang makikita kasabay ng dumidilim na pinagdaraanan ni Kalel. Lumiit ang screen kasabay ng tila pagkitid ng mundo ni Kalel, ng pagkawala ng mga dating mapananaligan sa kanyang buhay.

Sinundan ng pelikula si Kalel sa mga serye ng mga desisyon at kinahinatnan na inaasahan o lohikal batay sa sirkumstansya at paggulang niya. Kahit mabigat, tila banayad na dadalhin si Kalel sa isang opsyon na naihain na rin naman sa umpisa, pero maaaring magkaiba ang dahilan niya sa una kung bakit niya papasukin ito sa huli. At ang desisyon at patutunguhan ni Kalel sa dulo ng pelikula ay maaaring hindi pa nga ang sukdulan, kundi bahagi pa rin ng hilahil para mabuhay ng maraming napabayaan sa lipunan na katulad niya.

Matatapos ang pelikula at naipapaisip nito sa manonood ang maraming posibleng mangyari kay Kalel, marahil maging ang pag-asam na mapabuti siya, bagamat wala pa rin naman tayong ginagawa para makalampas ang mga tulad niya.

 

InterServer Web Hosting and VPS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here