Ilang linggo na akong pabalik-balik sa East Bank, Manggahan Floodway, Pasig para i-record ang isyu ng demolisyon. Simula nang maging viral ang violent dispersal sa barikada ng mga residente at panghuhuli ng mga pulis noong August 31, naisip ko na dapat kumilos.
Maraming nakilala at nakakwentuhan sa nasabing lugar. Paulit-ulit nilang ikukwento ang karanasan nila sa Floodway at kung paano nabuo ang mga pangarap, pamilya, pagmamahal at paninindigan. Masaya silang kasama dahil palaging nakangiti. Madalas sasalubungin ako ng mga bata at sasabihin, “Nandyan na si kuyang media. Pa-picture tayo.” Subalit sa likod ng abot-tengang mga ngiti, mapapansin sa mga mapupungay nilang mata ang hikbi at hinagpis ng araw-araw na pangamba ng demolisyon.
Sa likod ng mga nagtataasang mga gusali, malls, mga sasakyan at sementadong daan matatagpuan ang simpleng pamumuhay sa Floodway. Makikita ang mga batang naglalaro ng pogs o nagtatakbuhan, mga magulang na nagtatrabaho, naglalaba o nagluluto at mga alagang aso o pusang palakad-lakad. Ang akala ko nga ay nasa probinsya ako. Ika nga, it feels like home.
Sa tuwing may impormasyon na pupunta ang pwersa ng pulis, SWAT, bumbero at demolition team, nasa Floodway ako. May pananabik sa pagpunta sa komunidad dahil napamahal na ako sa kanila. Una, mararamdaman mo ang nag-aalab nilang mga puso para igiit ang karapatan sa pabahay. Ikalawa, ang pagkakakisa na lumaban sa mapang-aping estado. Ikatlo ay ang pagmulat nila sa akin na kaya may barikada dahil may mali sa sistema at hindi lang basta mishaps ng buhay.
Oktubre 18 nang gulantangin ang Floodway ng biglaang demolisyon. Walang magawa ang mga residente. Full force ang local government ng Pasig kahit na may pag-uusap na gaganapin sa Nobyembre 8-10. Habang minamaso ang mga bahay, hindi maiwasan na tanungin, “Why is the world so cruel?”
Bilang photojournalist, laging sinasabi sa sarili dapat parang tula ang mga litrato.
Pero iba ang naramdaman sa tatlong araw na demolisyon. Sa totoo, ayaw ko nang kumuha. Mas gusto kong yakapin ang mga bata, magulang, lola at lola umiiyak habang ginigiba ang kanilang mga bahay. Pero sa isang banda, kailangang i-document ang bulok na sistema, kailangang ikwento ang kalagayan nila. Hindi pwedeng manahimik.
Sa mga litratong ito ko muna tatapusin ang mga pangyayari sa tatlong araw na demolisyon. Mabigat pa rin ang puso.