Ang Mayo Uno ay pagbibigay pugay sa mga manggagawa, ang gulugod ng lipunan na nag-aambag ng kanilang lakas at serbisyo para sa kaunlaran ng ating bansa. Ngunit sa kabila ng kanilang pagsusumikap, mas lalo silang naghihirap dahil sa barat na sahod at kawalan ng benepisyo sa trabaho. Kung kaya’t hindi nakakapagtaka na mas pipiliin ng ibang manggagawa na tumungo sa lansangan para magprotesta kaysa magpahinga ngayong Mayo Uno.
Hindi sabay ang pag-ahon ng mga manggagawa at ang mga kumpanyang kanilang pinagtatrabahuhan–habang lumalaki at yumayaman ang mga kapitalista, lalong naghihirap ang mga manggagawa. Malungkot na realidad ito dahil ang mga manggagawa ang dahilan kung bakit tumatakbo ang produksyon sa mga pagawan. Ang masaklap, naglipana pa rin ang mga trabahong irregular dahil sa umiiral na kontraktuwalisasyon.
Sa Metro Manila, nakapako ang minimum wage sa P645 lamang. Ayon sa pag-aaral ng Ibon Foundation, kinakailangan ng P1, 200 para makaraos ang isang pamilyang may limang miyembro sa isang araw. Sa ganitong lagay, hindi nakakagulat kung bakit hirap ang mga manggagawa sa Metro Manila na buhayin ang kanilang pamilya dahil sa mababang sahod. Hindi talaga sasapat ang P645 pesos sa isang araw dahil sa sobrang taas ng mga bilihin at bayarin ng isang pamilya. Kulang na kulang pa ito kung gugustuhin mong makakain ng masustansyang pagkain ang pamilya mo tatlong beses sa isang araw. Kulang pa para mabayaran ang renta sa tirahan, bayarin sa tubig, sa kuryente, at lalo na sa pagpapaaral ng kanilang mga anak.
Kung kulang na kulang ito sa mga pamilya sa Metro Manila, paano pa kaya ang mga pamilya sa mga probinsya na lalo pang mas mababa ang minimum wage? Dahil sa wage regionalization, hindi istandardisado ang sahod na natatanggap ng mga manggagawa lalo na sa mga probinsya. Lalo nilang iniinda ang patuloy na pagsirit ng mga bilihin dahil sa mas mababa nilang sahod. Kaya naman mas pinipili ng mga taga-probinsya na makipagsapalaran sa Maynila para makatanggap ng medyo mataas na minimum wage. Masalimuot man ang naranasan nila sa paglipat sa syudad, mas mahirap naman kung mananatili sila sa napakababang sahod sa kanilang probinsya dahil mas lalong barat ang sahod na natatanggap nila doon.
Hindi nagsisinungaling ang datos. Ramdam na ramdam ang kahirapan lalo sa panahon ngayon. Kung tutuosin, kayang tugunan ng mga malalaking kumpanya ang P1200 family living wage sa laki ng kanilang kinikita sa bawat araw. Dapat na makita ng kasalukuyang administrasyon ang pangangailangang suportahan ang mga manggagawa na siyang nagpapaunlad sa ekonomiya ng lipunan. Mangyayari lang ito kung tunay na isusulong ng gubyerno ang agenda ng mga manggagawa, kasama rito ang paglikha ng mga programang pumapabor sa kagalingan nila.
Subalit ano nga ba ang naging tugon ng gubyerno sa mga makatarungang panawagan ng mga manggagawa? Imbis na dinggin ang karaingan nila at sagutin ng konkretong solusyon, sinagot nila ang mga manggagawa ng dahas at lalong pagpapahirap. Ngayong pagdiriwang ng Mayo Uno, sa ilalim ng tirik ng araw, habang nagmamartsa ang uring manggagawa at mamamayan, hindi sila pinahintulutang makalapit sa tarangkahan ng Mendiola para irehistro ang kanilang panawagan. Kumpleto pa ang mga riot gear ng kapulisan–mga batuta, proteksyon sa katawan, at mga kalasag. Libo-libong pulis ang inilapag bandang Recto pa lang, para bago pa man makarating malapit sa Mendiola ay maharangan at mapigilan na nila agad ang mga nagpoprotesta. Dagdag pa rito, naglatag din ng mga barikada na gawa sa alambreng tinik para pigilan silang makaabante.
Ganito ba ang dapat na sagot sa mga manggagawa at mamamayan sa tuwing sila ay may bitbit na mga panawagan na para naman sa ikabubuti ng mamamayan at ng bansa? Kahit kailan hindi dahas ang solusyon para sa problemang kinakaharap ng mamamayan at uring manggagawa. At hindi naman siguro nakamamatay ang pakikinig sa taumbayan–sa katunayan, lehitimo ang kritisismo ng mamamayan sa mga palyadong programa ng pamahalaan. Ehersisyo ito ng demokrasya na nagtutulak para sa mga nasa posisyon na kumilos upang pangatawanan ang kanilang responsibilidad bilang mga lingkod bayan.
Kaya kung panunupil ang sagot sa bawat protesta, kung patuloy na pagharang sa taumbayan ang hakbangin para hindi marinig ang panawagan ng mamamayan, mas lalo lamang nitong pinapatunayan na ang kasalukuyang gubyerno ay isang gubyernong hindi tumitindig para sa kapakanan ng mga manggagawa.