Hamon para sa sektor ng kabataan ang usapin sa krisis sa edukasyon, maging ang iba pang mga sosyo-ekonomiko at pulitikal na isyu na lubos na nakaaapekto sa kanila.
Sa darating na midterm elections sa Lunes, bitbit ng mga tumatakbo sa lokal na konseho sa ilalim ng Makabayan National Capital Region ang layuning ipanalo ang interes ng taumbayan, partikular ang sektor ng kabataan.


Ang mga kabataan tulad nina Lorevie Caalaman, Eleazar Anaya, at Pearl Tolentino ay tinanggap ang hamon para bigyang boses ang mga marginalized at ang kabataan sa mga konseho, lalo na sa patuloy na panawagan para sa nationalistic, scientific, at mass-oriented na edukasyon.
Prayoridad sa edukasyon


Malaking prayoridad para kay Lorevie Caalaman, 24 taong gulang at tumatakbo sa District 4 ng Quezon City, ang ipagtanggol ang karapatan at isulong ang makamasang plataporma para sa mga kabataan.
“Marami talagang nagiging out-of-school youth. May ibang mga kabataan na nagiging manggagawa. Partikular sa District 4, hindi rin accessible ang paaralan sa mga kabataan, lalo na sa mga marginalized,” ani Lorevie.
Malaki pa rin ang agwat sa pagitan ng publiko at pribadong kolehiyo at unibersidad sa District 4 ng Quezon City. Ayon kay Caalaman, walo sa 11 paaralan sa distrito ay pribado.
“Bilang kabataang magiging representante sa konseho, una sana naming ordinansa ang magkaroon ng kalidad at accessible na eskwelahan sa District 4 tulad ng pagkakaroon ng branch dito ng Quezon City University,” ani Caalaman.
Batay rin sa datos na inilabas ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM 2), apat sa sampung kabataang Pilipino ang nagda-dropout sa paaralan sa kabila ng implementasyon ng Free Tuition Law o Universal Accessible Quality Tertiary Education Act (UAQTEA).
Sa pagtakbo ni Caalaman, binigyang-diin niya ang kahalagahan ng edukasyon na hindi lamang nakukulong sa akademya o apat na sulok ng silid-aralan. Aniya, mainam ang pagkakaroon ng mga talakayang masa sa komunidad, pagawaan, at iba pa gamit ang iba’t ibang pamamaraang aangkop sa interes ng taumbayan.
Halaga ng ayuda
Para kay Eleazar Anaya, 23 taong gulang at tumatakbo bilang konsehal sa District 1 ng Muntinlupa, kailangang putulin ang umiiral na patronage politics na matagal nang sumasakal sa taumbayan. Aniya, hindi dapat ibinibigay sa kamay ng mga trapo, negosyante, at real estate developers ang direksyon ng kinabukasan ng kabataan.
“Kung laging mababa ang pagtingin, laging ginagawang participants, beneficiaries, patuloy na magiging cycle ang patronage sa mga pulitiko,” ani Anaya.
Isang alternatibong pulitika na ang tunguhin ay kilusang masa, hindi transaksyon, ang panawagan ni Anaya.
Dagdag pa niya, hindi sapat na ayuda lamang ang tugon ng pamahalaan sa mga krisis.
“Alalahanin natin na ang mga serbisyo tulad ng ayuda ay karapatan ng mga residente bilang pagkilala sa pangangailangan ng maagap na solusyon. Pero kailangan ding itulak at isulong ang wasto at angkop na proyekto para tuldukan ang nagpapatuloy na problema. Hindi lamang lagi’t laging nakatuon sa pagkakaroon ng ayuda ang sagot sa patuloy na pagbaha, pagwasak ng kabuhayan, at iba pang kahirapang danas ng taumbayan,” paliwanag ni Anaya.
Ayon sa kanya, matagal nang ginagamit ang ayuda bilang kasangkapan sa pamumulitika sa iba’t ibang lungsod sa Metro Manila. Ang mga programa tulad ng Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ay isa sa mga may isyu sa transparency at accountability.
Naulat din noong Enero 2024 ang maanomalyang paggamit ng AICS, TUPAD, at iba pang gov’t services para sa pagsulong ng People’s Initiative campaign para sa Cha-Cha. Iba’t ibang grupo ang nagpahayag ng kondemnasyon nang mabunyag ang lumalaganap na taktikang ito para i-deceive lalo na ang mga maralitang komunidad.
“Nakikita natin sa patronage ang korapsyon. Hindi sa iisang pulitiko nagmumula ang sagot sa mga krisis halimbawa na lamang sa pagtugon sa kalamidad tulad ng mga ayuda,” ani Anaya.
Sa kanyang pagtakbo, layunin ni Anaya na gawing pangunahing tagapagpasya ang mamamayan sa mga isyung hinaharap nila hindi bilang tagatanggap ng limos o benepisyo, kundi bilang aktibong bahagi ng pagbubuo ng mga polisiyang tunay na makatao, makatarungan, at makabayan.
Itigil ang reklamasyon


Ipinakilala rin ng Makabayan NCR si Pearl Tolentino, 29 taong gulang, na tumatakbong independent candidate sa District 1 ng Las Piñas. Primaryang bitbit ni Tolentino ang kampanya para isulong ang karapatan at kabuhayan ng maliliit na mangingisda at tutulan ang reklamasyon sa Manila Bay, partikular sa Las Piñas-Parañaque Wetland Park (LPPWP).
Lumaki si Tolentino kasama ang kanyang lolo na isang mangingisda, kung kaya’t pamilyar na siya sa LPPWP at sa magiging epekto ng nakaambang reklamasyon sa kabuhayan ng maliliit na mangingisda.
“Bakit Makabayan? Dahil nararanasan nila ang nararanasan natin. Sila mismo ay galing sa simpleng buhay ng pagiging batayang masa. Walang halong pagpapanggap ang kanilang kandidatura. Nakikilos at nagsisilbi may eleksyon man o wala,” ani Tolentino.