Naglunsad ng welga ang mga manggagawa ng Kawasaki Motors Philippines Corporation (KMPC) sa iba’t ibang bahagi ng Pilipinas matapos ipataw ng kumpanya ang deadlock sa halos isang taong negosasyon para sa collective bargaining agreement (CBA) sa pagitan ng unyon at pamunuan.

Sa Metro Manila, higit 140 manggagawa naman ang lumahok sa tuloy-tuloy na welga ng mga manggagawa sa kanilang planta sa Muntinlupa City.

Sa loob ng 57 taong pagkakatatag ng KMPC, itinuturing na makasaysayan ang welga sa pangunguna ng Kawasaki United Labor Union. Ito ang kauna-unahang pagkakataon na nagpiket sa labas ng planta ang mga manggagawa bilang pagpapakita ng kanilang sama-samang pagtindig para sa makatarungang dagdag-sahod at benepisyo

“Hindi kami humihingi ng sobra-sobrang sahod at benepisyo na ikalulugi o ikasasara ng kumpanya. May mga batayan ang aming mga hinihingi, at alam naming kaya itong ibigay ng kumpanya. Hiling lang namin ang tamang benepisyo at makatarungang dagdag-sahod para sa aming mga pamilya upang makasabay sa patuloy na pagtaas ng bilihin at serbisyo,” pahayag ng KULU.

Barat ang pamunuan

Agosto 2024 nang ipinataw ang CBA deadlock sa KULU.

Ayon kay Richard Balberan, pangulo ng KULU, hindi kinikilala ng pamunuan ang kanilang datos kung saan lumabas ang abereyds na pangangailangan ng manggagawa sa rank and file na P81,769.62 sa isang buwan habang nanatili sa P37,000 ang kita ng nasabing empleyado.

Noong 2018, naglabas ng rekomendasyon ang National Economic and Development Authority (NEDA) na kinakailangan ng P42,000 hanggang P120,000 kada buwan ang isang pamilyang may limang miyembro upang tugunan ang kanilang pangangailangan.

Samantala, naglabas din ang IBON Foundation ng datos na nagpapakita ng pangangailangan ng family living wage (FLW) na P1,221 kada araw para sa isang pamilyang may limang miyembro sa National Capital Region.

Binigyang diin ng KULU na ang kasalukuyang sahod na P37,000 ay kulang nang mahigit P5,000 hanggang mahigit P80,000 para makamit ang tinatayang cost of living batay sa datos ng NEDA. Ayon pa sa kanilang datos halos 60% ng mga manggagawa sa rank and file ang kumikita ng mas mababa sa P37,000 kada buwan.

Kinondena naman ni Balberan ang pambabarat ng pamunuan na hanggang sa huling pagkakataon ay hindi man lang ibinalik sa kanila ang alok na 7% dagdag sahod at benepisyo sa plant level.

“Ang offer lang ni Mr. Isao Sudo ay 6% salary increase or DOLE will decide,” aniya.

Ayon pa kay Balberan, ginagamit ng kumpanya ang pahayag na halos 97% ng kita nito ang nagagastos bilang dahilan kung bakit umano ito malulugi sakaling tugunan ang panawagan ng mga manggagawa para sa dagdag sahod.

Kalagayan ng mga kababaihang manggagawa sa Kawasaki

Ayon kay Rhea Rongavilla, manggagawa sa welding department, kalaban nila ang init at usok sa isinasagawang pagkilos ngunit ito ay maliit na sakripisyo lamang para makamit ang kanilang makatarungang panawagan.

Iginigiit ng KULU ang 0.86% o halos P37 milyong dagdag na kita para sa buong hanay ng manggagawa ng Kawasaki sa loob ng tatlong taon. Saad ni Rongavilla, ang kanilang hinihingi ay halos kapiranggot kung ihahambing sa malaking kinikita ng Kawasaki batay rin sa kanilang nililikhang produkto

Noong 2024, nagtala ang Kawasaki Heavy Industries, parent company ng KMPC, ng record-high na business profit na ¥143.1 bilyon o higit P50 bilyon lampas pa sa February forecast nitong ¥130 bilyon.

13 taon nang nagtatrabaho sa welding department partikular sa fuel tank section si Rongavilla. Mula sa pagsusuot ng personal protective equipment (PPE) hanggang sa pagpoproseso ng mga welding tulad ng tig, mig, at spot welding ay kabisado na niya ang bawat hakbang ng proseso mula simula hanggang matapos ang produksyon.

Bilang isang babae, aminado si Rongavilla na mabigat ang trabaho ng pagwewelding. Ngunit gaya ng kanyang paglahok sa welga, nakikita lamang niya itong maliit na sakripisyo para itaguyod ang kanyang pamilya.

“Noon, hunger strike ang daw ang ginagawa nila sa Kawasaki. Ngayon ang unang beses na nagwelga at kasama ako rito. Marami kasing gastusin especially dalawa ang anak kong nag-aaral, sa baon pa lang, school supplies, at mga bilihin. Kailangan talaga ng dagdag sahod para masuportahan yung pamilya namin,” ani Rongavilla.

Iba’t iba ang karanasan ng mga kababaihang manggagawa sa Kawasaki. Para kay Bianca Rivera, hindi niya totoong pangalan, ramdam sa kanilang department ang magkaibang trato ng pamunuan sa pagitan ng lalaki at babae.

“Sinasabi sa amin na alam mo na ang standing, sasabihin din sa iyo na ang babae hanggang dito lang, huwag nang umasa na aangat pa,” aniya.

Bahagi rin si Rivera ng production department na nasa engineering section. Aniya, bihira ang mga babaeng napopromote bilang lider kung kaya karamihan ay nananatili pa rin sa rank and file.

“Kami ‘yung nagbababa ng job standards sa assembly line. Nahahatin yung grupo namin sa dalawa: Engineering 1 at 2. Sa Engineering 2 ako kung saan binubuo na ang motor. sa Engineering 1 kasi yung mula pa sa raw materials hanggang sa parts. Kami na yung sa bahagi ng assembly,” paglalahad ni Rivera.

Nag-iisang babae si Rivera sa kanilang team sa Engineering 2 sa research and development. Kabilang siya sa mga responsableng manggagawa sa paghawak ng oras at pagpapatupad ng mga pagpapabuti sa mga proyekto tuald ng pagsasagawa ng pag-aaral kapag kailangan mag-install ng bagong makina at iba pang proseso.

“Mararamdaman mo talaga na iba ang trato ng management sa lalaki at babae. Bilang babae, kami rin naman ay rasyunal at matalino,” ani Rivera.

Kahalagahan ng isang unyon

Para kay Rivera, higit pa sa dagdag-sahod ay panawagan din ng mga kababaihang manggagawa ang pagkilala sa kanilang karapatan at kagalingan.

“Noong estudyante ako, naririnig ko na na kapag may unyon ay magulo at maraming rally. Pero nung pumasok na ako sa trabaho, doon ko lang tunay na naunawaan ang kahalagahan nito. Namulat ako first hand sa kalagayan naming mga manggagawa. Napatunayan ko ito dahil kahit hindi CBA-related, tutulungan ka na parang isang malaking pamilya,” ani Rivera.

Mahalaga rin para kay Albert Ludivico, isa ring manggagawa sa production department, ang isinagawang pagkilos na pinamumunuan ng isang unyon ng mga manggagawa.

“Mahalaga kasi na lumahok sa ganitong pagkilos, kumbaga yung ipinaglalaban namin ay para rin sa sambayanang Pilipino. Maraming manggagawa sa Pilipinas na hindi nabibigyan ng pansin lalo na sa makatarungang panawagan. Mahalagang kilalanin yung aming laban at kung mapagtatagumpayan ay magsisilbing inspirasyon sa iba pang unyon at laban ng mga manggagawa,” ani Ludivico.

Nagpaabot naman ng suportang mensahe ang Defend Jobs Philippines (DJP) sa ikinasang welga ng mga manggagawa ng Kawasaki.

“Ang welgang ito ay patunay ng determinasyon ng uring manggagawa na ipaglaban ang kanilang karapatan at kinabukasan ng kanilang pamilya. Naninindigan kami na ang karapatang mag-unyon, at magwelga ay hindi krimen—ito ay batayang karapatang dapat igalang,” pahayag ng DJP.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here