Walang pagtatalo— nagdiriwang ang lahat sa araw na ito. At bakit nga ba naman hindi, gayong patong-patong ang kaapihan ng mga ina sa lipunang matagal nang sumisira sa mga tahanan.

Sa itinakdang araw na ito sa buong daigdig para sa mga ina, o sa seksyon ng mga nilimitahan sa lipunan upang tupdin ang heteronormative at seksistang role na “mothering,” mahalagang usisain o pag-usapan din ang kaapihang idinulot ng pagkakatatag ng pamilyang nukleyar kung saan tiniyak ang designasyon ng mga gampanin sa loob ng tahanan: si tatay ang “haligi ng tahanan”  at si nanay (na dapat ay laging ciswoman) ang “ilaw ng tahanan” na naging pain sa simplistikong reproduksyon at itinatangi bilang solidong maternal.

Kung kaya’t matapos akuin ng isang adult ciswoman ang designasyon ng kaniyang “ambag” sa lipunan, tila nababawasan ang kahulugan ng pagkababae ng mga kababaihan sa kabuuang saklaw. At ano nga ba ang pakahulugan sa araw na ito ng mga ‘di tumanggap sa gampaning pagsusupling? Kasama ng mga itinuturing na “abnormal” o “disordered” sapagkat ‘di pasok sa mga gampanin ng sagradong pamilyang nukleyar na napanatili sa pag-usbong ng kapitalismo sa mga abanteng kapitalistang bayan, itinatakwil sila sa kabilang panig ng market economy sa ilalim ng sistemang mala-pyudal: sa mga kamay ng burgesya.

Kung babalikan ang kasaysayan ng pagsasa-omnibus ng “Mother’s Day” bilang holiday sa iba’t-ibang panig ng daigdig matapos itong ganap na isabatas sa Estados Unidos (US) noong 1911, hindi maisasantabi ang pagbalikwas ng orihinal na nagsimula at nagtaguyod nito na si Anna Jarvis. Bunga ng komersalisasyon sa pagdiriwang ng “motherhood” at “femininity” na sinimulan nya sa isang simbahan sa West Virginia noong 1908 bilang paggunita sa yumao nyang ina na isang community health advocate, nanawagan si Jarvis ng pag-boycott sa mga produktong komersyal tulad ng candy, cards, atbp. na  nagtulak sa neoliberal trajectory nito.

Mahalagang uliratin na ang mga taon ding ito ang bugso ng konsolidasyon ng kapangyarihan ng US para sa pagbubuo nito ng sariling emperyo kung saan unti-unting naging masidhi ang pang-ekonomya, pampulitika, at pangkulturang hambalos nito sa mga karatig na bansa sa hilaga at sa mga bansa sa Asya na atrasado ngunit mayaman sa likas na yaman. Sa proyektong pag-alagwa bilang numero-unong imperyalistang kapangyarihan sa daigdig, seguridad sa paglikha ng surplus ang tiniyak ng US. Dahil dito, naging masikhay ito sa pagkabig sa mga lokal na merkado at sistematikong pagnanakaw ng serbisyo, materyales, at lunsaran ng pagggawa para sa pagtitiyak ng dambuhalang pag-usbong ng mga korporasyon nito.

Kung kaya’t noong 1911 at sa mga susunod na taon, mas lalong naging depolitasado at neoliberal ang trajectory ng pagdiriwang ng araw ng mga ina. Hindi naglaon, mismong si Jarvis na ang nanawagan sa pagpapatanggal ng pagdiriwang ng araw na ito.

At kung ganoon ang pagdiriwang ng araw ng mga ina noon at hanggang ngayon sa US, hindi kataka-taka kung bakit depolitasado at neoliberal din ang direksyon ng popular na pagdiriwang nito sa Pilipinas, bilang isang bansang matagal nang tapunan ng sobrang produkto at source ng cheap and docile labour at murang materyales ng mga imperyalistang bansa.

Tiyak tayo, kung walang lockdown, naglipana ang mga tao sa malls at iba’t-ibang komersyal na establisyemento upang gunitan ang makitid na depinisyon ng “motherhood” sa lipunang pyudal-patriyarkal at atrasado gaya ng Pilipinas. Syempre, upang i-overcompensate ang overwork na ipinasan ng lipunan sa balikat ng mga ina, kinakailangan ng pamosong greeting cards, treat sa spa o kaya’y salon, buffallo wings at samgyup sa mga restaurant at fastfood chains.

At kagaya ng nabanggit,  sa oras na ‘di validated ang kabutihan at kagalingan ng mga kababaihang tumiwalag sa maka-isang panig na designasyon sa pamilyang nukleyar o walang romantisismo sa gampaning maternal, kinakailangan nilang sumumpa sa toreng-garing ng mga nagmamay-ari sa mga plantasyon, export-processing zones, call-center companies, engklablo’t palihan— dahil kung hindi, ano nalang ang i-po-post o ipagmamalaki nila sa araw na ito? E wala namang anak, hindi ba?

Ang social function na itinatakda ng biological determinism sa ilalim ng tradisyunal na pamilyang nukleyar na napanatili sa panahon ng imperyalismo ang sagka sa pagpapalawak at pagpapayaman ng kahulugan ng “mothering” at “motherhood.” Ang masaklap rito, kapag nabuntis ang isang babae/cisgender o tinanggap ang social function na ito within or outside the bounds of traditional marriage habang nagtatrabaho o namamasukan sa isang kumpanya, mismong ang panlipunang kaayusan ang magpapataw sa kanya ng symbolic economic sanctions: tanggal trabaho o ‘di kaya’y bawas benepisyo.

E may expanded-maternity leave naman na, ‘di ba? Sa kabila ng advancement na ito sa larangan ng parliamentary struggle na isinulong ng kababaihang anakpawis sa pangunguna ng Gabriela Women’s Party (GWP), hindi maitatanggi na nakalulusot pa rin ang mga ganid na korporasyon. Sa katanuyan, nagpapatuloy pa rin sa ilang call center companies ang annual pregnancy check sa mga babae. At ano ang mas abanteng galawan ng mga kapitalista sa ngayon dahil sa bagong batas? Nililimitahan ang pagtanggap sa mga kababaihang nagbabalak maging emplayado, lalo na sa mga BPO.

Sa ilalim ng lipunang binatbat ng mga neoliberal na katangian, ang primaryang batayan ng esensya ng pagiging babae ay nakabatay sa kakayahan niyang tanggapin ang socially-dictated na kahulugan ng “mothering” at sa pagiging ina kinakailangang magpakahusay at tumbasan ang kakungalan at kapalkan ng estadong neoliberal sa mga kabataan upang maging mabuting ina, tao, at mamamayan ng bansa. At ano pa ba, sa araw na ito, kinakailangan din niyang maging pasok sa susog ng merkado: magdiwang nang engrande, yung tipong tataob sa fb post ng mga inang walang kakayahang magdiwang.

Bukod ito, mahalaga rin ang punto ng pag-aaral ni Rolando Tolentino hinggil sa vaginal o sexualized economy, isang neoliberal na programa ng rehimeng US-Marcos na nagtulak sa mga kababaihan sa ibang bansa sa pamamagitan ng labour-export policy upang tumanggap ng feminized roles tulad ng pagiging kasambahay, caregiver, at empleyado sa leisure industry tulad ng casinos (Tolentino, p. 103, 2011). Interesante itong balikan upang masinsin ang political-economy na nagbunsod sa maka-isang panig na konsepto ng social function ng mga ina sa lipunan.

Ngunit taliwas sa paniniwala ng mga kontra-rebolusyonaryong nagpoposturang pessimist lamang sa pananaw sa kinabukasan, hindi ito ang katapusan ng mundo.

Tulad ng naging paninindigan ni Marilou (Eugene Domingo) sa pelikulang Barber’s Tale (Jun Lana, 2013), posible ang panibagong mundo sa kababaihan at hindi ang kaniyang asawa na sumisimbolo sa pyudal-patriyarkal na lipunan ang nagtakda sa kaniyang social function at motherhood. Gaano man siya supilin at gawing mababa sa mata ng lipunan dahil sa “kamalasan” niya sa pagdadala ng sanggol, naging malinaw sa kanya ang lahat: maraming maaaring isilang bukod sa sanggol—at kailanman hindi ang determinismong biological ang magtatakda sa kaniyang puwang sa lipunan.

Dahil ipinagdiriwang na tuwing ikalawang linggo ng Mayo ang araw ng mga “ina” sa iba’t-ibang panig ng daigdig, mahalagang kritikal itong tingnan o tanggapin. Sa gampaning ito, nararapat kilalanin ang mga tatay, transwoman, transman, o anomang kasarian na nilampasan at itinatwa ang neoliberal na dikta ng lipunan hinggil sa motherhood.

Ngayon, ano na nga ba ang makatwiran: Mother’s Day o Mothers’ Day? Baka panahon na rin para tawagin itong “Mothers’ Day” dahil sa ilalim ng lipunang atrasado at sa panahon ng pananalasa ng pasistang rehimen, kolektibo ang danas sa kaapihan ng mga ina.

 

Reference:

Tolentino, R.B. (2010). VAGINAL ECONOMY: Cinema and Globalization in the Post-Marcos Post-Brocka Era. Humanities Diliman: A Philippine Journal of Humanities, 7, 95-114.

 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here