Kumusta ka na? Ilang buwan na rin ako hindi nakakauwi simula nang mga nangyari sa atin. Okay lang naman ako ma, masaya sa piniling landas, ang landas ng pagbabago ng lipunan. Okay lang naman ako nakakain araw-araw, masaya na gumagawa ng mga gawian at patuloy na nakikibaka. Alam mo bang ikaw ang inspirasyon ko sa mga ito? Kayo nila papa at mga kapatid ko. Alam ko na hindi biro ang pagtratrabaho ni papa bilang kontraktwal na manggagawa. Nandon ang hirap at patuloy na nagtratrabaho para maitaguyod ang pang araw-araw na pangkain natin. Hindi biro ang pagbabayad ng matrikula ni She sa pinili niyang paaralan at kurso. Hindi biro ang magluwal at magtaguyod ng apat na anak na pinalaki mo nang maayos, pinag-aral, binigyan ng magandang buhay. Malaki ang pasasalamat ko sa’yo dahil kung wala ka ay hindi ko tatahakin ang landas na ito. Pasensya na mama at hindi ko natupad yung pangarap mo sa ‘kin na mag-artista o maging guro sa isang pamantasan. Dahil yung pangarap ko ngayon ay hindi na lang para sa sarili ko. Kayo ang aking masa.

Sana okay lang kayo sa gitna ng pandemyang ito ay palagi ko iniisip kung nakakain ba kayo tatlong beses sa isang araw, kung kumusta na kayo nila papa at ng mga kapatid ko. Kumusta na ba si Remi dyan? Ang pinaka-paborito kong aso. Hahaha.

Balang-araw alam kong magkikita tayo, alam kong mayayakap ulit kita at makakausap din kita. Palagi kayong mag-ingat lalo na ikaw, barangay health worker ka pa naman, ikaw ang frontliner sa barangay natin para iligtas ang mga kalusugan ng ating mga ka-barangay.

Malapit na pala ang debut ni She. Happy Birthday kay She! Pakisabi rin kay papa na oks na oks ako dito. ‘Wag siya masyadong mag-alala at ‘wag masyadong mag-isip tungkol sa akin dahil okay na okay lang ako.

Mahal na mahal kita! Happy Mother’s Day! Mahal na mahal ko kayo. Marami pa akong gustong sabihin pero siguro hanggang dito na lang muna. See you soon! <3

 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here