Ikinasa ng iba’t ibang progresibong grupo mula sa National Capital Region ang protesta ng Kilusang Bayan bitbit ang kanilang mga lehitimong panawagan at kampanya. Nagmartsa ang mga nagprotesta sa Recto Avenue tungong Mendiola.
Mabilis na naihanay ng mga grupo ang kanilang mga pormasyon mula kabataan, manggagawa, maralitang lungsod, kababaihan, artista at iba pang sektor na nakiisa at mapanghamong kinalampag ang Mendiola.
P203 dagdag sahod, ipatupad na!
Nagngangalit na ipinahayag ni Francisco Manaog, tagapangulo ng Unyon ng Manggagawa sa Harbour Centre, ang lubos na pagkadismaya sa Department of Labor and Employment sa usapin ng hindi talagang nagtatanggol para sa manggagawa ang nasabing ahensya.
“Matagal nang kinatigan ng Korte Suprema ang aming laban. Bakit hanggang ngayon, wala pa ring aksyon ang DOLE at lalo pang tinatali sa marabok at madaming usapin sa pagitan namin at ng management nitong si Reghis Romero?” pagtatanong ni Manaog.
Ika-28 pa ng Hunyo taong 2022 nang pinaboran ng Korte Suprema ang laban ng mga manggagawa sa Harbor Centre Port Inc., dahilan upang ipanumbalik na ang higit sa 300 manggagawang iligal na tinanggal sa trabaho ng management noong 2020.
Dagdag pa ni Manaog, hindi sasapat ang kakarampot lamang na ayuda na ibinibigay ng gobyerno at mas tinurol pa ang usapin sa regularisasyon at pagbabasura ng kontraktwalisasyon.
“Mariin din naming ipinapanawagan ang pagsasabatas ng dagdag na P203 sa minimum wage na sahod. Kung tutuusin, pinapatay pa rin naman kami ng krisis sa mga matataas na presyo ng bilihin at transportasyon bago ipatupad ang sinasabing P33 na dinagdag sa minimum wage. Sadyang hindi ito sasapat para sa higit dalawang taon nang pinapatay ng gobyerno ang mamamayan gawa ng krisis panlipunan,” ani Manaog.
Aniya, hinabol na lamang ng dating administrasyong Duterte kaakibat ng sinasabi nitong “Duterte legacy” ang pagkakaroon ng dagdag sahod sa mga manggagawa. Ipinasa lamang ito noong Mayo taong kasalukuyan.
Ganito rin ang daing ng mga manggagawa mula sa Regent at All UP Workers Union na nananawagan para sa P20,000 health support grant sa bahagi ng mga empleyadong higit na naapektuhan ng pandemyang COVID-19.
Sa kabilang banda, tagumpay naman ang mga manggagawa Pepsi-Cola Products Philippines, Inc. na nakapaglunsad ng Collective Bargaining Agreement sa pagitan ng management at sa South Supermarket na naitulak ang pagkakaroon ng dagdag na P55 sa sahod.
Tampok naman sa mga manininda o sidewalk vendor sa lungsod ng Maynila ang hindi makataong turing ng lokal na pamahalaan sa kanilang kabuhayan nang ipasa ang Executive Order 15 o ang “No Parking, No Vending Policy”.
“Imbes na ipagbawal ay planuhing mabuti ang aming pwesto upang tugunan kapwa ang pagsasaayos ng mga pangunahing kalsada sa lungsod nang hindi napeperwisyo ang kanilang trabaho,” saad ng ilang maninindang kalahok sa protesta.
Urban militarization, tutulan, labanan, huwag pahintulutan!
Bunsod ng kinahaharap na usapin sa katiyakan sa paninirahan sa mga komunidad ng Pangarap Village sa Caloocan, Quintos at Policarpio sa Navotas, Catmon sa Malabon, Maysapang sa Taguig, West Cliff (Laperal) sa Makati, Pook Arboretum sa Quezon, at iba pa ay umuusbong ang diwang palaban ng mga maralitang-lungsod para ipanawagan ang mariing pagtutol sa mga nakaambang demolisyon.
Gayumpaman, banggit ng mga maralita, nanghihimasok na rito ang mga kapulisan kasama ang National Task Force to End Local Communist and Armed Conflict (NTF-ELCAC) upang lunsaran ng mga community relief sa tabing ng kanilang pa-pprofiling at intelligence operations maging ang panrered-tag sa mga indibidwal at progresibong organisasyon.
“Si Nanay May, hindi niya tunay na pangalan, ang anak niya mismo ay traumatized na sa ginagawang panghihimasok ng NTF-ELCAC. Malinaw na ganitong propaganda ng NTF-ELCAC ay hindi magdadala ng kapayapaan, bagkus ay nagpapakita ng takot, terorismo, at karahasan,” saad ni Rena Cañete ng Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN) Quezon City.
Nananawagan din silang tugunan ng kasalukuyang administrasyon ang iba’t ibang serbisyong panlipunan tulad ng paglikha ng trabaho na aksesible sa bahagi ng mga mamamayang maralita. Sa usapin ng katiyakan sa paninirahan, inihapag nilang mainam na dagdagan pa ang pondo para sa pabahay upang punuan ang P6.8 milyong housing backlog ng pamahalaan.
Pababain ang presyo ng pangunahing bilihin, ibasura ang oil deregulation law!
Ngayong araw ay nagpagat ng dagdag na P6.10 kada litro sa presyo ng diesel at kerosene at P1.40 naman kada litro sa presyo ng gasolina. Simula Enero 2022, ang mga netong presyo ay papatak na sa P19.65 kada litro ang gasolina, P37.80 kada litro ang sa diesel, at P33.20 kada litro naman sa kerosene.
Ani Leticia Castillo, chairperson ng Gabriela National Capital Region, kaakibat ng pagtaas ng presyo ng petrolyo ang pagtaas din ng presyo ng pangunahing bilihin.
“Dahil sa oil deregulation law, gumagawa ng palabas ang mga dambuhalang kumpanya ng langis tulad ng Petron na pagmamay-ari ni Ramon Ang para sabihin na kulang umano ang suplay ngunit ang katotohanan ay minamanipula lamang nito ang mga presyo para makapagkamal pang lalo ng bilyong tubo,” saad ni Castillo.
Sa unang anim na buwan ngayong taon, higit P7.7 bilyon na ang kinita ng Petron. Tampok din ang sunod-sunod na ulat ng pagtaas ng kita mula sa iba’t ibang malalaking kumpanya ng langis tulad ng ExxomMobil Corp na kumita ng $17.9 bilyon, Chevron Corp na kumita ng $11.6 bilyon, Shell na kumita ng $11.59 bilyon, at Total Energie na kumita ng $5.8 bilyon sa ikalawang kwarto ng 2022.
“Dito tuwang-tuwa ang administrasyong Marcos Jr. na ang ordinaryong mamamayan at tsuper ang nagkakaroon ng alitan dahil sa pinalutang nitong krisis sa petrolyo. Na sa katunayan ay kanyang palabas lamang kasama ang mga naglalakihang kumpanya ng langis,” dagdag ni Castillo.
Nitong araw lamang din ay pinag-aaralan na ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang muling pagtaas ng presyo ng pamasahe mula P11 tungong P15.
“Lalong umaaray ang mga ordinaryong mamamayan sa ganitong estilo ng pamahalaan na bulok, kurap, at pasakit. Kaya naman makatarungan ang aming panawagan sa pagbabasura ng oil deregulation law at pagbababa ng presyo ng mga batayang pangangailangan ng mga maralitang Pilipino,” ani Castillo.
Pagbabalik-paaralan ng mga estudyante, walang kahandaan
“Ano ang magiging implikasyon ng pagsusubasta lamang ng administrasyong Marcos Jr. at DepEd sa kasalukuyang sitwasyon ng mga mag-aaral? Nagttransisyon pa lamang tayo sa pagkakaroon ng face-to-face classes, pero binabawasan ng gobyerno ang badyet para sa edukasyon,” saad ni Mario ng League of Filipino Students National Capital Region.
Dagdag ni Mario, kung kailan mas kinakailangan ng paaralan ang sapat na atensyon at badyet para masiguro ang aksesible, ligtas, at kalidad ng pagbabalik-paaralan ay saka binawasan ng gobyerno ang badyet para sa mga unibersidad at pamantasan.
Mariin ding pinabulaanan ng LFS NCR ang tinatayang Pharmally ng DepEd kung saan higit P2.4 bilyong overpriced na laptops para umano sa kaguruan.
“Dapat imbestigahan ng Senate Blue Ribbon committee ang COA findings para sa DepEd noong 2021 kung saan 2.4 bilyong piso ang iniulat na ginastos para sa lumang Celeron processor na laptop,”
Hinamon din ng LFS NCR ang kasalukuyang kalihim ng DepEd at anak ng dating pangulong nanguna sa kontrobersal na giyera kontra droga na si Sara Duterte.
Tulad ng giyera kontra droga na kasalukuyang iniimbestigahan ng International Criminal Court kung saan libo libo ang tinatayang pinaslang, ang pagpapanumbalik ng Mandatory Reserve Officers’ Training Corps (ROTC) sa paaralan, ani Mario, ay magiging dagdag pasakit lamang at magiging sanhi pa muli ng maraming kaso ng paglabag sa karapatang pantao at supresyon sa akademikong kalayaan.
“Dahas lamang ito sa mamamayan kung saan huwad ang sinasabing pagmamahal nito sa bayan. Kung tunay na nagsisilbi ang edukasyon natin sa bayan ay dapat tugunan nito ang primaryang pangangailangan ng mga kabataan partikular sa kahandaan ng mga paaralan sa pagbabalik-paaralan, pagdadagdag ng kaguruan, at pagtugon sa sosyo-ekonomikong interes ng sambayanan,” dagdag ni Mario.
Palayain ang mga bilanggong pulitikal!
Nanawagan ang Kilusang Bayan para sa agarang pagpapalaya sa mga unyonista at organisador sa mga komunidad tulad nina Joel Demate, Mark Ryan Cruz, Romina Astudillo, at Jaymie Gregorio na bahagi ng Human Rights Day 7; at Reina Mae Nasino, Alma Moran, at Ram Bautista na bahagi naman ng Tondo 3.
Ang HRD7 ay inaresto noong Disyembre 2020 sa kasong illegal possession of firearms and explosives. Ang tatlong bahagi rin ng HRD 7 na sina Lady Ann Salem, editor ng Manila Today, at Rodrigo Esparago, na lider-unyonista ng Samahan ng Manggagawa sa Quezon City, ay nakalaya na noong Marso 2021 matapos ibasura ng korte ang mga kaso. Habang ang Tondo 3 naman ay inaresto noong Nobyembre 2019 pa sa pareho ring kaso.
Banggit ng mga human rights advocates, dapat na magsilbing tuntungan ang pagbabasura ng kaso nina Salem at Esparago upang palayain na ang mga natitirang bilanggong pulitikal ng rehiyon.
Buwagin na ang NTF-ELCAC at ang pakanang pagpapalaganap ng disimpormasyon
“Kamakailan lamang nang iratsada ng NTF-ELCAC at NICA ang pagkakaroon umano ng Artist for Nation Building upang magkonsolida ng mga artista, musikero, direktor at iba pa na ang tanging layunin ay ipalaganap ang pangrered-tag sa mamamayan partikular sa kanilang diwang palaban at makilos,” ani Murray Tan, secretary-general ng Sining Bugkos.
Nakiisa ang Sining Bugkos, isang alyansa ng mga manggagawa sa kultura, sa protesta ng Kilusang Bayan bitbit ang mga naglalakihang imahe ng manggagawa sa kalusugan at sa pabrika na nananawagan para dagdagan nang P203 ang minimum na sahod para sa mga ito.
“Nasusuklam ang mga artista ng bayan sa palabas ng administrasyong Marcos Jr. na hindi iba sa kanyang amang diktador na pinatalsik ng mamamayan. Ang kanyang kapabayaan at kawalan ng tugon sa iba’t ibang lehitimong panawagan ng taumbayan ang magiging mitsa ng magpapatuloy at laksa-laksang pagkilos,” dagdag ni Tan.
Ngayong taon gugunitain ang ika-50 anibersaryo ng Batas Militar kung saan iba’t ibang paglabag sa karapatang pantao sa mamamayan sa higit kumulang 101,458 na biktima ng batas militar kabilang ang 70,000 ikinulong, 35,000 tinortyur, at 3,256 pinaslang kasama ang 2,520 dumanas ng brutal na pagpatay at mga nawala.
Ngayong araw din mismo ginugunita ang Pandaigdigang Araw ng Mga Nawawala.
“Nakikiisa ang Sining Bugkos sa patuloy na panawagan ng hustisya at katarungan para sa lahat ng desaparecidos at biktima ng pamilyang Marcos,” banggit ni Tan.
“Sa isang kilusang bayan, kasama ang Sining Bugkos at iba’t ibang artista ng bayan para ipaglaban ang karapatan ng bawat Pilipino at aktibong kikilos, titindig, at lalaya para sa kagalingan ng sambayanan,” pagwawakas ni Tan.