Hindi pa ako buhay noong 1986, pero nasanay ako na kada Pebrero 25 ay walang pasok. Noong bata pa at walang masyadong muwang, ikinatuwa ko ang suspension ng klase. Ibig sabihin kasi nun mas may oras ako maglaro sa labas. Nang makatuntong ako ng hayskul, wala pa ring klase, pero laging may essay o assignment tungkol sa People Power Uprising. Sabi ng mga teacher ko sa Araling Panlipunan, mahalagang aralin ang kasaysayan, lalo na ang Martial Law. 

Abstrakto ang konsepto ko sa Martial Law bago ako nakatuntong ng kolehiyo. Hindi rin naman namin napagkuwentuhan ng magulang ko kung ano ang karanasan nila. Ang sabi lang nila, mas istrikto noon. May curfew. Papasok sila sa trabaho tapos uuwi sa bahay. Kaya kahit nababasa ko ang datos tungkol sa Martial Law at nakailang field trip kami sa Bantayog ng mga Bayani nung mas bata pa ako, hirap akong unawain na posible palang dumaan ang henerasyon ng lolo at magulang ko sa isang malagim na yugto ng kasaysayan. Siguro kasi hindi ako nabuhay sa panahon na iyon. 

Nagbago lang yun nang makatuntong na ako ng kolehiyo. Nakapasok ako sa isang state university na may relatibong progresibong pananaw sa kasaysayan. Iba na ang kaledad ng mga librong pinabasa sa akin, mas natulak na akong maging kritikal dahil sa mga hinihinging rekisito sa mga subjects ko. Kalauna’y nakilala ko ang mga martial law survivor. May mga propesor akong nagkuwento ng karanasan nila. Napakinggan ko rin ang mga programa ng mga nagpoprotesta, lalo na nung sumali ako sa campus publication. Sa iba, marahil sapat na mga batayan na ito para makisimpatya o maunawaan ang dahilan kung bakit nangyari ang EDSA People Power. Pero para sa akin, masasabi kong mas nagkaroon ako ng malalim na appreciation sa People Power noong napagnilayan ko na ang mga dahilan kung bakit natulak ang milyung-milyong Pilipino na gawin ito simula’t sapul. Walang gaanong pagkakaiba ang kalagayan nila noon sa kalagayan ngayon. 

Nakatala na sa kasaysayan ang walang kaparis na kahirapang naranasan ng mamamayang Pilipino sa ilalim ng dalawang taong diktadurya ng rehimeng Marcos Sr. Laganap ang kurapsyon at nepotismo. Patuloy ang pagsirit ng presyo ng bilihin. Mababa ang pasahod. Garapalan ang pasismo at paglabag sa karapatang pantao. Tinuring na terorismo ang kahit anong porma ng kritisismo sa gubyerno. Sabi nga ng mga propesor ko at ng ilang beteranong aktibista, walang maningning na kinabukasan na naghihintay sa mga kabataan noon. Malawak ang diskuntento at disgusto. Kung ganoon na nga ang kinabukasang naghihintay sa iyo, hindi ko rin sila masisi nang tahakin nila ang landas na hindi pangkaraniwan. 

Lumilikha ng matinding paglaban ang krisis, sabi sa akin ng isang aktibista. Dalawang dekadang dumanak ang dugo ng mga aktibista, nag-underground, at ordinaryong sibilyan. Tuloy-tuloy ang pagputok ng mga welga at protesta. Hindi tumigil ang mga peryodista sa paglathala ng katotohanan. Madugo ang daan patungo sa EDSA, isang daang pinanday ng ubos-kayang paglaban ng lahat ng Pilipinong nagmamahal sa kalayaan at naghahanap ng hustisya.

At ang kulminasyon ng paglabang ito, marahil, ay ang milyun-milyong pagmartsa ng mamamayang Pilipino sa kahabaan ng EDSA noong Pebrero 25, 1986. Nag-alsa balutan ang pamilya Marcos. Ni-ransack ang Malakanyang. Nakaimprenta sa lumang editoryal ng Philippine Daily Inquirer: It’s all over; Marcos flees! 

But is it, really? 

39 taon matapos ang EDSA Uprising, waring umuulit ang mga batayang nagtutulak na mag-alsa ang mamamayan. O baka nga mas malala na ang kalagayan ngayon. Medyo ironic din dahil ang kasalukuyang nakaluklok sa pwesto ay ang anak ng diktador na Marcos Sr. 

Ngunit kung babaybayin ang kasaysayan, hindi stroke of luck o act of God ang pagkakaluklok ni Ferdinand Marcos Jr. sa kapangyarihan. Bagkus, produkto ito ng mahabang pagsusumikap ng mga tulad niyang gahaman sa kapangyarihan na panatilihin ang umiiral na sistema. Kasabay nito, ang paglabusaw ng mga may-kapangyarihan sa esensya ng People Power, kung saan tuso nilang ipinronta ang isang indibidwal bilang mitsa ng pag-aalsa, imbis na patampukin na itinulak ito ng pagbibigkis ng mamamayan laban sa malawakang inhustisya at kagutuman.

Totoo mang napatalsik ng sambayanang Pilipino ang diktaduryang Marcos, naitayo ang pumalit na administrasyon, at nailathala ang panibagong konstitusyon, hindi maikakailang pabor pa rin ang sistema sa mga makapangyarihan. Nagpapakasasa sila sa yaman at ari-arian habang wala pa ring lupa ang kalakhan ng magsasaka. Barat ang pasahod sa mga manggagawa. Kulang ang trabaho at oportunidad. May klima ng kawalang-pananagutan at pasismo na umiiral sa syudad at mga probinsya. Talamak pa rin ang mga paglabag sa karapatang pantao. Laganap pa rin ang mga kondisyong lumilikha ng malawakang disgusto at diskuntento sa mamamayan dahil hindi pa rin natugunan ng mga sumunod na administrasyon ang tunay na pangangailangan ng bayan. 

Kung kaya’t ang paggunita sa EDSA ay nagsisilbi ring hamon sa lahat ng Pilipinong mapagmahal sa kapayapaan. Labas pa sa mga sigaw ng “Never Again, Never Forget”, mainam na alalahanin ang tunay na esensya ng EDSA. Hindi dapat nahinto sa EDSA Uprising ang responsibilidad ng mamamayang Pilipino na ipagtanggol ang katarungan at kalayaan. Ang umiiral na kahirapan, kurapsyon, at inhustisya ay mga indikasyong hindi pa tapos ang laban ng mamamayang Pilipino para sa isang lehitimong makataong lipunan. 

Sapagkat ang diwa ng EDSA ay hindi maikakahon sa iilang personahe o ispesipikong kulay o politika. Ang diwa ng EDSA ay nananalaytay sa bawat Pilipinong nagpapatuloy sa pakikibaka. Ito ay ang sama-samang pagkilos ng sambayanang Pilipino para protektahan ang demokrasya. Buhay ang diwa ng EDSA hangga’t may pagyurak sa karapatang pantao, hangga’t may pambubusabos, hangga’t may pagsasamantala. 

Hangga’t hindi ganap ang pagbabagong-lipunan, hindi pa tapos ang People Power. 

Hindi pa tapos. 

Hindi matatapos.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here