[ultimate_spacer height=”50″]

Mahirap
Mahirap magtagni ng mga salita, kasama
Ang hirap mong tulaan
Heto, habang tumitipa ng mga letra
Nagpapanggap na marami nang nasusulat
Nakaupo sa sulok nitong kwadradong espasyo
Habang ika’y nasa kabilang sulok ng iyong parihabang kwarto
Tanaw ka mula sa isang distansya

Sa mahabang panahon ng paghahanap
Sa malayong sulok ng mga tawa at alaala
Sa inaapuhap na mga panahong nasa isang distansya na
Pagkat may distansya na sa atin

Sa una nating pagkakakilala
Doon sa paborito nating tambayan sa likod ng paaralan
Sa gitna ng mga damo at bulaklak
Doon ka nakaupo, nakatalikod
Nakikinig sa pag-aaral hinggil sa digmang bayan

Mula noo’y masikhay kang nagpatuloy
Mabilis na umabante
Mabilis na humanay sa masa
Sa pagitan ng paghahabol ng sariling pangarap
At pangarap ng sambayanan
Mabilis mong tinawid ang distansya ng pag-aalinlangan
Mabilis mong niyakap ang inaaping bayan

Katulad ng maraming kasama
Na mayroong tampok na katangian

Bukod tangi kang malambing magsalita
Madalas kang pinupuna, minsa’y naaaway
Dahil sa iyong pagbe-baby talk
Tatangis kang minsan
Paglao’y nanlalaban, magtataray
Ngunit sa huli’y nagpapatawad

Bukod tangi kang tamad maghugas ng paa
Kapag sumasapit ang oras ng pagtulog
Pagod sa maghapong pakat
Diretsong hihimbing upang pumakat muli kinabukasan

Bukod tangi kang malakas mangyakap sa tulugan
Sa panahong tayo’t nagsisiksikan sa higaan
Madalas sinasalubong natin ang pagputok ng araw,
Sa mga kwentuhan nating walang humpay
Sa iisang panlatag sa malamig na semento
Sa mga folding bed na lumulutang sa gitna ng baha
Sa sahig na puno ng surot at tanging tarpaulin lamang ang panangga

Bukod tangi kang matagal magsipilyo at tamad maligo
Bukod tangi kang masarap kasamang kumain, lumamong tila tagumpay na ng rebolusyon

Bukod tangi kang kayang magpahayag
Gamit lamang ang iyong hintuturong sumasayaw

Bukod tangi kang kayang magpakawala ng mga biro
Na ikaw lamang ang nakakaintindi
Na ikaw lamang ang tumatawa
Na ikaw lamang ang nabebentahan ng iyong mga banat

Ikaw
Ikaw na nagturo sa amin
Na kapag may pinagdadaanan tayo
Minsa’y kailangan lang natin itong idaan sa pagkikilay
Sa pagpili ng tamang shade ng lipstick
O sa paggamit ng dangling earrings na babagay sa ating suot

Sabi mo nga sa mga training mo sa NUSP o Anakbayan
“Hindi ka lang dapat maganda. Dapat aktibista ka rin.”

Ikaw
Ikaw na nagturo sa amin
Na masarap palang kumain ng itik
Prito man o kaldereta
Kasama ang isang bandehadong kanin
Sa inyong munting tahanan doon sa Pateros
Kapiling ang iyong pinakamamahal na ina
At ng mabait mong lola

Ikaw
Ikaw na nagbigay inspirasyon
Sa iyong natatanging kwento ng pagpupultaym
Na ibinabahagi namin sa lahat
Ng aktibistang aming nakikilala
Kahit ang masang ating nakakasalamuha

Isang gabi ng Hulyo
Natanggap ko ang balita
Balitang nagpatigil sa oras
Gumitla sa tulog nang mga kasama
Mula sa mahabang araw ng pagkilos sa lansangan

Nahanap ko na lamang ang sarili kong muling naghahanap sa iyo
Doon
Doon sa kwartong puti
Doon sa dulong kaliwa
Sa tabi ng bintanang walang liwanag na pumapasok
Sa tabi ng iyong pinakamamahal

Tinawid ko ang distansya tungo sa iyo
Bawat mabigat na hakbang ay sumasaliw sa pagkabog ng aking puso
Nilagpasan ang mga di pamilyar na mga mukha
Hanggang sa umiksi ang pagitan

Papalapit
Papalapit
Papalapit sa iyo

Sa iyong higaan
Nakaratay ka’t nakabalot
Sa puting tela
Malamig
Walang buhay

Wala na ang aming Bulawan
Wala na ang maningning na araw
Sa lahat ng opisinang
Inagaw na ng gahiblang pagitan
Ng buhay at kamatayan

Kaibigan
Kilala ka sa maraming tawag
Iza, Uno, Jai Ho, Itik Girl, Friend

Ngunit sa akin, ikaw si Duday
Sa aking kabigan
Sa pinakamatalik kong kaibigan sa rebolusyonaryong kilusan
Nagsimula na
Simula na ng mga panahon
Na kami’y magigising
Hihimbing
At magigising muli
Sa mga umaga
Sa mga gabi
At sa di mabilang na mga umagang parating
Na hindi ka na namin makakasama

Ngayon
Iba nang distansya ang nasa pagitan natin
Nasa magkabilang dulo na tayo ng pampang
Hindi ka na nakatalikod sa akin
O nakahiga

Nakaharap ka
Nakangiti

Doon
Doon sa kabilang bahagi ng pampang
Kumakaway sa amin
Habang ang bawat pagkaway namin ay kalmot sa hangin
Pinipilit kang tawagin

Pinipilit kang pabalikin

Doon
Doon sa kabilang bahagi ng pampang
Ikukuyom mo ang iyong palad
Itataas ang iyong kamao
Habang binibigkas

“Hindi pa tapos
Hindi pa tapos
Hindi pa tapos
Ang laban mo”

[ultimate_spacer height=”20″]
iza
[ultimate_spacer height=”30″]

Ang tulang ito ay sinulat at binigkas ng may-akda sa parangal ni Neriza Aileen “Iza” Isip noong Hulyo 28, 2016 sa Pasig City. Si Iza ay staff ng Community Response for Enlightenment, Service and Transformation (CREST, Inc.). Nagsasanay siya ng mga komunidad ng paghahanda sa mga kalamidad upang makaiwas sa disaster. Naorganisa si Iza sa Anakbayan noong 2008 habang nag-aaral sa Trinity University of Asia at buong panahong kumilos bilang aktibista sa sumunod na taon. Kalaunan ay naging coordinator siya ng National Union of Students in the Philippines (NUSP) Metro Manila na umuugnay sa mga konseho ng mag-aaral sa iba’t ibang unibersidad at kolehiyo sa Kamaynilaan. Pumanaw siya noong Hulyo 25, 2016 dahil sa pneumonia at sepsis.

Basahin ang iba pang kwento tungkol sa mga kabataang martyr dito.