Mabubuting Anak ng Bayan

0
4016
[ultimate_spacer height=”30″]

Kung malalaman lang ni Andres Bonifacio, at sampu ng mga nagbuwis ng buhay mula sa Kataas-taasang Kagalang-galangang Katipunan ng mga Anak ng Bayan at sa Rebolusyong Pilipino, na maraming kabataan ang sumunod sa kanilang landas na tinahak lumampas man ang sandaang taon, mapapagtanto nilang hindi nasayang ang anumang dusa’t sakripisyong naranasan nila. Maaari rin namang batid na nila ito mula’t sapul kung kaya’t walang pag-iimbot nilang inalay maging ang kanilang buhay. Sapagka’t habang may pang-aapi, mayroon at mayroong maninindigan at lalaban. At sa pagpapatuloy ng mga kabataan sa kasalukuyan, masasabi na ring naibigay sa kanila ang pinakamataas na pagpupugay.

Nobyembre 30, 1863, ipinanganak si Andres Bonifacio. Sa pamumuno ni Bonifacio, nailunsad ang isang pambansang pakikidigma laban sa kolonyalistang Espanyol at naitayo ang unang rebolusyunaryong gobyerno sa bansa. Namatay siyang nakikipaglaban para sa tunay na kalayaan ng bayan mula sa dayuhang mananakop at sa tatlong siglong kadalitaan ng mga Pilipino. Matapos siyang patawan ng sentensyang kamatayan ng mga kalauna’y makikipagtulungan sa bagong mananakop, hindi na nahanap ang kanyang bangkay. Siya ay 34 taong gulang lamang. Hindi nailibing at napaglamayan ang pangunahing rebolusyunaryo sa panahon ng kolonyalismo sa Pilipinas. Hindi man siya napagluksaan o naparangalan noon, hanggang ngayon kinikilala natin siyang isang tunay na bayani.

Nobyembre 30, 1964, isinilang naman ang Kabataang Makabayan (KM), isang kumprehensibong organisasyon ng mga makabayan at progresibong kabataan, mula edad 15 hanggang 35. Misyon ng KM na ipagpatuloy ang hindi tapos na Rebolusyong Pilipino. Batid ng mga miyembro ng KM ang nagpapatuloy na pagkaalipin ng bayan sa bagong kolonyal na amo, ang Estados Unidos. Nanguna ang KM sa First Quarter Storm Movement noong 1970 na nagsimula sa pagprotesta ng sampu-sampung libong kabataan, manggagawa at magsasaka sa mga makadayuhan at hindi demokratikong mga polisiya ni Ferdinand Marcos, Sr. at ang pagwawaldas ng kanyang pamilya sa kaban ng bayan. Pinakawalan ni Marcos ang brutalidad ng estado sa mamamayan hanggang sa pagpataw ng Batas Militar. Idineklara ni Marcos na iligal ang KM at marami sa mga miyembro nito ay hinuli, kinulong, tinortyur, o pinatay. Nagpatuloy ang mga miyembro ng KM sa underground, sa Bagong Hukbong Bayan, sa bagong Partido Komunista ng Pilipinas at sa lahat ng larangan upang mapabagsak si Marcos at muling makipaglaban para sa tunay na kalayaan ng bayan. Hanggang humugos ang mamamayan sa makasaysayang EDSA People Power noong 1986. Mahalaga ang naging papel ng KM para maibuwal ang diktadurya ni Marcos.

Nobyembre 30, 1998, itinatag naman ang kumprehensibong organisasyon ng kabataan, ang Anakbayan. Nilalayon ng Anakbayan na pagbuklurin ang kabataang Pilipino para ipaglaban ang kanilang trabaho, lupa, edukasyon, karapatan at sahod. Musmos pa lang ang Anakbayan nang isa ito sa mga organisasyon ng kabataang nanguna sa pagpapatalsik sa tiwali, kurakot at pasistang Pangulong Joseph “Erap” Estrada. Hindi na nakapag-tatlong anibersaryo si Erap sa Malakanyang. Napilitan siyang lisanin ang palasyo nang humugos ang mamamayan sa EDSA, kasama ang laksa-laksang kabataan, at nailunsad muli ang isang pag-aalsang bayan sa EDSA noong 2001.

At sa pamamagitan ng Anakbayan at iba pang mga progresibong organisasyon, patuloy na namumulat ang kabataan at mamamayan sa kasaysayang ito na kababasa niyo pa lamang—para hindi makalimot. Para patuloy na magpunyagi’t lumaban, dahil patuloy na naghihirap ang kalakhan ng sambayanan. Dahil mangyayari’t mangyayari ang mga pinakamasahol na pang-aapi sapagkat hindi pa naman malaya ang bayan mula sa dayong agila at sa mga nagpapakasasa sa yaman at kapangyarihan sa bayan. At leksiyon na mula pa sa panahon ni Bonifacio at ng KM na ang tunay na kalayaan, pagbabago at hustisyang panlipunan ay makakamit lamang sa pambansang pagpapalaya at pagwasak sa mapang-aping sistema–kung kaya’t marami pa ring hanggang ngayon ay niyayakap ang armadong pakikibaka.

Dakila silang isinantabi ang mga sariling pangganyak para makiisa sa dalamhati ng iba. Silang lumampas sa sarili para tanawin ang kabutihan, ang tunay na kalayaan ng bayan. Bagay na hindi makakamit sa sarili, sa madali at sa mabilis. At gagap na ito’y sumusuong pa rin. Sapagka’t natanto nilang hindi masasayang anumang kanilang ialay. Dahil habang may pang-aapi, mayroon at mayroong maninindigan at lalaban. At sa bawat sibol na henerasyon ay mayroon at mayroong tatangan ng sandatang nabitawan, magpapatuloy nitong dakilang misyon.

Kung kaya’t muli, pinagpupugayan ang mga mabubuting anak ng bayan na saligan ng pag-asa para pa rin makamit ang tunay na kalayaan at pag-unlad ng bansa at doo’y mabuhay na ng disente at may dignidad ang bawat Pilipino.

[ultimate_spacer height=”70″]

Basahin ang mga parangal sa kabataang nag-alay ng buhay para sa bayan:

[ess_grid alias=”anakngbayan”]

 

Maaari pang magbahagi ng mga kwento ng kabataang nag-alay ng kanilang buhay para sa bayan, ipadala lang sa editors@manilatoday.net.

[ultimate_spacer height=”30″]

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here