Kailangan ba malungkot para maka-relate sa dulang ito? Kailangan ba masaya o istable para hindi maapektuhan (masyado)? 

Mabigat kaya ang dula? Mabigat at napapanahon ang paksa ukol sa mental health. Sa isang banda, kung alam mo na isang batikang komedyante ang bidang aktor ay tiyak aasa ka rin sa maraming katatawanan. Hindi ka mabibigo. Maitatawa mo rito ang lungkot at mga self-realization mo.  

Sipi lang ang binasa namin bago manood. Hindi na namin binasa ang mga dating rebyu. Gusto namin ng sariling danas, sariling soul searching na maaaring ialok ng dulang may katulad na tema. 

Ang dulang “Bawat Bonggang Bagay” ay salin ni Guelan Luarca sa “Every Brilliant Thing” ni Duncan Macmillan kasama si Jonny Donahoe.

Itinanghal ang dula noong 2019 at 2023 at muling ibinalik ngayong taon, sakto sa Pride Month, sa direksyon pa rin ni Jenny Jamora. 

Pagpasok ng tanghalan, makikita ang set pieces sa gitna ng apat na gilid na kinauupuan ng manonood. Nasa paanan ng mga nasa first row ang mga set pieces. Mga 10 minuto bago ang takdang oras ng simula, lalabas si Jon Santos na gaganap sa bidang karakter–nag-iisa lang siya dahil ito ay monologo. Dadaanan niya lahat ng naroon na. Salamat nakarating kayo kahit matrapik, bati niya. Kasi nga naman, nasa Makati ang teatro. Pero may iba pang pakay ang pa-fan meet and greet niya. 

Aabisuhan ang manonood na maaaring maimbitahan na maging bahagi ng dula (pero maaaring tumanggi). Sa aming napanood, walang tumanggi. Maaaring nasa pagitan sila ng mahirap tanggihan at iyong bihirang pagkakataon na makabahagi ang isang Jon Santos sa entablado. 

Bukod sa mga impromptu na naging bahagi ng cast ay marami pang audience participation na aasahan. 

Si Jon Santos ang sentro ng dula. Higit 90 minuto, walang intermission, walang pader, walang backstage. Tinimpla nya ang kanyang mga patawa sa mga manonood. Pinakiramdamang mabuti ang dagdag na mga gaganap–at bumagay naman sila–at inalalayan sila. 

Sensitibo, mahabagin, at matiyaga ang pagtalakay sa mental health. Nakatingin ito sa loob ng isang tahanan, sa isang maliit na pamilya, sa pananaw ng nag-iisang anak simula nang pitong taong gulang pa lang siya. Wala na raw makitang dahilan ang kanyang ina para mabuhay. Bilang bata, marami siyang “bakit,” na sinagot na lang niya ng isang listahan ng mga dahilan–mga bonggang bagay–para mabuhay.

Hindi nila bukas na tinalakay sa pamilya ang usapin. Kaya sa una, malumanay ang kanyang lapit, hanggang naging mas agresibo. Iniwan niya ang listahan kung saan baka mabasa ng nanay niya. Ipinaskil niya ang mga post-it ng iba’t ibang dahilan kung saan ‘di maiiwasang mabasa ng nanay niya. Isinulat niya sa sapatos na laging ginagamit. Sinulat sa takip ng ketchup. 

Iniwasan ng listahan ang mga magarbo at mahal na bagay. Sumasabay ang laman ng listahan sa kanyang kamulatan. Noong una, halo-halo, Rubik’s cube. Pagtagal, ang lahat ng bagay sa pagiging inlab. Hanggang sa isang panahon na hindi na rin niya madagdagan ang listahan. 

Inisip niya na sa huli ay hindi rin nakatulong ang  listahan. Nag-iwan ito ng kurot at iyan ang isang patunay na naging epektibo ang dula. Sana may makapagsabi sa kanya na oo nakatulong. Kaya nga inabot pa sa pagtanda niya. At kundi man sa nanay niya, sa kanya at sa mga manonood. Madalas na paalala ang “count your blessings.” Baka hindi natin nagagawa kasi hindi na pala natin alam paano o ano ang bibilangin. 

Malungkot man o masaya, mapapaisip ka rin talaga na gaya niya ay maaaring may isang milyong bonggang bagay sa buhay mo. At isa na roon ang napanood ang dulang gaya nito na nakakaantig sa damdamin na may kakayahang sabay-sabay maparamdam ang lungkot, saya, pangamba, panghihinayang, paghilom, at pag-asa. Bagay ding nagpapaalala sa halaga ng sining sa gitna ng mabilis na takbo ng buhay sa digital na mundo.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here