Malayo na rin ang inabot ng sining at panitikan sa Pilipinas kapag ang paksa ay tungkol sa LGBTQIA+ community.
Ngunit mas madalas sa hindi, napipinta ang karanasan ng queer community sa tropes na umiikot lang sa matinding angst, yearning, at kalungkutan o ‘di kaya naman ay pang-comic relief at segundaryong plotline. Kaya naman hindi maitatanggi na breath of fresh air ang Dalaga na si Maxie: A Drag Musical Extravaganza sapagkat bibihira ka lang matisod sa isang dula na nagbubunyi sa kanyang sariling identidad sa kabila ng hapis at pang-uusig.
Kalahating musical, kalahating drag show ang Dalaga na si Maxie. Simple lang ang istorya kaya madaling sundan.
Binaybay ng dula ang buhay ni Maxie bilang baklang suki ng beaucon (beauty contest) hanggang sa mahanap niya ang kanyang lugar sa local drag scene. Byukonera pa lang si Maxie, kita na ang angking husay niya sa pagtatanghal. May simpleng pangarap at matinding determinasyon para magpursige, sa kabila ng mapait niyang sirkumstansya sa buhay nang maulila siya matapos ma-tokhang ang kanyang ama, na dumagdag pa sa pandadaot na naranasan niya bilang baklang nakatira sa komunidad ng mga maralita.
Nang madiskubre ang kanyang husay, lalong lumawak ang mundo ni Maxie. Sa pag-ampon sa kanya ni Mama Tars, ang drag mother ng House of Corazon, nabigyan ng laya si Maxie na ipakita ang tunay niyang sarili sa harap ng madla. Sa bar, ang ulilang si Maxie ay nakahanap ng maraming kapatid sa katauhan nila Pretzels, Katana G, Klang Klang, Rainbow Bright, Mary Grace, at Lili Lorena.
Hindi madali ang transition ni Maxie bilang byukonera patungong drag superstar. Buhay at dinamikong ipinakita ng dula ang karanasan ng mga drag queen. Kinagigiliwan at pinapalakpakan man sila sa entablado, meron din silang iniindang mga agam-agam. Apektado rin sila sa nagaganap sa kanilang lipunan.
Safe space man ang bar at ang kanilang drag family, hindi hiwalay ang mga drag queen sa pangambang dala ng Oplan Tokhang. Nakita ito lalo kay Maxie, na hindi pa tuluyang makalaya sa traumang nakuha sa pagkamatay ng kanyang magulang. Nakita ito sa isa sa mahalagang yugto ng dula: sa pag-akusa at paghuli kay Mama Tars bilang nasa drug watchlist.
Lalong napanday si Maxie at ang kanyang drag sisters sa problemang ito at matutuwa ang mga manonood sa kung paano nila nahanap ang resolusyon dito.
Sa huli, simple lang naman ang mensahe ng dula. Ang drag, na isang porma ng pag-express ng sarili ay nagamit para maging simbolo ng paglaban at pagkilos. Ang drag, bilang porma ng pagyakap sa natatanging identidad ng queer community ay naging buhay na komunidad na sumusuporta sa mahahalagang isyu ng lipunan.
Hindi lang nakukulong ang istorya ng LGBTQIA+ community sa paulit-ulit na tropes ng pagkasawi sa pag-ibig, paghahanap at pagtanggap sa sarili, o pagiging stand up comedian/comic relief.
Pinatunayan ng Dalaga na si Maxie na may lalim ang kwento ng bawat bakla, ng bawat byukonera, at drag queen na binabasag ang stereotipikal na kahong pilit na inilalagay sa kanila kahit sa larangan ng sining at panitikan upang ilathala ang kanilang kasaysayan, sa kanilang sariling perspektiba at panulat.
Ito ang kwento ng mga bakla: hindi laging madrama at may identity crisis, pana-panahong may sigalot, pero lagi’t laging lumalaban para sa sariling identidad, kakanyahan, kasiyahan, at pangarap.