Inulan ng batikos at kondemnasyon ang mga Duterte maging ang mga alyado nito tulad ng Duterte Youth sa isinagawang kilos-protesta ng mga kananayan at kabataan na naninirahan sa Old Capitol Site sa Quezon City.

Pinangunahan ng KYUSI 4 Truth and Accountability (K4TA) ang nasabing pagkilos. Ang K4TA ay isang network campaign ng mga indibidwal at organisasyon sa Quezon City para sa pagtataguyod ng mahusay na pamamahala at progresibong panlipunang pagbabago.

Marcos-Duterte, palpak sa usaping pabahay, serbisyo

“Ang krisis sa Pilipinas ay hindi nawawala kahit noong unang panahon pa at higit sa lahat ngayong kakatapos lamang na mid-year elections,” ani Carmelita ‘Ka Mameng’ Collado ng Alsa-Diliman.

Binigyang-diin ni Ka Mameng ang kawalan ng tunay na tugon mula sa pamahalaan mula noon pang naupo si Rodrigo Duterte hanggang sa kasalukuyan sa ilalim ng pamumuno ni Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos.

“Bumaba ba siya (Duterte) upang tulungan tayo? Ipaglaban ang problema natin sa katatagan sa paninirahan? Bumababa ba siya rito upang inspeksyonin ang mga tindahan dito at alamin ang kalagayan ng mga manininda?” tanong ni Ka Mameng. “Tayo ba ay nagkaroon ng magandang buhay?”

Ayon kay Ka Mameng, kabilang ang Old Capitol Site sa humaharap sa banta ng demolisyon. Dahil sa usapin ng katiyakan sa paninirahan, naipagtagumpay ng mga residente ang pagkakaroon ng People’s Plan, partikular ang on-site development o pagtatayo ng pabahay sa likod ng pader ng UP malapit sa kanilang komunidad.

Gayumpaman, ibinunyag niya ang agam-agam bunsod ng pagpasok at pakikipagkasundo ng Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) sa Unibersidad ng Pilipinas sa itatayong pabahay sa komunidad.

Ayon sa DHSUD, nagkaroon na ang departamento ng opisyal na usap at pagkakaroon ng mutual of understanding sa pagitan ng UP para isagawa ang pabahay sa ilalim ng Pambansang Pabahay para sa Pilipino (4PH) na flagship project ng administrasyong Marcos Jr.

“Mauunahan ang ating People’s Plan,” pangamba ni Ka Mameng. “Kung DHSUD ang magpatayo riyan sa likod-pader, palagay ninyo ba kaya ninyo ang paupa?”

Ani Ka Mameng, kung DHSUD ang mangunguna sa pagpapatayo, maaaring hindi kayanin ng mga residente ang mataas na upa sa mga unit na aabot sa mahigit P4,000 kada buwan. Bukod pa rito ang bayarin sa kuryente, tubig, at gastusin sa edukasyon ng mga anak.

Ganito rin ang sentimyento na ng iba pang maralitang komunidad sa National Capital Region hinggil sa 4PH.

Sa ilalim ng programang ito, nag-iiba ang halaga ng upa batay sa lokasyon ng proyekto at sa uri ng pabahay kung ito man ay socialized, low-cost, o middle-income housing. Halimbawa, ang buwanang upa sa socialized housing units ay karaniwang nasa pagitan ng P1,500 hanggang P3,000, depende sa proyekto at kita ng isang sambahayan.

Sa kabilang banda, tinawag na itong palpak na programa ni ACT Teachers Party-list Representative France Castro matapos bigong abutin ang target na pagtatayo ng isang milyong yunit ng pabahay kada taon sa unang dalawang taon ng administrasyong Marcos Jr.

Mismong si Marcos Jr. ay umamin sa isang post sa Facebook na ibinaba nila ang target na pabahay mula anim na milyon tungong apat na milyon hanggang taong 2028 dahil sa pagkaantala ng pondo mula sa pribadong sektor at mga isyu sa konstruksyon.

Ibig sabihin, kakailanganin ng administrasyong Marcos Jr. ng humigit-kumulang P4 trilyon upang maabot ang target na 3.2 milyong yunit ng pabahay pagsapit ng 2028. Kabilang dito ang paghahatid ng mahigit 12,000 yunit ngayong taon, 168,000 sa 2025, 595,000 sa 2026, 1.35 milyon sa 2027, at 1.1 milyon sa 2028.

Duterte Youth, i-disqualify na!

Ikinatuwa naman ni Daniel mula Anakbayan Diliman ang desisyon ng Commission on Elections (COMELEC) na kanselahin ang rehistro ng Duterte Youth Party-list, na matagal nang kinukuwestyon bunsod ng paglabag sa mga rekisito ng batas, partikular ang representasyon mismo sa kabataan.

“Sa halip protektahan ang kabataan, sila pa ang naging instrumento ng pananakot at paninira. Ginamit nila ang pangalan ng kabataan para itulak ang sarili at pampulitikang interes. Ang pinakamasaklap, nakaupo sila sa pwesto na hindi naman talaga para sa kanila,” ani Maru.

Inilabas ng COMELEC ang desisyon na “void ab initio” sa Duterte Youth Partylist noong Hunyo 18. Ibig sabihin nito, walang bisa simula’t sapul ang Duterte Youth dahil sa hindi pagsunod sa mga rekisito ng hurisdiksyon.

Bukod pa, kinatigan din ng COMELEC ang diskwalipikasyon kay Ronald Cardema bilang nominee ng grupo dahil siya ay overaged na para sa youth sector. Dagdag ng komisyon, hindi maihihiwalay ang maling nominasyon ni Cardema sa pananagutan ng buong Duterte Youth.

Tinukoy rin sa desisyon ang mga pagbabanta, partikular ang red-tagging at iba pang malisyosong pahayag ng grupo sa social media, ukol sa mga New People’s Army at iba pa, na ayon sa COMELEC ay hindi simpleng retorika kundi lantarang paghimok ng karahasan.

Sa kabilang banda, ayon kay Daniel ay hindi pa rito natatapos ang laban.

“Ang panawagan namin na tuparin ng COMELEC ang diskwalipikasyon ng Duterte Youth. Bawiin ang lahat ng pondong sinamantala nila sa taumbayan at panagutin ang rehimeng Marcos at ang lahat ng nagtulak at nagbulagbulagan sa kanilang pananatili sa Kongreso,” aniya.

Sa nagdaang mid-term elections, nakuha ng Duterte Youth ang tatlong puwesto para sa 20th Congress. Ngunit binigyang-diin din ng mga grupo na dapat iluklok ang tunay na kinatawan ng mga maralitang sektor, partikular ang Gabriela Women’s Party para sa mga kababaihan.

Kung magiging pinal ang pagkansela sa Duterte Youth, ang ika-55 hanggang ika-57 na mga party-list na nanalo partikular ang Gabriela, Abono, at Ang Probinsyano ay maaaring makakuha ng tig-iisang kinatawan sa 20th Congress.

Panawagan din ni Daniel na itigil na ang red-tagging at kriminalisasyon sa mga progresibong grupo at mga kabataan.

“Hindi kami kalaban ng bayan at hindi kami papayag na gamitin at patahimikin. Patuloy kaming titindig at lalaban para sa makatarungang lipunan,” pagtatapos ni Daniel.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here