Hulyo 1, nanganak na ang bilanggong pulitikal na si Reina “Ina” Nasino sa Dr. Jose Fabella Memorial Hospital sa Maynila.
Kwento ng nanay ni Ina na si Marites Asis, 5:51 ng umaga may tumawag sa kanya na nagsabi na pumunta sa Fabella hospital dahil nanganak na raw si Ina.
Pagdating sa ospital, hindi kaagad nakita ni Marites ang kanyang anak at apo.
Lahad pa ng nanay ni Ina, sa pagtatanong nito para malaman kung ano ang kasarian ng kanyang apo ay hindi rin agad ipinaalam
Pasado ala-una ng hapon matapos abutan ng gamit si Ina, doon lamang nalaman na babae ang kanyang anak.
Sa buong panahon ng pagdadalang tao ni Ina ay nasa loob siya ng kulungan. Sinabi rin ni Marites na isang beses lamang na-check-up si Ina.
Matagal nang ipinapanawagan ang pagpapalaya sa mga bilanggong pulitikal na buntis, maysakit, matanda na laluna sa gitna ng pandemya.
Wala pa ring desisyon ang Korte Suprema sa ihinain na petisyon noong Abril 8 ng mga kaanak ng bilanggong pulitikal para sila ay mapalaya. Nangako si Chief Justice Diosdado Peralta na madedesisyunan ang petisyon noong Hunyo 16, pero hanggang ngayon ay walang desisyon hinggil dito.
Inaresto si Ina kasama ang dalawa pa sa ‘raid’ na isinagawa ng kapulisan sa opisina ng grupong Bagong Alyansang Makabayan o BAYAN Tondo noong Nobyembre 5, 2019. Idinetine sila sa kasong illegal possession of firearms na mariing itinatanggi ng grupong BAYAN Tondo at sinabi rin ng mga grupo sa karapatang pantao na gawa-gawa ang mga kaso at itinanim ang ebisdensya, kagaya na lang ng isinagawa ring raid ng pulis gamit ang mga search warrant sa mga opisina Negros at Maynila noong Oktubre 31, 2019 at sa Tacloban noong Pebrero 7 nang kasalukuyang taon.