Kalbaryong maituturing ang patuloy na nararanasan nating mga Piliipino sa panahon ng pandemya.

Kasabay ng Pasko ng Pagkabuhay dapat ang pagtatapos ng panibago at pinanumbalik na lockdown. Sa muling pagpapalawig ng enchanced community quarantine o ECQ sa NCR+ bubble, hindi maitatangging nilulubog na naman tayo sa kumunoy ng gutom, pasakit at karahasan.

Ang Walang Katapusang Penitensya
Isang linggong ECQ at isa pa muling linggo at maaaring mas mahaba pa. Walang katapusang lockdown ang handog ng gobyerno sa muling pagkabuhay ng Manunubos. Tayo na ang may pinakamatagal at mahabang lockdown sa kasaysayan ng pandemya sa mundo.

Patuloy na pumapalya ang mga tugon ng gobyerno. Pagsapit ng ika-isang taon ng lockdown ay lockdown ulit sa sentrong rehiyon. Hindi pa rin naisasagawa ang mga batayang mungkahi ng mga eksperto sa mundo at naging mga epektibong tugon sa ibang bansa: mass testing para sa tracing, isolation ng mga suspect at maysakit at paggamot sa maysakit. Asang-asa ang gobyerno sa bakuna, pero kaunti ng suplay na delayed na dahil ipinangutang pa. Matapos ang isang buwan, wala pang 1% ng populasyon ang nabakunahan. Parang wala pang nakikitang dulo sa kalbaryong ito.

Mahigit isang taon na ngunit wala tayong natutunan sa konsepto ng lockdown. Para tayong mga eksperimentong naghihintay ng resulta habang nasa proseso.

Hindi magiging sapat at epektibo ang lockdown kung walang maayos na plano bago ito ipatupad. Walang katapusang penitensya ang lockdown na umiiral.

Ang gobyerno ay tila walang magawa sa harap ng mga tumataas na bilang ng kaso, ng mga namamatay, ng mga nagugutom at ng mga nawawalang pag-asa. Hangga’t walang akmang lider na mamumuno sa krisis pangkalusugan mananatiling panakip butas na lamang ang lockdown. Tila bahala na si Batman.

Ang Paulit-ulit na Pagkamatay
Balik sa simula ang lahat o mas masahol pa sa simula—mga bagong rekord sa pinakamataas na bilang ng positibo sa sakit, ng aktibong kaso o ng mga namatay ang patuloy na naitatala.

Umuulit ang kuwento ng pagod mula sa mga frontliners na doktor at nars. Bumabalik ang eksena sa mga punuang ospital at kakulangan ng pasilidad para sa mga nagkakasakit. Nararamdamang muli ang kalam ng sikmura dahil sa kawalang trabaho at pagsasara ng mga maliliit na negosyo.

Uulit at uulit ang mga ganitong naratibo hangga’t walang nagbabago sa liderato. Nakakapagod magsimula sa umpisa lalo’t ang simula ay isang malaking pagkakamaling muling inuulit.

Ipinako sa Krus si Juan at Juana
Matindi ang epekto ng muling pag-lockdown ng gobyerno sa mga Juan at Juanang umaasa sa arawang kita. Mas binabaon at mas pinadudugo nito ang sugat na hindi pa man naghihilom sa matagal na krisis pangkalusugan at malaganap na kahirapan sa lipunan.

Ipinako tayo ng gobyernong ito sa utang, malalang utang para sa pagtugon nito sa pandemya—na sa patuloy na pangit na sitwasyon ay hindi na masabi kung anong napala sa mga inutang habang patuloy na lumalala ang pagkalat ng pandemya sa bansa.

Habang pilit ginagamot ng bawat isa ang sarili mula sa malubhang epekto ng pandemya sa hanapbuhay, emosyon, pisikal na lakas at iba pa, nagpapatuloy naman ang pagpako sa atin ng gobyerno sa pamamagitan nang patuloy na militarisasyon, mabagal na pagbabakuna, nagtataasang presyo ng pangunahing bilihin, pang-aabuso sa karapatang pantao, pamamaslang sa mga miyembro ng progresibong grupo at iba pa.

Masahol ang patuloy na pang-aaresto at panggigipit sa mga mamamayan at mga aktibista. Sa halip na tutukan ang pangangailangang medikal ay patuloy ang paglabag sa mga karapatang pantao. Nagpapatuloy ang tokhang. Nire-recycle ang tokhang para naman sa panunupil sa mga aktibista’t progresibong grupo o sinumang naglakas loob na punahin ang gobyernong ito. Sa gitna ng lockdown, malayang nakakagala at nakakapaghasik ng lagim ang mga salarin. Malakas ang kanilang kapangyarihan sa gitna ng mga panahon ng paghihirap ng marami.

Baon na baon at malalim ang sugat ng pandemyang ito sa gunita ng mga Pilipino dahil ang patuloy na namumuno ay mga lider na walang pagkalinga, lider na walang karanasan, lider na walang kakayanan, lider na mapang-abuso. Malayong-malayo sa lider-manunubos na ipinako at umako sa kasalanan ng sanlibutan.

Muling Pagkabuhay sa Bansang Pumapatay
Ngayong araw ng Linggo, hinintay natin ang pagkabuhay ng ating Manlilikha dahil tumatanaw tayo ng bagong pag-asa at masasandalan ng ating pananampalataya.

Simboliko ang muling pangangailangan ng pagkabuhay sa administrasyong lumilikha ng ikamamatay ng kanyang mamamayan. Habang pinapatay tayo sa hirap, gutom, at pangamba ng administrasyong ito, mahalagang muling mabuhay at sikaping mabuhay para sa sarili, pamilya at kapwang umaasa. Kailangan nating magpalakas mula sa sariling mapagkukunan at kakayahan. Ang ating tunay na lakas ay nagmumula sa sarili at sambayanang umaasang mabuhay nang malaya at ligtas.

Sa bansang harapan at talikuran ang kawalang respeto sa halaga ng buhay, mahalagang alalahanin ang pangako ng muling pagkabuhay at ang pangakong paraisong walang nahihirapan, nagkakasakit, nagugutom, natatakot at nangamamatay.

Bilang mananampalataya, hayaan nating batiin ang bawat isa ng Maligayang Araw ng Pagkabuhay, nawa’y malagpasan natin ang pagsubok na literal na buhay hanggang sa dulo. Huwag mangarap sa muling pagkabuhay, dahil ang muling pagkabuhay ay ang iyong kamatayan sa panahong may pabayang gobyerno.

InterServer Web Hosting and VPS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here