Mahigit isang taon nang nasa ilalim ng lockdown ang Pilipinas. Sa katunayan, may iba’t ibang salita nang ipinakilala sa atin, mula sa GCQ, MECQ, ECQ, MGCQ at itong taguring NCR+ bubble— ang punto lang naman dito ay ang bansang Pilipinas ay kilala ngayon sa pagkakaroon ng pinakamahabang lockdown sa buong mundo bunsod sa patuloy na pagtaas ng kaso ng COVID-19.

Nitong Marso 29, mula sa paghahabol ng mamimili sa bawat mall, grocery at palengke ay marami pa ring manggagawa ang nag-aabang sa bawat kalsada makasakay lamang pauwi; habang may mga dyip namang hindi na muna namasada gawa ng pinaigting na lockdown.

Strikto. Militaristiko.

Ito ang bawat eksena ngayong araw sa Kalakhang Maynila.

Sa pag-anunsyo pa lamang ng gobyerno hinggil sa pagpapanumbalik ng Enhanced Community Quarantine ay maraming Pilipino ang umaayaw at umaaray. Tampok ang mga sentimyentong ano na lamang ang kanilang ihahapag sa mesa, ipambabayad ng kuryente, tubig; ang araw-araw na gastusin hanggang sa kinabukasan dahil ilang araw rin silang mawawalan ng trabaho. Sa kasalukuyan, hindi pa rin malinaw sa atin kung hanggang kailan matatapos ganitong iskema tila paulit-ulit ang bawat eksenang nararanasan natin simula nang implementasyon ng lockdown.

Nagtala ang Kagawaran ng Kalusugan ngayon ng tinatayang 10,016 bagong kaso ng COVID-19, ito na nga ang pinakamataas na bilang at mula sa NCR+ bubble pa rin nanggaling ang mga matataas na kaso. Sa kabilang banda, wala pa raw dito ang bilang mula sa tatlong laboratory.  

Kakatuwa na sa unang araw ng implementasyon ng lockdown ay natamo ang pinakamataas na bilang ng kaso ng COVID-19. Kasabay rin nito ang mas lalong pinaigting na kawalan ng kahalagahan ng gobyerno sa karapatang-pantao, lumabas ang mga ulat tungkol sa iba’t ibang atake na nararanasan ng progresibong grupo at organisasyon: mula sa mga kabaong na nakita sa Quezon at Makati; ang mga ipinaskil na karatula sa komunidad ng Valenzuela, sa pagawaan ng SLORD Development Corporation sa Navotas, at sa Pook Arboritum. Nito lang din ay pinatay ang lider-manggagawa na si Dandy Miguel, kasalukuyang Vice Chairperson ng Pagkakaisa ng Manggagawa sa Timog Katagalugan (PAMANTIK-KMU) sa Brgy. Canlubang Laguna.

Kakikitaan ang lantarang paggamit ng administrasyon sa pandemya sa pagpapatupad ng militaristikong lockdown at pairalin ang papasidhing patayan at pang-reredtag sa pangunguna ng hanay ng mga kapulisan.

Ngayon araw rin ay dumating na ang isang milyong bakunang Sinovac na binayaran ng gobyerno sa halagang P700 milyon sa presyong P700 kada isang dose. Sinasabing mababakunahan ang nasa priority list mula sa sector ng health workers at senior citizen. Kung iisipin, simula’t sapul ang usapin ng mga bakuna halimbawa sa Sinovac ay nananatili pa rin ang pagkakaroon ng alinlangan ng bawat Pilipino gawa ng kakulangan ng edukasyon hinggil sa effectivity at kalidad ng mga ito. Dagdag pa rito ang usapin ng pagbibigay importansya ng ating gobyerno sa relasyon nito sa Tsina—sa kabila ng patuloy na panggigipit nito sa ating pambansang soberanya.

Isa pa, tinatayang P10.4 trillion na ang kasalukuyang utang ng bansa. Ayon sa gobyerno, tumaas ang utang ng pilipinas dahil sa “pandemic response” sa COVID-19 kung saan higit kumulang 71% ay utang panlabas at tangging 29% lamang dito ang source income. Sa loob lamang din ng dalawang buwan ay mahigit 6.2% na ang tinaas ng utang ng pilipinas simula nang pumasok ang taon 2021.

Mahirap tanggapin sa umpisa ng araw ng panibagong lockdown ay marami nang nangyari.

Totoo na sa bawat araw ay iba’t iba ang mga pangyayari. Ngunit, tila hindi nakakatulong ang ganitong rekomendasyon kung ang sitwasyon lagi’t lagi ay mananatili sa kawalan ng planong pangkalusugan, plano sa bawat mamamayang patuloy na nahihirapan, at plano kung paano mananatiling pahalagahan ang bawat pilipino.  

Higit sa lahat, mainam na tukuyin ang kaangkupan ng mga inilatag na rekomendasyon at resolusyon sa malawak na batayang masa.

InterServer Web Hosting and VPS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here