Nag-aagaw na ang liwanang at dilim nang matapos sa book signing si Ricky Lee at iba pang manunulat ng  Biyaheng Panulat Caravan. Sa isang sulok ng entablado ng Little Theater sa UP Manila, dito namin nakapanayam ang maligalig at makabayang manunulat, ang may akda ng ilan sa mga pinakabinabasang nobela ngayon, at script writer ng maraming mga de-kalibreng pelikulang Pilipino.

Ang Maligalig na Manunulat

“Maligalig akong manunulat in many ways” ang pagbubukas ni Ricky Lee sa amin. Hindi siya ang tipong uupo sa harap ng computer at magsisimulang magtype. Kailangan nyang maya’t-maya ay tumayo, maglakad, at muli ay uupo habang napapaindak sa tugtog ng Pink Floyd, Eminem hanggang Kings Of Leon. Bahagi pa nga noon ng kanyang pagsusulat ang paminsan-minsang roundtrip na pagsakay ng bus mula sa Narra, ang kanyang dormitoryo noon sa UP Diliman, papuntang Quiapo.

Ugali rin nyang magsulat ng sabay-sabay. Katunayan nga’y natapos nya ang first draft ng mga nobelang Para Kay B, Amapola sa Ika-65 na Kabanata, at isang political novel(na wala pang titulo) ng halos magkakasabay. Sa tatlo, ang Para Kay B ang inuna nyang ipinal, pinakamalakas daw kasi ang kapit ng tema nito sa maraming mambabasa. Bukod sa tatlo ay sinimulan nya na rin ang binabalak na Book 2 ng Trip to Quiapo.

Nanunuot ang maligalig na estilo nito maging sa mga kwento gaya ng isang istorya sa loob ng isa pang istorya sa nobelang Para Kay B, at ang pag time travel ng isang manananggal na bakla sa Amapola sa ika-65 na Kabanata.

Porma at Nilalaman ng Panulat

Hindi naniniwala si Ricky Lee na nawawala ang kasiningan ng gawa kapag hinaluan ng mga usaping pampulitika. Para sa kanya ang lahat ay isang political act. Tulad halimbawa ng mga kwento sa pag-ibig sa nobelang Para Kay B, “hinaharang ng social forces sa anyo man ng gender issue o pang-aapi ng pulitiko o pang-aabuso ng military,”aniya.

Madalas magbigay ng libreng workshop sa panulat si Ricky Lee. Simple lang ang payo nya sa mga ito, buksan ang tenga, ang mata, at sa tuwing may pagkakataon, hihikayatin nya ang mga ito na danasin ng “firsthand” ang kasaysayan, gaya ng kapit-bisig na siksikan sa mga rali tulad ng sa Luneta kamakailan. Aniya, karanasan ang magtuturo sa iyo magsulat.

Si Ricky Lee sa UP Manila | Francis Villabroza
Si Ricky Lee sa UP Manila | Francis Villabroza

Ang mahalaga ay hanapin ang katotohanan , at palabasin sa isinusulat. Maski nga raw hindi sadyain ay [quote_left]“Nag-iiba lang ang kwento at ang porma pero ang katotohanan sa puso ng lahat ng kwento ko hindi magbabago, and the truth is always a political story.”[/quote_left]magiging pulitikal ang kwento kung magsisikap itong ilarawan ang buhay ng tao sa paligid. Pero iniiwasan nya magsulat ng “rarara, na black and white, na clenched fist,” o sloganeering. Para sa kanya mahalaga ang pag-iiba-iba ng kwento at pormang ginagamit. Sabi nga nya, “nag-iiba lang ang kwento at ang porma pero ang katotohanan sa puso ng lahat ng kwento ko hindi magbabago, and the truth is always a political story.” Maging si Bienvenido Lumbera,(isang Pambansang Alagad ng Sining ng Pilipinas) ay hanga sa “lalim ng pagdalumat at mapangahas na teknik” kasabay ng “masikap na paglalapat ng teoryang pampulitika” sa panulat ni Ricky Lee.

Aminado rin si Ricky Lee na hindi ganoong kadali ang pagbalanse sa porma at nilalaman. Hindi sa lahat ng pagkakataon, ay nakatatayo, kumukunekta, at kung minsan pa nga ay pumapangit ang istorya. Maging sa tulad nyang nakasulat na ng higit 150 scripts sa pelikula, magta-tatlong nobela, isa pa rin itong “constant struggle, but you still have to try, kung hindi magkamali, kung hindi madapa, hindi magiging writer.”

Panulat sa Panahon ng Batas Militar

“Hindi pwede ang safe writing all the time” kung katotohanan ang nais palabasin sa panulat ayon kay Ricky Lee. Karanasan nya ang magpapatunay nito. Nagsulat siya ng mga progresibong akda sa Philippine Free Press, naging miyembro ng PAKSA (Panulat para sa Kaunlaran ng Sambayanan-isang progresibong samahan ng mga manunulat noong panahon ng Matial Law), nag-underground nang isabatas ang Martial Law. Noong 1974 nireyd ang bahay na tinutuluyan ni Ricky Lee, at naging bilanggong pulitikal sa Fort Bonifacio ng isang taon.

[quote_center] “Yung panahon kasi ng martial law malinaw sa amin na mas gumaganda ang isang trabaho ‘pag may binabangga” [/quote_center]

Sa kabila ng panganib na dala ng batas militar, yumabong ang makabayang sining at panulat. “Yung panahon kasi ng martial law malinaw sa amin na mas gumaganda ang isang trabaho ‘pag may binabangga” ayon kay Ricky Lee. Malinaw sa kanila noon kung sino ang binabangga at ang pwersang bumabangga, ang oppressor at oppressed, black and white ang sitwasyon.

Inihalitulad ni Ricky Lee sa mga hardinero at magbubukid ang estilo ng pagpapanday ng sensibilidad, kasanayan at kakayahan ng mga manunulat noong panahon ng batas militar. Ika nga nya, mahalaga ang pagpapayabong ng halaman sa sarili, doon manggagaling ang isusulat mo. “Sa panahon ngayon gusto nila instant halaman, maka break-in agad, manalo agad sa contest, makasali agad, mapili ang script. Tila nagmamadali, walang proseso.”

Panulat sa Panahon ng Selfie at Wattpad

Hindi naniniwala si Ricky Lee sa high art, low art, at diskriminasyon batay sa genre. Ayon sa kanya, “kahit anong porma ng pagsusulat, maski na wattpad, komiks, teleserye basta maganda yung istorya. Kung may advocacy ka, lahat ng larangan ng gera pupuntahan mo, lahat yan vehicles, lahat yan weapons. Ang mahalaga, ano yung nilalagay mong bala.”

May ilang hindi magandang nakikita si Ricky Lee sa millenial generation na tinatawag din na selfie generation, “nawawala ang empathy. hindi na e-exercise yung tao na mag interact ng human to human” bunga ng masyadong pagsalig sa teknolohiya. Pero syempre may bentahe rin aniya “ang dali nilang naiintindihan ang sampung bagay at agad naipagdudugtong-dugtong ang mga ito, ang dali makakonek.

“Isa pang problemang kinakaharap ng manunulat ngayon ay masyadong diffused ang sitwasyon.” Batid ni Ricky Lee na maraming naglilihis at nagpapalabo sa katotohanan. Mula sa media, hukbong trolls sa social media, sa gobyerno, at maging sa mga pwersa mula Amerika. “Sa panahon ngayon kailangan pa ng x-ray ng manunulat para mahanap ang spine ng panulat.” Ang “spine” ayon kay Ricky Lee ay ang esensya ng panulat, ito rin ang panulat ng panahon. Mahalaga ang gimik, porma, at diskarte sa panulat ngunit ang pinakamahalaga ay ang “spine” at habambuhay nyang hahanapin ito at hindi titigil. Hindi naman daw hopeless ang sitwasyon. Ang mahalaga ay maging bukas ka, at palaging nakatapak sa lupa, at “eventually papasok na yung totoo.”

Ang Pagtanggal sa Filipino Bilang Kurikulum sa Kolehiyo

“Very painful!” ang mabilis na tugon ni Ricky Lee ng tanungin namin ito sa balak ng CHED na tanggalin ang wikang Pilipino sa kurikulum ng kolehiyo. “Unang-una hindi na nga ganun ka sinusuportahan ang wika natin bago pa ginawa yan eh.”

Ayon kay Ricky Lee, ang taong mahina ang kapit sa sariling wika ay nagiging mahina rin ang identidad, [quote_right]Ayon kay Ricky Lee, ang taong mahina ang kapit sa sariling wika ay nagiging mahina rin ang identidad, kaluluwa, kultura at empowerment bilang Pilipino[/quote_right]kaluluwa, kultura at empowerment bilang Pilipino. Sa sariling wika ay empowered siya. Nabanggit nya nga na madalas siyang makagawa ng salita o kaya’y gumamit ng isang grammatically incorrect na salita na sa kalaunan ay ito na ang madalas na gamitin. “Wala akong ganung karapatan sa Ingles.”

“Sa foreign language aral ako ng aral kung ano na yung latest nilang colloquial etc, mali ba ako o tama.” Imbes na pagsalitain ang kaluluwa nito sa pamamagitan ng wika, nakakahon siya sa usapin ng kung tama ba o mali ang gamit.

Pananaw sa Administrasyon ni PNoy

Noong 2014 SONA ng pangulo, nakita si Ricky Lee hindi sa loob ng Batasang Pambansa building kundi sa Commonwealth Avenue kasama ang maraming mamamayan upang makiisa sa paniningil, at maging sa pagpapatalsik sa Pangulong BS Aquino. Tinanong namin kung anong masasabi nya kay PNOY, sakaling mabigyan ng pagkakataong makaharap ito. Pangunahing tinukoy ng manunulat ang kakulangan ng suporta sa larangan ng kultura, at ang masaklap na kalagayan ng Karapatang Pantao sa bansa.

Tudla Productions photo
Effigy ng Pangulo noong SONA 2014 | Tudla Productions

“Unang-una dahil writer ako, at nasa field ako ng culture, sana magawa nya yung hindi nagawa ni Presidente Cory noon para sa kultura.” Kulturang nagsusulong sa kagalingan ng bayan at mamamayan nito ang kulturang nais isulong ni Ricky Lee. “Ngayon parang lalung wala akong naramdaman na ganun.” Nagpalala pa ang CHED Memo Order NO. 20 Section 2013 sa dati nang mabuway na pagsusulong ng makabayan at makamasang kultura.

Bilang dating bilanggong pulitikal, malapit sa puso ni Ricky Lee ang usapin sa Karapatang Pantao. Hangad nya ang kalagayang maisusulong ng mamamayan ang kagalingan nito ng walang takot malabag ang karapatan nito, at pagkamit sa hustisya para sa mga biktima ng paglabag sa karapatang pantao. Wala na ngang Martial Law pero “parang nabalik na naman yung feeling na dangerous yung panahon. Whether sa military o sa peace and order situation.” Sa ngayon may naitalang 142 biktima ng extrajudicial killing sa panunungkulan ni PNOY.

Dahil nasa UP kami naitanong na rin namin ang palagay ni Ricky Lee kaugnay sa ilang heckling kay PNoy at kay Sec. Butch Abad na nangyari sa loob at labas ng UP, at maging sa labas ng bansa. “I don’t think it’s wrong. I wish pwede ako magprotesta, and I wish I could be that guy. But I think nothing physically violent.”

Ang Tagumpay ay Hindi Naaabot nang Mag-isa.

Si Ricky Lee na madalas masama sa Favorites list ang mga naisulat na libro at scripts, mga list of winners, at mga favorite artist ay hindi naniniwala sa mga ganoong konsepto ng listahan. “I think I’m good because kasabay ko na mahusay sina Lualhati(Bautista) at sina Pete Lacaba. We came as a wave. I think I become good when other people around me are good. When they’re bad I may become bad and I’m not doing it alone.”

Kaya ganito nalang ang partisipasyon nya sa Biyaheng Panulat na inorganisa ni Jun Cruz Reyes, at ng Center for Creative Writing ng PUP. Ang paghahanap sa panulat ng bayan na layon ng Biyaheng Panulat ay maaring katumbas ng paghahanap ni Ricky Lee sa “spine” ng panulat. Kaya patuloy lang sya sa pagsusulat, may deadline man o wala, may pera o wala, may kailangang isulat o wala para mahanap ang “spine” ng panulat. Patuloy rin siyang nagsasanay ng mga bagong manunulat sa pamamagitan ng mga libreng workshop na ginagawa nya mula pa noong 1982 dahil maaaring ang spine ng panulat ay matagpuan ng mga bagong henerasyon. Sabi nga nya “dalawa lang ang alam kong gawin sa buong buhay ko, magsulat at mag share sa ibang tao tungkol sa pagsusulat.” ####

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here