Sa 2,703 na nagkasakit ng COVID-19 na frontline health workers, 79 ang naitala ng DOH na malala o kritikal ang pagkakasakit at 32 ang pumanaw—sila ang kwalipikadong makatangap ng kumpensasyon alinsunod sa Bayanihan to Heal As One Act (Bayanihan Act).
Sumulat ang ilang senador noong Hunyo 3 sa Kalihim ng DOH na si Francisco Duque III na pabilisin ang paglalabas ng kumpensasyon. Ito ay matapos malaman nila sa debate sa plenaryo ng Senado para sa panibagong additional powers ni Pangulong Rodrigo Duterte na hindi pa nakakatanggap ng kumpensasyon ang 32 naiulat na pumanaw at ang iba pang malalang nagkasakit ng COVID-19 lampas 70 araw matapos maapruba ang Bayanihan Act. Sinabi ng kinatawan ng DOH sa hearing na sa Hunyo 4-5 ang target na maibigay ang benepisyo.
Sa ilalim ng Seksyon 4 sa Authorized Powers sa Bayanihan Act, magbibigay ang gobyerno ng kumpensasyon ng P100,000 sa mga frontliner na manggagawang pangkalusugan sa pampubliko o pribadong sektor kung nagkaroon ng malala o kritikal na pagkakasakit ng COVID-19. Samantala, ang mga pumanaw ay bibigyan ng P1,000,000 ang naiwang pamilya. Aplikable ito sa mga magkakasakit o mamamatay mula Pebrero 1.
Sa virtual press briefing ng DOH noong Hunyo 4, ipinaliwanag Undersecretary Maria Rosario Vergeire ang hinggil sa kumpensasyon na nakasaad sa batas at ang pagpirma ng Joint Administrative Order ng tatlong kagawaran ng pamahalaan para pabilisin na ang pagbibigay ng benepisyong ito.
“Para po sa Bayanihan Act, hindi na po tayo gumawa ng Implementing Rules and Regulations ang kagawaran upang maisatupad ang benepisyong ito. Nag-issue na lang tayo ng Join Administrative Order kasama ang DOLE at DBM kung saan kailangan lang ng tatlong pirma mula sa ating mga kalihim upang maibigay na agad ang benepisyong ito,” ani Vergeire.
Aniya, makakaasa na gagawin DOH sa abot ng kanila ng makakaya na matanggap agad ng mga pamilya ang benepisyong ito.
“Amin ding pong ibinabalita na sa kasalukuyan ay nakapanayam na po at nakipag-ugnayan na ang Department of Health sa mga pamilya ng mga naulila ng 32 health workers upang magabayan po sila sa pagsusubmit ng dokumento na kinakailangan sa pag-claim ng benefits na ito,” sabi pa ni Vergeire.
Nakuha na nila ang detalye ng 16 sa 32 na namatay.
Ani Presidential Spokesperson Harry Roque sa kanyang press briefing noong Hunyo 4, galit nag alit si Duterte na hindi pa nakatanggap ng kumpensasyon ang mga manggagawang pangkalusugan at binigyan na lamang ang mga kinaukulang ahensya ng gobyerno hanggang Hunyo 9 para makumpleto ang pagbibigay ng kumpensasyon.