Naglunsad ng kilos-protesta ang hanay ng mga drayber at operator, sa pangunguna ng Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Operator Nationwide (PISTON), kasama ang iba pang mga transport group, patungo sa opisina ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) upang muling ipanawagan ang 100% na pagbabalik-pasada sa kanilang mga ruta, lalong-lalo anila sa kahabaan ng Commonwealth Avenue.
Matagal nang panawagan ng mga drayber at operator sa gobyerno ang 100% balik-pasada sa kanilang mga ruta upang muli silang magkaroon ng hanapbuhay at makapagserbisyo na sa mamamayan.
“Halos hindi na kami pinapadaan dahil hina-harass, binabakbakan ng plaka at ini-impound ang ilang mga jeep sa kahabaan ng Commonwealth. Kaya pinapaabot namin ito ngayon dahil kung hindi alam ng LTFRB, ito ang nangyayari sa kasalukuyan. Nawawalan ng hanapbuhay ang mga kapatid natin na drayber at operator,” ani Ruben Baylon, Deputy Secretary General ng PISTON.
Ayon sa grupo, mas malaki umano ang porsyento ng mga jeepney units ang hindi pa nakakabiyahe, taliwas sa pahayag ng LTFRB na nasa 80% ng mga tradisyonal na jeepney ang nakabalik sa kani-kanilang ruta sa buong Metro Manila.
Dagdag pa ng grupo, hindi lamang ang mga drayber at kanilang mga pamilya ang direktang naapektuhan sa halos dalawang taon nilang hindi pagbiyahe sa kahabaan ng Commonwealth Avenue, kundi maging ang mga pasahero na nahihirapang bumiyahe araw-araw.
“Kung kayo’y tutungo sa Commonwealth tuwing umaga at hapon, tambak ang mga pasahero, kahit na may mga bus dahil hindi naman nila kakayaning isakay lahat. Paano uunlad ang ating ekonomiya kung ayaw ng gobyerno na makilahok ang mga drayber at operator sa pagpapaunlad ng ating ekonomiya?” dagdag pa ni Baylon.
Panawagan din ng grupo na kilalanin na ng LTFRB ang kanilang mga prangkisa at kanselahin ang pagbaba ng ahensya sa Memorandum Circular Number 2020-021 kung saan ang kasalukuyang limang-taong prangkisa sana na hawak ng mga jeepney ay gagawin na lamang probational authority.
Ang probational authority na ini-issue ng LTFRB ay isang permit para sa mga operator na nagnanais na magpatuloy na makabiyahe habang pending pa ang estado ng kani-kanilang mga prangkisa.
Giit ng grupo, nagbayad na ang mga operator ng mga tradisyonal na jeepney noong 2019 para sa limang taong prangkisa, kung saan dapat sana’y sa 2024 pa ito mawawalan ng bisa. Ngunit dahil sa memorandum circular na ibinaba ng LTFRB, patuloy pa din ang pag-stopic o pag-bawi sa kanilang mga prangkisa, dahilan para lalo umanong hindi makabiyahe ang ilang mga drayber at operator.
“Ang pinakamasakit talaga na Memorandum Circular ay yung 2020-021 dahil saan ka naman nakakita na prangkisa na ang hawak mo ay gagawin ka pang PA lang. Dahil dito, patuloy na maninindigan ang mga drayber at operator upang maibasura ang memorandum.” Ani Baylon.
Patuloy pa din ang hiling ng mga transport group na isaayos na ang sistema ng pagbibigay sakanila ng ayuda mula sa fuel subsidy na inilaan ng gobyerno lalo na’t patuloy pa din ang pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo.
Bitbit din nila ang kanilang panawagan na ibasura na ang Oil Deregulation Law at pagtanggal sa excise tax sa presyo ng langis dahil ito umano ang pangunahing dahilan sa patuloy na pagtaas ng presyo ng langis.
“Kailangan nating kumilos para labanan ang mga ganitong atake sa ating karapatan at kabuhayan bilang serbisyo at bilang mamamayan,” paliwanag ni Ka Mody Floranda, pambansang pangulo ng PISTON.