Malubak ang daang tinahak ng bansa sa taong 2023. Kaiba sa naging pag-aasam ng magandang kalagayan ng bansa sa pagsalubong ng bagong taon, nagpapatuloy ang paglaban ng taumbayan para sa mga aspirasyon at inaasam na kaginhawaan nang makausad sa laging nagbabagong takbo ng mundo. Gaya ng dati, naging mailap pa rin sa mga Pilipino ang kaunlaran dahil sa patuloy na pagdating ng mga kontrobersyang nakaapekto sa pagsusulong ng interes at paglutas ng pangunahing suliranin ng bansa. 

Magmula sa isyung politikal, trabaho, at karapatang pantao—ilan lamang ito sa mga usaping patuloy ang pagdagundong nang ilang ulit sa iba’t ibang porma ng panawagan ng masa. 

Pagratsada ng Maharlika Wealth Fund 

Nobyembre 2022 nang ihain ni House speaker Martin Romualdez at Rep. Sandro Marcos, kasama ang lima pa nilang kapwa kongresista ang House bill 6398 o “Maharlika Investment Fund Act” na naglalayon umanong magbunga ng iba’t ibang “economic development” sa bansa. Sa kabila ng pagtutol ng mga progresibong grupo dahil sa maraming “exemptions” na kaduda-duda at maaaring mauwi sa korapsyon, niratsada pa rin ito ng mga mambabatas at dali-daling pinirmahan ni Marcos Jr. 

Sa ilalim ng batas na ito, magbubuhos ng pondo mula sa iba’t ibang government financial institutions sa bubuuing Maharlika investment corporation para sa iba’t ibang uri ng pamumuhunan para kumita o tumubo ang pera na ilalaan para sa pagpapaunlad ng bansa. Bagamat malakas ang banta ng pagkalugi, kaagad pa rin itong lumusot at naisabatas nang walang malalim na pagsusuri o pagtitiyak sa maaaring kahinatnan nito. 

Hindi rin ito sinang-ayunan ng mga eksperto dahil sa kawalang seguridad gaya ng mga probisyon sa oras na malugi ang pondong ito. 

Sa isang panayam kay Atty. Neri Colmenares, taga-pangulo ng Bayan Muna Partylist, nag-imbento umano ang pamahalaan ng isang korporasyon na ipamumuhunan ang pondo ng taumbayan ng kung sinu-sino lamang samantalang hindi tiyak kung saan ito mapupunta. 

Isa sa mga katwiran ng gobyerno sa pagratsada ng MIF act ay napag-iiwanan na raw ang Pilipinas sa mga karatig bansa na may “sovereign wealth fund.” Bagamat hahalawin ito sa sobrang kita ng bansa, hindi ito sapat na batayan para pabilisin ang pagtutulak ng batas na ito dahil kung tutuusin ay walang sobrang pondo ang bansa. 

Ayon sa University of the Philippines School of Economics (UPSE), nasa 1.6 Trilyon ang kakulangan sa itinakdang badyet noong 2022, na siyang pinakamataas sa nakalipas na dalawang dekada. Tinatayang mas lalo pang titindi ang pagkakabaon sa utang ang bansa kung maglalaan ng P500 bilyon para sa MIF. 

Pagdukot kay Jonila at Jhed

Setyembre 2 nang iulat ang pagkawala ng dalawang environmental activists na sina Jonila Castro at Jhed Tamano. Ngunit noong Setyembre 19, lumantad ang dalawa sa isang press conference na inilunsad ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) sa Plaridel Municipal Hall sa Bulacan upang ipresenta na sila’y “boluntaryong sumuko” umano sa mga militar.

Pinabulaanan naman ito ng dalawa nang ginulantang nila ang NTF-ELCAC sa kanilang naging testimonya taliwas sa paunang salaysay ng militar ukol sa kanilang pagkakawala. 

“Ang totoo po ay dinukot kami ng mga militar, sakay ng van. Napilitan din kami na sumurender dahil pinagbantaan ‘yung buhay namin. ‘Yun po ang totoo. Hindi namin ginusto na mapunta kami sa kustodya ng mga militar, hindi rin totoo yung laman ng affidavit dahil ginawa iyon at pinirmahan ‘yon sa kampo ng mga militar. Wala na kaming magagawa sa pagkakataon na ‘yon,” pahayag ni Castro. 

Kilalang community volunteers sina Castro at Tamano sa Alyansa para sa Pagtatanggol sa Kabuhayan, Paninirahan, at Kalikasan ng Manila Bay (AKAP KA Manila Bay – Alliance for the Defense of Livelihood, Housing, and Environment in Manila Bay), grupo na kumukondena sa mga nagaganap na reklamasyon sa Manila Bay. 

“Ang gusto lang namin maipakita ngayong araw, ‘yung lantarang pasismo ng estado sa mga aktibistang ang tanging hangarin ay ipaglaban lang ‘yung Manila Bay. ani Castro. 

Laban ng tsuper, operator kontra phaseout

Buwan ng Marso nang unang ilunsad sa taong ito ang tigil-pasada ng mga tsuper at operators sa pangunguna ng PISTON at MANIBELA. Buhat ito sa inilabas na Memorandum Circular 2023-013 na nagtatakda ng deadline para sa mga traditional jeepneys at UV express na sumali sa konsolidasyon sa mga kooperatiba para patuloy na makapamasada pa rin sa lansangan. Sa kasalukuyan, sunod-sunod na ang mga pagkilos dahil sa napipintong deadline na hanggang sa Disyembre 31.

Ayon sa LTFRB, pagkakalooban lamang nila ng prangkisa ang magpapaconsolidate para makabiyahe. Ngunit sa ilalim ng PUVMP, isang fleet na pinagmamay-arian ng kooperatiba o korporasyon na hindi bababa sa 15 yunit ng modern jeepneys kada ruta ang kinakailangan. 

Hindi kakayanin at mas lalong mababaon sa utang ang mga tsuper sa oras na bilhin nila ang modernized jeep na nagkakahalaga ng P1.4 milyon at hanggang P2.8 milyon naman kung hulugan, na halos doble ng presyo ng traditional jeepney. Idagdag pa ang patuloy na pagtaas ng langis at presyo ng mga bilihin na talaga namang magpapatindi sa mga tsuper na kayanin ang gastusin sa pag-utang at pagsustento ng kaniyang pamilya. 

Sa datos ng PISTON, 80% ng mga maliliit na operators ang tinatayang mawalan ng hanap-buhay sa pagkawala ng kanilang prangkisa sa katapusan ng taon. Sa oras na tuluyang mawala sa kalsada ang mga tradisyunal na dyip, aabot sa P35 pesos ang magiging pamasahe na mas lalong magpapahirap sa mga komyuter. 

“Paano sa susunod na unang buwan ng 2024 kung mawawalan naman sila ng kabuhayan? Ang nakasalalay dito ay hindi lang kabuhayan ng mga operator at driver, nakasalalay din dito ang ating economic, dahil sa panahon na hindi na tayo payagang makapagserbisyo, ang direct effect niyan sa ekonomiya, ito ang sinasabi nating transport crisis. Saan sasakay ‘yung mga mamamayan patungo sa kanilang paroroonan? Ang epekto niyan ay lalong pagbulusok ng ating ekonomiya at pagkawala ng kabuhayan sa ating sektor.” ayon kay Ka Mody na National President ng PISTON. 

Kontrobersyal na confidential funds ni VP Sara

“Tandaan ninyo—kung sino man ang kumokontra sa confidential funds ay kumokontra sa kapayapaan. Kung sino ang kumokontra sa kapayapaan ay kalaban ng bayan,” pahayag ni Vice President Duterte nang depensahan niya ang kaniyang tanggapan sa paggamit niya ng confidential funds.

Matatandaan noong Setyembre 2023, nabulgar ang isyu ng paglulustay ni Sara Duterte ng P125 milyon na confidential funds sa loob lamang ng 11 na araw. Kwinestyon ito ng mga mambabatas sa kongreso at ng iba pang mga kritiko sa kabila ng hindi pagkakabilang nito sa General Appropriations Act noong 2022. 

Sa isinagawang coalition-led forum noong Setyembre 9, kinondena ng Gabriela, Kabataan, and ACT Teachers Partylist na bumubuo sa Makabayan Bloc ang pagkakaroon ng P4.86 bilyon na confidential fund na alokasyon ng administrasyong Marcos Jr. para sa budget proposal ng 2024. 

Sinita ni ACT Teachers Partylist representative France Castro ang pagkakaroon ni VP Duterte ng confidential funds. Aniya, mas lumaki pa ang confidential at intelligence funds (CIF), pork-barrel, at iba pang mga ilehitimong polisiyang pinopondohan kumpara sa mga inilalaan para sa edukasyon, kalusugan, at iba pang batayang serbisyong panlipunan. 

Bagaman tinermina na ng Komite sa Kamara ang confidential funds ng OVP, DepEd at ng iba pang mga ahensya, patuloy pa rin ang kampanya ng mga progresibong para ibalik ang mga kinaltas na badyet sa iba pang mga ahensya na nakatuon sa pagpapaigting ng serbisyong panlipunan sa bansa.

Suspensyon sa SMNI

Tatlumpung (30) araw o halos isang buwan ang suspensyong ipinataw ng National Telecommunications Commission sa buong operasyon ng SMNI kasunod ng temporary suspension sa dalawang programa nito ng 14 araw ayon sa MTRCB (Movie and Television Review and Classification Board).

Pagpapakalat ng disimpormasyon, red-tagging at death threat ang pangunahing dahilan sa naging hatol na ito. Kabilang ang dating pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang death threat kay ACT Teachers Party Rep. Castro at sina Lorraine Badoy at Jeffrey Celiz na mga nagpakalat ng disimpormasyon hinggil sa travel funds ni House Speaker Romualdez.

“At last, something has been done to curtail the constant red-tagging, spreading of disinformation (fake news) and threatening of individuals using these two shows as well as the network,” pahayag Rep. Castro.

Pag-Isyu ng Subpoena Laban kay Dating Pangulong Duterte

Sa unang pagkakataon pagkatapos bumaba sa pwesto si Rodrigo Roa Duterte mula sa pagka-pangulo, naghain para sa kanya ng subpoena ang Quezon City Prosecutors’ Office sa pamamagitan ni Senior Assistant City Prosecutor Ulric Q. Badiola. 

Ito ay pagkatapos maghain ng reklamo ng Grave Threat sa ilalim ng Article 282 ng Revised Penal Code matapos ang kanyang death threat kay ACT-Teachers party-list at House Deputy Minority leader France Castro sa programang “Gikan Sa Masa, Para Sa Masa” sa SMNI bahagi sa dalawang programang ipinagutos na suspindihin ng MTRCB.

Binura na ang mismong kuha ng pahayag ni Duterte sa pahina ng SMNI sa Facebook. Sa kabila nito, ay kumalat na rin ang mismong bidyo dahil sa mga kuha ng netizens.

“Pero, ang una mong target sa intelligence fund mo, kayo, ikaw France, kayong mga komunista ang gusto kong patayin,” sabi ni Duterte.

Inutusan si Duterte na lumitaw sa korte para sa panimulang imbestigasyon noong Disyembre 4 ngunit hindi naman niya ito sinipot.

Henosidyong paninibasib, pang-aatake ng Israel sa Palestine

Oktubre 7 nang sumiklab muli ang panibagong giyera sa pagitan ng Israel at Palestine. Ito ay dulot ng biglang pag-atake ng militanteng grupo na Hamas sa teritoryo ng Israel, tinatayang nasa 2,000 rockets ang pinalabas ng Hamas na pumatay sa 1,200 na katao sa Israel, ang naitalang pinaka-malaking pagpatay sa mga Hudyo mula noong Holocaust.

Bahagi ito ng plano ng Hamas na tinatawag na ‘Operation Al-Aqsa Flood.’ Bukod sa Hamas, may mga iba pang militanteng organisasyon na nakiisa sa laban ng Palestine tulad ng Al-Aqsa Martyrs Brigade, Islamic Jihad, at Hezbollah, para sa layunin na palayain ang estado ng Palestine at labanan ang pananakop ng pang-haharass ng Israel. 

Ayon sa nakatataas na miyembro na si Jibril Rajoub, ng partido-politikal ng Palestine na Fatah, binigyang-katwiran niya ang pag-atake ng Hamas bilang isang ‘defensive war’ sa parte ng mga taga-Palestino upang saguting ang agresyon ng Israel laban sa kanila.

Nang magsimula ang digmaan sa buwang iyon hanggang sa kasalukuyan, ang bilang ng mga nasawi ay umabot na sa tinatatayang 20,000 na katao. Ang mga ospital na nakapaloob sa Gaza ay tuloy na inaatake sa pamamagitan ng tuluyang pagbobomba ng Israel, tulad ng Nasser Medical Complex sa Khan Younis sa katimugan ng Gaza, na paulit-ulit na tinututukan ng Israel sa loob ng 48 na oras. Ayon pa sa isang ulat, nasa 576,000 na ng mga mamamayan sa Gaza ang naubusan ng kanilang panustos para sa pagkain at inumin, na magdadala ng matinding kagutuman sa buong Gaza.

Daan-daang mga mamamayan sa iba’t ibang sulok ng mundo ang nakikiisa at nagpahayag ng kanilang suporta para sa mga biktima ng giyera sa sa pamamagitan ng mga sunod-sunod na protesta para sa kalayaan ng Palestine. 

Travel funds ni Marcos Jr.

Disyembre 20 nang lagdaan ni Marcos Jr. ang Republic Act No. 11975 o ang 2024 General Appropriations Act para aprubahan ang pagkakaroon niya ng P1.408 bilyon na pondo para sa kanyang travel expenses sa susunod na taon. 

Higit 58% na dagdag ito mula sa P893.87 milyon para kanyang “local/foreign missions and state visits” sa kasalukuyang taon. 

Aabot na sa 19 na foreign trips ang isinagawa ni Marcos Jr. mula nang siya ay umupo sa puwesto. Ngayong taon, higit 12 bansa ang kanyang pinuntahan para sa mga pagpupulong tulad ng United Nations General Assembly general debate sa New York, World Economic forum sa Switzerland, sa Association of Southeast Asian Nations summit sa Cambodia at Indonesia, at maging sa ASEAN-European Union Summit sa Brussels. Nagkaroon din siya ng apat na state-visits sa Singapore, China, Malaysia at Indonesia. 

Ayon kay Presidential Communications Secretary Cheloy Velicaria Garafil, pagkakataon umano ito ni Marcos Jr. para sa paghahanap ng mga investors sa bansa at pagpapalakas ng ugnayan sa iba’t ibang bansa at pandaigdigang organisasyon.

Dismayado naman ang mga progresibong grupo at iba’t ibang sektoral na pormasyon hinggil sa pagratsada ng 2024 GAA. Ayon sa Kilusang Magbubukid ng Pilipinas, nagpapatuloy ang kawalan ng prayoritisasyon sa agrikultura at pagkain. 

Anim na porsyento (6%) lamang ang itinaas sa pondong matatanggap ng Department of Agriculture o katumbas ng P197.84 bilyon para sa susunod na taon mula sa kasalukuyang budget ng ahensya na nagkakahalaga ng P186.54 bilyon.

Matatandaang may hiningi ring P50 milyong CIF para sa DA si Marcos Jr. noong siya pa ang pansamantalang nangangalihim dito. Ngunit napagdesisyunan na ilaan na lamang ito para sa MOOE ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR), isa ring ahensya sa ilalim ng DA, bunsod ng deliberasyon ng House Appropriations Committee.

Imbestigasyon ng ICC sa drug war ni Duterte

Kapansin-pansing mabilis ang mga naging pagbabago sa pahayag at sentimyento ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno partikular sa imbestigasyon ng kontrobersyal na drug war sa ilalim ng dating administrasyong Duterte.

Eleksyon pa lamang nang lantarang itinatanggi na ni Marcos Jr. ang imbestigasyon ng ICC at sinasabing ang naturang korte ay “walang hurisdiksyon” sa Pilipinas. Aniya, banta pa umano ang isasagawang pagsisiyasat ng ICC sa ating soberanya.

Ngunit noon lamang Nobyembre 29, nagpahayag si Marcos Jr.  ng posibleng pagsanib sa ICC matapos ang mga pagdinig sa mga resolusyon hinggil sa nasabing pagsasagawa ng imbestigasyon sa House Committees on Justice and Human Rights.

Taong 2019 nang tumiwalag ang Pilipinas sa ICC bunsod ng pagpupursige ng nasabing korte sa imbestigasyon sa drug war ni Duterte.

Maging si Department of Justice secretary Jesus Crispin Remulla na kilalang masugid na nagsabi rin noon na banta ang ICC sa usaping soberanya ay nagpapahayag naman ngayon na kailangan ng “serious study” ukol dito.

Pebrero ngayong taon lamang din nang maghain ng resolusyon para suportahan ang sinasabing “walang hurisdiksyon” ang ICC para imbestigahan ang drug war ni Duterte. Siyam na buwan ang nakalipas ay may tatlo nang nakabinbing resolusyon sa kamara ngayon para ipanawagan ang pakikipagtulungan sa ICC.

Layunin ng ICC na magsuri at magpalalim kaalinsabay ng pagpapanagot sa libo libong biktima ng biktima ng extrajudicial killings sa kampanyang drug war ng dating administrasyong Duterte. Saklaw rin nito ang Davao Death Squad (DDS) na kanyang kampanya kontra droga. 

Ayon sa datos ng Philippine Drug Enforcement Agency, higit 6,248 na ang pagpatay mula noong sinimulan ang nasabing kampanya. Subalit hindi ito ang tumpak na bilang ayon sa grupo ng karapatang pantao na aabot pa ito sa mahigit 12,000 hanggang 30,000.

Dagdag pa ng grupo, pang-aabuso sa karapatang-pantao bunsod ng kaliwa’t kanang pang-aaresto at pagpatay na kadalasa’y nakatutok lamang sa mga mahihirap ang dulot ng nasabing kampanya.

Militarisasyon dulot ng pinaigting na interbensyon ng US sa bansa

Abril 11 nang isagawa ang 38th Balikatan Exercise sa pagitan ng US at Pilipinas. Itinuturing itong pinakamalaki sa kasaysayan ng mga joint military exercise kablang ang higit 17,600 militar mula sa Armed Forces of the Philippines kung saan 5,400 ay mula sa Pilipinas at 12,200 ay mula sa US.

Sa kasunod na buwan ay naglunsad din ng military exercises sa pagitan ng Pilipinas at Australia na tinawag na Exercise Kasangga. Aabot sa 200 sundalong Pilipino at 50 sundalong Australian ang kabilang sa nasabing pagsasanay na tumagal ng isang buwan.

Ayon kay grupong League of Filipino Students NCR, kasabay ng mga pagsasanay na ito ay ang mga planong joint patrol ng US, Australia, at Pilipinas sa West Philippine Sea (WPS).

Buwan din ng Abril nang aprubahan ang pagkakaroon ng apat na panibagong base ng US sa Pilipinas sa ilalim ng Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) sa probinsya ng Cagayan, Isabela at Palawan.

Taong 2014 pa nang lagdaan ang pagsasabatas ng EDCA dagdag sa mga “joint treaties” ng US at Pilipinas tulad ng Visiting Forces Agreement (VFA) noong 1998, Mutual Defense Treat (MDT) noong 1951 at Mutual Logistics Service Agreement (MLSA).

Ayon sa grupo ng karapatang pantao, magbubunsod ito ng malawakang militarisasyon at lantarang pagpapailalim sa bansang US mula pa lamang sa pagbibigay rito ng extra-territorial rights. Ibig sabihin, maaring gawin ng US anuman ang gusto nilang gawin sa lupaing kinatitirikan ng mga base nila tulad ng pag-iimbak ng kagamitang militar at iba pa na hindi papasok sa otoridad ng inspeksyon ng bansang Pilipinas.

Dagdag pa, paiigitingin lamang ng pagpapalawak ng mga base ng US ang tensyon sa pagitan ng Pilipinas at Tsina kung saan maraming mga Pilipino ang posibleng maiipit sa nagbabadyang sigalot.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here