Sa inilunsad na national press conference ng Plaridel Public Information Office kaninang umaga, kinumpirma nina Jonila Castro at Jhed Tamano na tinaguriang Orion 2 na sila ay dinukot ng mga militar para umano’y “boluntaryong sumuko” matapos papirmahan ng affidavit ng pagsurender.
“Mahalagang malaman natin kung ano ‘yung totoong nangyari at sa tanong na dinukot ba kami o boluntaryo kaming sumurender. Ang totoo po ay dinukot kami ng mga militar, sakay ng van. Napilitan din kami na sumurender dahil pinagbantaan ‘yung buhay namin. ‘Yun po ang totoo. Hindi namin ginusto na mapunta kami sa kustodya ng mga militar, hindi rin totoo yung laman ng affidavit dahil ginawa iyon at pinirmahan ‘yon sa kampo ng mga militar. Wala na kaming magagawa sa pagkakataon na ‘yon,” pahayag ni Castro.
Matatandaang gabi noong Setyembre 2 nang dukutin ang dalawang aktibista sa Orion, Bataan ng apat na armadong lalake. Ayon sa mga nakakita, pinagbantaan pa ng mga ito ang mga nais tumulong sa dalawang biktima.
Noong Setyembre 12, idineklara ng militar na nasa kustodiya nila ang dalawang environmental activists at umano’y sumuko sa Philippine Army’s 70th Infantry Battalion sa Doña Remedios Trinidad.
“Naglalakad lang po kami sa kalsada nung meron pong dumukot sa amin. May tumigil pong SUV sa harap namin tapos dinukot po kami, pinilit kaming pasamahin sa kanila… Akala po namin sindikato pero kilala po nila kami,” pahayag ni Tamano.
Kapwa community volunteers sina Castro at Tamano sa Alyansa para sa Pagtatanggol sa Kabuhayan, Paninirahan, at Kalikasan ng Manila Bay (AKAP KA Manila Bay – Alliance for the Defense of Livelihood, Housing, and Environment in Manila Bay), grupo na tumututol sa Manila Bay reclamation projects.
“Ang gusto lang namin maipakita ngayong araw, ‘yung lantarang pasismo ng estado sa mga aktibistang ang tanging hangarin ay ipaglaban lang ‘yung Manila Bay. May nangyayaring reclamation projects doon. Ang problema roon ay yung mga mangingisdang mawawalan ng hanapbuhay pero nagagamit ‘yung mga militar para ipatigil yung mga pagkilos, para supilin ‘yung mga kabataan at mangingisda na nandoon. ‘Yun ang tunay na isyu rito,” dagdag ni Castro.
Sa kasalukuyan, panawagan pa rin ng mga mangingisda at environmental rights groups na maglabas ng written suspension order hinggil sa pagpapatigil ng reclamation projects sa Manila Bay matapos verbal na mag-utos si Marcos Jr. na isuspende muna ang mga ito.
Anang Advocates of Science and Technology for the People (Agham), isang buwan na mula nang verbal suspension order ni Marcos Jr. subalit nagpapatuloy pa rin ang mga reclamation activities sa coastal bay areas dahil sa kawalan ng malinaw na implementation guidelines at written suspension order.
Sa isang press release, iginiit ng Karapatan ang ligtas at agarang pagpapabalik kay Tamano at Castro sa kanilang mga pamilya.
“The National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) and the Armed Forces of the Philippines have no reason to hold Jhed and Jonila in their custody,” pahayag ni Karapatan Secretary General Cristina Palabay.
Giit din ng Karapatan kay Plaridel Municipal Mayor Jocell Vistan na hindi na dapat pabalikin sa kustodiya ng NTF-ELCAC o militar ang dalawang biktima, at bigyan ito ng ligtas na espasyo upang maibalik sa kanilang pamilya’t mga kasama.
“The exposé of Jonila and Jhed, in their own words, of their abduction by the military speaks volumes for the many victims of abduction and enforced disappearance, the wave of attacks against activists and rights defenders under the current dispensation,” pahayag ng Karapatan.
Ayon sa human rights group Karapatan, lumobo sa 40% ang bilang ng enforced disappearances sa ilalim pa lamang ng isang taon ni Marcos Jr., higit na mas marami sa anim na taon ni dating pangulong Rodrigo Duterte.
Panawagan ng Karapatan maging ng mga kaanak nina Castro at Tamano na panagutin ang AFP laluna ang 70th Infantry Battallion, ang NTF-ELCAC, maging ang kasalukuyang administrasyong Marcos Jr. Sa kabila ng ‘pattern’ na isinasagawa nitong pagdukot at walang habas na kasinungalingan sa ‘kusang pagsurender’ ng mga aktibista tulad ng Orion 2.
[Binura na sa Plaridel Public Information Office at sa NTF-ELCAC page ang video ng press conference]