Si Leonel Valdez*, 34 taong gulang, ay isang Transport Network Vehicle Service (TNVS) driver mula pa noong 2015.
Sa kasalukuyan, mayroong 19 na akreditadong Transport Network Companies (TNC) batay sa datos ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB). Kabilang dito ang mga bagong akreditadong kumpanya tulad ng Aztech Solution International Corp. (Snappy), PureRide Corp., Unla La Corp., Angkas Technologies, at iba pa. Ang mga naunang TNCs tulad ng Joyride PH Corp., Cloud Panda PH Inc. (Toktokgo), E-Pick Me Up Inc., Hirna Mobility Solutions Inc., at Grab Philippines ay muli ring nag-renew ng akreditasyon.
Sa kabila ng pagdami ng TNC, nananatiling Grab Philippines ang “dominant key player” sa industriya ng ride-hailing at delivery services sa bansa.
Ayon kay Valdez, dati siyang Uber driver bago lumipat sa Grab mula nang humarap ang Uber sa regulatory challenges na nauwi sa pagkakasuspinde ng kanilang operasyon. Bunsod ng nangyaring mga usapin, sa parehong taon na iyon kinilala sa Pilipinas ang pag-regulate ng ride-hailing services.
Sa bisa ng LTFRB Memorandum Circular No. 2015-015, naglabas ng mga patakaran at regulasyon kaugnay sa operasyon ng mga kumpanya tulad ng Uber at Grab. Kabilang dito ang pagkuha ng akreditasyon bilang TNC at pagsunod ng mga indibidwal na driver sa mga itinakdang rekisito ng prangkisa.
Noong 2018, tuluyang binili ng Grab ang operasyon ng Uber sa Southeast Asia kabilang ang Pilipinas bunsod ng pagkalugi. Dahil dito, nakuha ng Grab ang mga assets at drivers ng Uber sa bansa na nagpatibay sa pagiging nangunguna nitong ride-hailing service sa Pilipinas.
Pagpapasan ng TNVS drivers sa diskwento
Simula pa noong 2023 ay iniinda na ng mga TNVS driver sa ilalim ng Grab ang pagpapasan ng diskwento para sa mga estudyante, person with disability (PWD), at senior citizen.
Sa naganap na Senate hearing noong Disyembre 2024, kinumpirma mismo ng Grab Philippines na ang mga TNVS drivers ang sumasagot sa ng diskwento
“Ang mahirap sa ganoong discount ay malaking kawalan na rin sa amin iyon lalo na kung nagneneto sila ng P500, ang matitira sa amin ay P400 nalang at babawasan pa ng komisyon ng Grab,” ani Valde.
Pagbibigay katwiran ni Atty. Gregorio Tingson, Grab’s Head of Public Affairs, na dulot ng pandemya, ang pagpapasan ng mga diskwento ay makakatulong upang mapagaan ang pasahe para sa mga estudyante, PWD, at senior citizens. Dagdag pa niya, nakasaad iyon sa Memorandum Circular 2018-004 pursuant to Republic Act 10754 or the Act Expanding the Benefits and Privileges of Persons With Disability.
Gayumpaman, agad itong sinagot ni LTFRB chairman Teofilo Guadiz III at sinabing hindi makatwiran ang dahilan ng Grab. Binigyang-diin niya na dapat ang TNC mismo ang sumagot sa 20% na diskwento.
Ngayong Pebrero 2025 inaasahan maglalabas ang LTFRB ng memorandum circular na nag-uutos sa mga TNC na akuin ang 20% discount para sa mga estudyante, senior citizens, at PWDs.
Sa presentasyon ng Grab, sinabi nilang 2023 ay 100% nilang sinagot ang halaga ng mga diskwento batay sa promo codes. Bago mula July 2023 hanggang Mayo 2024 ay ipinatupad ang 50-50 discount sharing scheme sa pagitan ng driver at ng Grab.
Noong Hunyo 2024, sinimulan na ng mga driver na pasanin ang 64% ng diskwento, habang 36% naman ang sinagot ng Grab.
Iba naman ang kalkulasyon ng datos ng Malayang TNVS Movement, isang alyansa ng mga TNVS driver at operator, hinggil dito.
Ayon sa grupo, Marso 2024 pa lamang ay 100% nang ipinapasa sa mga driver ang buong halaga ng diskwento. Giit nila, ang ganitong polisiya ay mapang-abuso dahil lalo lamang nitong pinapasan sa mga driver ang lumalalang pasanin sa gastusin, kabilang na ang tumataas na presyo ng gasolina, maintenance ng sasakyan, at iba pang operational expenses.
Pagkalkula sa tinayang pagkalugi ng TNVS drivers
Sa araw-araw na pasada, gumugugol si Valdez ng 12 hanggang 14 oras sa kalsada. Aniya, tinatayang umaabot sa 100 kilometro ang distansyang kanyang binabyahe kada araw. Mayroon siyang driving duration rate dito na 10 oras sa maksimum.
Sa karaniwang biyahe ni Valdez, sampu ang kanyang nagiging pasahero kung saan tatlo rito ang gumagamit ng discount. Anim na araw lamang din kada linggo ang nagiging biyahe ng mga driver dahil sa coding scheme.
Batay sa fare matrix ng Grab, nakasaad ang P45 para sa base fare, P15 kada kilometro sa distance fare, at P2.50 kada minuto para sa duration rate.
Dahil sa kanyang average na 10 kilometro kada pasahero, at 60 minutong tagal ng biyahe bawat isa, ang pamasahe ng bawat pasahero ay:
- Para sa regular na pasahero (7 pasahero)
- Base fare: P45
- Distance fare: P15 × 10 km = P150
- Duration fare: P2.50 × 60 min = P150
- Total per regular passenger: P345
- Kabuuang kita mula sa regular na pasahero: P345 × 7 = P2415
- Para sa discounted na pasahero (3 pasahero na may 20% diskwento)
- Regular fare: P345 × 0.80 (discounted rate) = P276
- Kabuuang kita mula sa discounted na pasahero: P276 × 3 = P828
Kabuuang kita: P2415 + P828 = P3,243
Sa kabila nito, hindi lahat ng kita ay napupunta kay Valdez dahil sa komisyon ng Grab na aabot sa 20-25%.
- 20% deduction:
- 3243 × 0.20 = P648.60
- Netong kita: 3243 − 648.60 = P2,594.40
- 25% deduction:
- 3243 × 0.25 = 810.75
- Netong kita: 3243 − 810.75 = P2,432.25
Bukod sa discount at komisyon ng Grab na iaawas pa sa kabuoang kita ni Valdez, gumagastos din siya ng gasolina na maaaring umabot sa P1000 hanggang P1500 habang sa pagkain naman ay aabot ng P200.
- Kung 20% ang komisyon:
- Netong kita: P2,594.40
- Ibabawas ang gasolina at pagkain:
- P2594.40 – (1,000 + 200) = P1394.40 (kung P1000 ang gas)
- P2594.40 – (1500 + 200) = P894.40 (kung P1500 ang gas)
- Kung 25% ang komisyon:
- Netong kita: P2432.25
- Ibabawas ang gasolina at pagkain:
- P2432.25 – (1000 + 200) = P1232.25
- P2432.25 – (1500 + 200) = P732.25
Kung kaya, sa isang buong araw ng pagmamaneho ng 12-14 oras, ang natitirang kita ni Valdez ay nasa pagitan ng P732.25 hanggang P1394.40, depende pa ito sa taas ng komisyon at presyo ng gasolina.
Kung para sa TNVS drivers na nagbo-boundary na aabot sa P1000 hanggang P1300 ang sinisingil ay halos wala nang mauuwing kita bagkus maaari siyang malubog sa utang o mapilitang magtrabaho ng mas mahabang oras para lang makabawi sa gastos.
Kung ipapasok dito ang pahayag ng Laban TNVS na mula 2023 ay pasanin na ng TNVS driver ang diskwento, ito ang kalkulasyon:
- Hulyo 2023 – Pebrero 2024 (50-50 sharing sa diskwento):
- Regular fare: P345
- Discount value (20% ng P345): P69
- Dahil 50-50 ang hatian: kapwa pumapasan ng P34.50 ang Grab at si Valdez, ito rin ang magsisilbing nawawalang kita niya sa mga panahong ito
- Kita mula sa isang discounted na pasahero: P345 – P34.50 = P310.50
- Kabuuang kita mula sa tatlong discounted na pasahero: P310.50 × 3 = P931.50
- Marso 2024 hanggang kasalukuyan (100% pasanin ng driver ang diskwento):
- Regular fare: P345
- Discount value (20% ng P345): P69 (nawawalang kita)
- Dahil 100% nang sinasalo ng driver ang diskwento:
- Kita mula sa isang discounted na pasahero: P345 – P69 = P276
- Kabuuang kita mula sa tatlong discounted na pasahero: P276 × 3 = P828
Kung kakalkulahin ang kanyang nawawalang kita sa bawat araw at kada buwan:
- Kada araw:
- Hulyo 2023 – Pebrero 2024 (50-50 discount-sharing, 8 buwan)
- Nawawala kada discounted na pasahero: P34.50
- Tatlong discounted na pasahero bawat araw: P34.50 × 3 = P103.50 bawat araw
- Komisyon ng Grab:
- 20% commission: P103.50 × 0.80 = P82.80 net loss kada araw
- 25% commission: P103.50 × 0.75 = P77.63 net loss kada araw
- Marso 2024 – Pebrero 2025 (100% driver-shouldered discount, 12 buwan)
- Nawawala kada discounted na pasahero: P69
- Tatlong discounted na pasahero bawat araw: P69 × 3 = P207 bawat araw
- Komisyon ng Grab:
- 20% commission: P207 × 0.80 = P165.60 net loss kada araw
- 25% commission: P207 × 0.75 = P155.25 net loss kada araw
- Hulyo 2023 – Pebrero 2024 (50-50 discount-sharing, 8 buwan)
- Kada buwan (24 days na pasada)
- Hulyo 2023 – Pebrero 2024 (50-50 discount-sharing, 8 buwan)
- 20% commission: P82.80 × 24 days = P1987.20 × 8 buwan = P15,897.60 kabuuang nawala
- 25% commission: P77.63 × 24 days = P1862.88 × 8 buwan = P14,903.04 kabuuang nawala
- Marso 2024 – Pebrero 2025 (100% driver-shouldered discount, 12 buwan)
- 20% commission: P165.60 × 24 days = P3974.40 × 12 buwan = P47,692.80 kabuuang nawala
- 25% commission: P155.25 × 24 days = P3726 × 12 buwan = P44,712 kabuuang nawala
- Hulyo 2023 – Pebrero 2024 (50-50 discount-sharing, 8 buwan)
Sa pagsusuma, ang kabuuang nawalang kita ni Valdez mula Hulyo 2023 – Pebrero 2025 o halos 20 buwan ay aabot sa P63,590 dahil sa sapilitang pagpasan ng diskwento sa pamasahe ng mga pasahero.
Panahon | 20% commission | 25% commission |
Hulyo 2023 – Pebrero 2024 (50-50 discount-sharing, 8 buwan) | P15,897.60 | P14,903.04 |
Marso 2024 – Pebrero 2025 (100% driver-shouldered discount, 12 buwan) | P47,692.80 | P44,712 |
Kabuuang nawawalang kita | P63,590.40 | P59,615.04 |
Kung ipagpapalagay na katulad ni Valdez ang karaniwang TNVS driver sa Metro Manila—na umabot sa 23,000 ayon sa datos ng LTFRB noong 2024—tinatayang nasa pagitan ng P1.37 bilyon hanggang P1.46 bilyon ang kabuuang nawalang kita ng mga driver dahil sa pagpapasan ng discount fare values.
Pagbabalik sa 50-50 discount-sharing scheme
Noong Pebrero 10, inilabas ng Laban TNVS ang sulat mula kay EJ Dela Vega, Director for Mobility ng Grab Philippines, para sa TNVS Community Alliance. Ayon sa kay Dela Vega, pansamantalang ibabalik ang 50-50 discount-sharing scheme simula Pebrero 14.
“Ang mga detalye ng implementasyon ay ibabahagi sa pamamagitan ng mga normal na communication channels sa mga susunod na araw para sa mga Grab driver-partners…Itong implementasyon po na ito ay maaaring magbago alinsunod sa mga patnubay na ilalabas ng LTFRB ukol sa special discounts,” dagdag pa sa pahayag ng ni Dela Vega.
Ayon sa Laban TNVS, mali at mapanlilang ang 50-50 discount-sharing dahil LTFRB mismo ang nagtakda na 100% sagutin ng Grab ang discount fare values.
“Hindi lang ito simpleng isyu ng diskwento—ito ay usapin ng kabuhayan! Hinding-hindi na kami papayag sa panloloko ng Grab. Dapat nilang sagutin ang 100%, wala nang 50-50 na daya!” ayon sa grupo.
*Ang pangalan ng nakapanayam sa ulat na ito ay binago upang maprotektahan ang kanyang identidad. Ang pagbabago ng pangalan ay isinagawa bilang pag-iingat sa posibleng panganib ng deactivation mula sa TNC o iba pang maaaring implikasyon. Gayunpaman, ang mga pahayag at impormasyon sa ulat ay nananatiling tapat sa aktwal na mga salaysay.