Malawak na ang naging pagkilala sa naging kasaysayan ng jeepney. Mula nga ito sa panahon ng mga amerikanong mananakop. Iniwan lang itong naging kagamitang pangdigma nila kabilang ang mga sasakyang jeepney at nire-invent nalang ito ng mga Pilipino. Pinahaba nila ito para mas maraming makasakay at ginawang sasakyang komunal para lahat ay makasakay.

Kilala rin ang jeepney sa usaping kultura ng bayanihan dahil sa pagbibigay espasyo nito sa susunod na sasakay. Ang pag-abot ng bayad hanggang sa maiabot ito sa tsuper at iba pa. Maraming karanasan sa loob ng jeep.

Sa kasalukuyang banta ng malawakang Jeepney Phaseout, anong pagtingin ninyo rito? Kung sa akin, kakatuwang maalala ang iba’t ibang mga karanasan na sobrang nakakamiss din kung ating babalikan at pag-uusapan. Ito ‘yung sa akin:

  • Wala na akong matitikmang buhok na lasang shampoo. Minsan lasang balakubak;
  • Wala na akong part-time job na tagaabot ng bayad kasi tamad yung mga nasa likod;
  • hindi ko na mararamdaman ulit yun sikip… at siksik sa kaloob-looban ng jeep;
  • Wala nang tugtugan na akala mo si kuya lang yung nagpapatugtog, yun bang basag tenga at yung mga nakakahilong ilaw na kulay blue at red;
  • Hindi ko na rin mararanasang makipag-unahan makaupo lang sa tabi ng driver (siguro dahil tsuper, lover. Naks!);
  • Hindi ko na mararanasang sumabit at langhapin lahat ng alikabok sa bubong ng jeep;
  • Tagaktakin ng pawis sa sobrang init;
  • Kantahan ng mga Badjao at abutan ng sobre;
  • Makatulog sa braso ni *unknown* kuya;
  • Mamimiss ko kausapin ang mga tsuper sa karanasan nila sa ilang taong pamamasada nila ng jeep at kung paano nila nabuhay at napatapos ang kanilang mga anak sa pag-aaral;
  • at marami pang-iba.

Sa nakaambang pagmomodernisa ng mga tradisyunal na jeepney, magandang hangarin naman ito upang tugunan ang mga dapat pang paghusayin sa kondisyon ng kapwa mananakay at ng super. Pero kung ang modernisasyon ay para lang mabura na ang mga tradisyunal na jeepney at mga UV expres upang monopolyohin o kontrolin ang maliliit na mga terminal at ilubog sa utang ang mga operator nito, mukhang hindi na ito maganda. Lalo pa na hindi naman din ito tanging resolusyon upang maibsan ang bagal na daloy ng trapiko sa buong bahagi ng bansa.

Kamakailan pa nang iurong ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang due date sa pagphase-out ng mga prangkisa ng jeepney hanggang Disyembre 31 ngayong taon. Katunayan, una nang naglabas ang LTFRB ng due date sa nasabing phaseout at tinayang sa Marso para sa probinsya at sa Abril naman para sa Metro Manila hanggang iurong na naman nila ito sa Hunyo. Kahit pa iurong nang iurong ang due date ng LTFRB, phaseout pa rin ang magiging lunduan ng lahat ng ito. Pagdating ng araw na iyon, kawalan na naman ito ng trabaho at kabuhayan para sa kalakhan ng tsuper at operator. Parang nangyari rin nung panahon ng pandemya. Remember ang kapabayaan sa pagresponde sa pandemya?

Sa gagawing kilos-protestang tigil-pasada ng mga tsuper bukas ay humihingi na ako ng paumanhin sa bahaging tiyak ang kahirapan sa pagkokomyut: sa pagpasok sa trabaho at pagpasok sa paaralan. Ngunit maintindihan nawa natin na panandalian lamang ito lalo’t kung haharapin natin ang sadyang kawalan ng jeepney para ihatid tayo sa ating trabaho maging sa paaralan.

Ang laban na ito ay nangangahulugang laban din ng bawat komyuter na kung tutuusin ay ayaw din naman nila na sa gagawing pagkaphaseout at pagmomodernisa ng sasakyan ay siya ring pagmahal ng pamasahe natin. Na ang resulta ay masakit na naman sa bulsa.

Makiisa tayo sa laban nila. Ang laban ng tsuper ay laban ng bawat komyuter.

Kumilos. Patuloy na paingayin ang panawagan at ang makamasang modernisasyon. Paingayin din ang #NoToJeepneyPhaseout at ang #BalikPasada hindi lamang sa internet pati na rin sa lansangan.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here