Nagsagawa ng protest caravan ang mga jeepney driver, operator, maging ang iba’t ibang progresibong grupo na sumuporta sa unang araw ng pambansang tigil-pasada bitbit ang panawagang #NoToJeepneyPhaseout.

Isang simbolikong kilos-protesta na nagparalisa sa mga pampublikong transportasyon sa higit 80% ng kalakhang ruta ng National Capital Region at 100% ng mayor na ruta sa iba’t ibang rehiyon. Pinangunahan ang nasabing caravan ng PISTON, MANIBELA, at PUV Phaseout Coalition mula UP Diliman hanggang sa tarangkahan ng Mendiola.

Giit ng mga grupo na maglabas ng Executive order ang administrasyong Marcos Jr. na naglalayong ibasura ang Department of Transportation Department order 2017-011 o ang omnibus franchising guidelines kasama ang memorandum nito.

Mariin din nilang kinondena ang kawalang aksyon ni Marcos Jr. para tugunan ang panawagan ng sektor ng transportasyon hinggil sa PUV Phaseout. Pinabulaanan din ng mga grupo ang pahayag ng ni VP Sara Duterte na nagsabing “communist-inspired” umano ang nasabing pagkilos.

Saad ng mga grupo na tagumpay ang welgang bayan sa kabila ng red-tagging, pananakot, at pandarahas ng kapulisan maging mismo ang nasa nakatataas sa gubyerno. Anila, palalakasin at palalawakin pa nila ang partisipasyon ng mga operator at drayber kasabay ang pagpapalawak din ng mga ipaparalisang ruta sa rehiyon at iba’t ibang mga probinsya.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here