Ilang taon na ang lumipas at ilang State of the Nation Address (SONA) na rin ang nagdaan, iisa pa rin ang panawagang bumabalot sa puso ng mga manggagawa—ang pagkakaroon ng nakabubuhay at disenteng sahod.
Ngunit sa kabila ng pangakong dagdag-sahod, nananatiling mataas ang bilang ng mga manggagawang naghihikahos at walang katiyakan sa trabaho. Maraming Pilipino ang patuloy na umiinda sa mataas na presyo ng mga bilihin at batayang pangangailangan. Habang ang malaking prayoritisasyon ng pondo na inilalagak ng mga nagdaang administrasyon hanggang sa ilalim ni Marcos Jr. ay napupunta lamang sa bayad-utang, imprastruktura, at militar at iba pang ahensyang hindi naman tumutugon sa pangunahing kalbaryo ng manggagawa at batayang sektor.
‘May pera sa giyera, pero sa eskwela wala’

Dumadagundong mula klasrum hanggang lansangan ang panawagan ng mga guro hinggil sa dagdag sahod at benepisyo. Kabilang ang mga gurong sina Ruby Bernardo at Tony Palmero na sumusuporta sa panawagang itaas sa P50,000 sahod para sa mga pampublikong guro sa buong bansa.
‘Walang saysay, barya, barat, at makunat’ kung tawagin ng mga guro ang naturang P50 dagdag na sahod kada buwan para sa mga kagurua batay sa pagpapatupad ng Executive No 64 ng administrasyong Marcos Jr. noong Agosto 2024 para sa mga kawani ng gobyerno.
“Pinagkasya sa kakarampot na dagdag-sweldo ang mga kawaning publiko. Lubhang dehado rin ang mga kawani ng Local Government Units (kabilang na ang mga guro at kawani sa mga Local Universities and Colleges), mga job orders at contractual dahil hindi sila sakop na retroactive na pagpapatupad ng dagdag-sweldo, at nasa 65% lamang ng kakarampot na umentong ito ang maaari nilang matanggap,” pahayag ng ACT Teachers Partylist.
Ayon kay Ruby, tagapangulo ng ACT – NCR Union, siyam sa bawat sampung guro mula Teacher I hanggang III ang umaaray sa kakulangan, kung hindi pambabarat, na pasahod sa mga kaguruan.
“Walang napala yung ating mga guro sa nagdaang EO 64…Sa kabuoan, makikita talaga natin ang pagkalimot o pag-abandona sa sektro ng edukasyon,” ani Ruby.
Ganito na lamang din ang sentimyento ni Tony, tagapangulo ng ACT – Muntinlupa. Aniya, marami sa mga guro ang nababaon sa utang dahil sa patuloy na kagipitang pinansyal na kanilang nararanasan.
“Halimbawa, sinasabi na 32,000 na basic salary ng mga teachers. Pero kapag natanggap namin ito, nasa mga P24,000 na lang, less iyong mga deductions, taxes at GSIS. Paano pa kung may loan? Kaya humahantong kami sa sagad na salaries,” paliwanag ni Tony.
Sa tala ng ACT Teachers Partylist, aabot sa higit 165,000 ang kakulangan sa mga pampublikong klasrum, bilang na kung magpapatuloy ang pambabarat sa pondo sa sektor ng edukasyon ay tatagal pa ng 30 hanggang 55 taon bago tuluyang matugunan.
Tinukoy rin ng unyon ang kawalan ng teaching personnel na aabot sa higit 150,000 para tugunan ang global standard na 35 estudyante kada klasrum.
“May pera sa giyera pero sa eskwela wala. May pera sa korapsyon pero wala sa mga guro at kawani sa sektor ng edukasyon,” dagdag ni Ruby.
Binatikos din ni Bernardo ang implementasyon ng makadayuhang polisiya sa edukasyon tulad ng results-based management system na lalo lamang nagpapahirap sa mga guro at pumipiga sa kanilang mga benepisyo. Aniya, malinaw ang impluwensiya ng dayuhang interes mula sa curriculum hanggang sa patakaran sa larangan ng edukasyon.
Ngayong 2025, higit P594.2 bilyon ang kabuoang alokasyon sa Armed Forces of the Philippines at Philippine National Police (AFP-PNP) batay sa nilagdaang General Appropriations Act (GAA) ng administrasyong Marcos Jr. Sa kabilang banda, bagamat ang sektor ng edukasyon ang sinasabing may pinakamalaking alokasyon ng pondo na P977.6 bilyon, hindi ito nangangahulugang tumutugon para sa sahod at benepisyo ng mga guro. Sa halip, gaya ng nabanggit sa itaas, ay mayroon pang backlog sa usapin ng klasrum, paaralan at iba pang impastruktura.
Maliit lamang din ang porsyento nito sa kabuuan ng Gross Domestic Product (GDP) na humigit‑kumulang 3% at malayo sa rekomendasyon ng United Nations na 6%.
Sa pagsisimula ng 20th Congress, muling inihain nina ACT Teachers Partylist rep. Antonio Tinio at Kabataan Partylist rep. Atty. Renee Co sa ilalim ng Makabayan Bloc ang House Bill 203 na naglalayong itaas sa P50,000 ang buwanang sahod ng mga guro sa pampublikong paaralan sa basic education.
Nauna nang ipinanukala ito sa ilalim palang ng 19th Congress, partikular sa mga layuning:
- Public school teachers sa basic education: mula Salary Grade 11 tungong Salary Grade 15
- Teaching personnel sa kolehiyo: hanggang Salary Grade 16
- Regular non-teaching staff sa elementarya at high school: minimum na sahod na P16,000 kada buwan
Magsusumite naman ng hiwalay na panukala ang Makabayan bloc para sa teaching personnel sa kolehiyo. Bibigyang prayoridad ang paglulunsad ng pulong konsultasyon sa mga ahensya tulad ng Department of Education (DepEd), Commission on Higher Education (CHED), at Department of Budget and Management (DBM) kasama ang mga unyon at organisasyon ng mga guro sa pagbalangkas ng mga patakaran sa implementasyon ng dagdag sahod.
Rightsizing ni Marcos Jr.
Kaakibat ng pagpapatupad ng EO64 hinggil dagdag-sahod ng mga manggagawa sa pampublikong sektor ang kawalan ng seguridad sa trabaho na iniinda ng libo-libong manggagawang kontraktwal.


Isa na rito si Wanda Rose Castillo, isang kontraktwal at kawani ng University of the Philippines at miyembro ng All UP Workers’ Union. Araw-araw siyang bumibiyahe mula Rizal patungong Quezon City para pumasok. Aminado siyang kapos ang kanyang kinikita bilang kontraktwal, ngunit higit pa sa sahod, mas kinatatakutan ni Wanda ang usapin ng katiyakan sa trabaho.
“Mas hindi pa ‘yong sahod yung problema ko,” aniya. “’Yong seguridad pa ng trabaho ko. Kasi may pangamba na baka sa susunod na end ng contract ko ay hindi na ma-renew. Lalo na may rightsizing pang pinroklama si Marcos.”
Matatandaang ipinakilala ni Pangulong Marcos Jr. ang programang “rightsizing” sa kanyang unang SONA noong 2022. Layunin nitong bawasan ang mga “redundancies” at “pahusayin ang performance” sa sektor ng mga manggagawa. Ngunit, ayon sa mga grupo ng manggagawa, ay nagtulak lamang ang naturang panukala sa malawakang tanggalan at pagpapahirap sa kanilang sektor.
Ayon sa Kilusang Mayo Uno National Capital Region (KMU-NCR), aabot sa 80% ang porsyento ng kabuoang manggagawang kontraktwal sa Metro Manila. Tulad ni Wanda, kinakailangan nilang mag-renew ng kontrata kada tatlo o anim na buwan. Ngayong Enero 2025, tinatayang 20.2 milyon ang bahagi ng lakas paggawa sa informal economy batay naman sa datos ng IBON Foundation.
Pinalala rin ang kalbaryo ni Wanda at ng ibang kontraktwal na nagtatrabaho sa pamantasan bunsod ng mga budget cuts.
“Wala na raw pondo ang UP, kaya hindi nila maibibigay ang mga benepisyo na hinihingi ng mga kontraktwal,” dagdag ni Wanda.
Ayon sa 2025 GAA, P22.7 bilyon lamang ang inilaan sa buong UP System. Ito ang pinakamababang badyet na natanggap ng unibersidad sa halos siyam na taon.
‘Pagtuunan ng pansin kaming mga mahihirap’


Sa araw-araw na pag-upo sa makina ng patahian, bumabagabag kay Aida Fet ang usapin kung paano pagkakasyahin ang kanyang kinikita sa mga gastusin ng kanyang pamilya.
Isang solo parent si Aida. Bilang manggagawa, tumatanggap siya ng pakyawan sa kanilang pabrika ng pananahi. Ibig sabihin, nakadepende lamang ang kanyang kita sa dami ng natatapos na produkto, hindi sa haba ng oras na ginugol sa trabaho. Kung kaya sa mga panahong matumal ang order o mabagal ang produksyon, tiyak ang kapos na kita ng mga manggagawang katulad ni Aida.
Sa kabila rin ng mahabang oras ng pagtatrabaho, aminado siyang kulang na kulang ang kita para tustusan ang araw-araw sa kabila ng mataas na presyo ng bilihin.
“May mga estudyante po ako. Kailangan ng pamasahe at baon. Gusto ko pong makapagpaaral, pero kapag kulang ang kita, lahat apektado[…]Madalas po ako nangungutang sa mga kaibigan ko,” aniya.
Sa datos ng Philippine Statistics Authority noong 2016, tinatayang nasa P40,500 kada taon o halos P3,370 kada buwan ang average na kinikita ng mga manggagawang katulad ni Aida, partikular sa sektor ng wholesale embroideries.
Sa naganap na People’s SONA, kabilang si Aida sa libo-libong indibidwal na nagmartsa sa kahabaan ng Commonwealth Ave. sa Quezon City kasama ang kanyang mga kapwa-manggagawa sa unyon. Iyon lamang din ang unang beses niyang pagsama sa isang kilos-protesta.
“Para rin po sa anak ko… gusto ko pong tumaas din sahod ko kasi minsan po kinakapos talaga ako,” saad ni Aida.
Para sa kanya, hindi lang basta “budget” o “sahod” ang usapin: “Gusto ko pong pagtuunan niyang (Marcos Jr.) pansin kaming mga mahihirap.”
‘Tuloy-tuloy na makibaka’
“Hindi lang dagdag. Ang kailangan, pagbabago,” ani Celso Rimas, vice president ng National Federation of Labor Unions sa ilalim ng Kilusang Mayo Uno. Dati siyang manggagawa, at ngayon ay patuloy ang kanyang pagkilos sa hanay ng paggawa.


Bitbit ni Celso ang mga panawagan hindi lang sa dagdag-sahod kundi sa pagwawakas ng kontraktwalisasyon, pagbuwag sa union busting, at pagsunod sa mga pamantayan ng kaligtasan sa trabaho.
Mula Hulyo 18, itinaas sa P695 ang minimum wage sa NCR, batay sa Wage Order No. NCR-26. Para kay Celso, hindi ito sapat.
Sa harap ng anim na pangunahing pangangailangan ng bawat pamilyang Pilipino: pagkain, damit, tirahan, edukasyon, kalusugan, at pahinga, aniya, malayong makatawid ang kasalukuyang minimum.
Ayon sa pananaliksik ng IBON Foundation, kailangan ng hindi bababa sa P1,200 kada araw ang isang pamilyang may limang miyembro.
Tulad ng EO64, inaprubahan ang pagtaas sa P50 arawang sahod ng mga minimum wage earner sa NCR o ang Wage Order No. 26 ayon sa Regional Tripartite Wages and Productivity Board (RTWPB) noong Hulyo 18.
Insulto at tinaguriang “token adjustment” ang naturang dagdag-sahod ayon sa ilang grupo ng mga manggagawa. Ayon sa Defend Jobs Philippines, ang dagdag na P50 ay katumbas lamang ng P39 sa aktwal na halaga ng bilihin. Dagdag pa ng grupo, sa mga pamilyang mababa ang kita, 70% ng kanilang kita ay agad nauubos sa pagkain pa lamang, wala nang natitira para sa upa, kuryente, pamasahe, matrikula, o gamot. Hindi rin anila patas ang pagkakaiba ng sahod sa Metro Manila at sa mga probinsya, kung saan hindi umaabot ang mga wage order ngunit pareho lang ang presyo ng mga pangunahing bilihin.
Ayon kay Celso, nananatiling bangungot ang kakapusan na hindi lang tumutukoy sa pagkain kundi sa kakulangan ng oras at dignidad.
“Minsan, ang libangan na lang ng mga manggagawa sa day off nila ay maglaba,” ani Celso. “Hindi na nga makalabas, wala pang pahinga.”
Higit pa sa kakulangan sa sahod, iginiit ni Celso ang ugat ng problema partikular ang sistematikong pagpapabaya ng estado sa uring manggagawa.
“Wala naman sa isipan nila kung paano magkalinga ng mga nasa laylayan ng ating lipunan,” aniya. Sa paningin niya, ang administrasyon ay nakasandal sa interes ng mga dayuhang monopolyo kapitalista, habang ang manggagawa na lumilikha ng yaman ng bansa ay lalong pinahihirapan at pinagsasamantalahan.
Binigyang diin pa ni Celso ang panawagan laban sa kontraktwalisasyon, ang patuloy na panghaharass at union busting sa mga unyon, at ang pagsulong sa ligtaas at disenteng kondisyon ng mga manggagawa sa ilalim ng Occupational Safety and Health Standards. Aniya, bawat manggagawa ay may karapatang mag-organisa, magtrabaho nang ligtas, at magpahinga nang may dignidad.
Sa kabila ng kawalang-pag-asa sa mga SONA na umano’y “puro kasinungalingan,” hindi nawawala ang paniniwala ni Celso sa kakayahan ng masa na magpanibagong-sigla.
“Tuloy-tuloy pa rin dapat ang pakikibaka kahit na parang hirap. Kasi alam namin, walang patingin sa uring manggagawa ang kasalukuyang administrasyon,” aniya.


“Maayos na hanapbuhay talaga ang mabisang pantiyak laban sa kahirapan at laban sa gutom,” ani Pangulong Bongbong Marcos sa kaniyang huling SONA. Ngunit malinaw sa testimonya nina Ruby, Tony, Wanda, Aida, at Celso ang reyalidad sa mga retorikang ipinamamandila ng kasalukuyang administrasyon.
Higit pa sa mga paulit-ulit na pangako, nagpapatuloy ang pagkilos ng mga katulad nila upang mananawagan ng konkretong aksyon at pananagutan para sa ikahuhusay at ikauunlad ng sektor ng manggagawa.

























