Muling tinuligsa ng iba’t ibang progresibong grupo ang patakarang panlabas at ugnayang militar ng administrasyong Marcos Jr sa idinaos na mga pagkilos sa kahabaan ng Commonwealth Avenue, Lunes, Hulyo 28.
Ang nasabing programa ay bahagi ng malawakang protestang ikinasa para sa People’s SONA o SONA ng Paniningil, kasabay ng ika-apat na State of the Nation Address (SONA) ng administrasyong Marcos Jr.
Anang mga grupo, malaki ang epekto sa pambansang soberanya ng patuloy na pagpasok ng administrasyong Marcos sa mga hindi pantay na kasunduan lalo na sa bansang US.
Tagibang na pag-uusap
Matatandaang isang linggo bago ang SONA ay lumipad ang pangulo sa US upang makipag-diyalogo sa administrasyong Trump. Naging usapin dito ang pagtatakda ng kasunduan sa taripa at usapin tungkol sa pagpapatibay ng ugnayang militar sa pagitan ng dalawang bansa, kabilang dito ang Visiting Forces Agreement (VFA).
Sa kanyang ika-apat na SONA, ibinida ni Pangulong Marcos ang naging pag-unlad di umano ng ugnayang panlabas, kasabay ng pagbibigay-diin nito sa pag-igting ng depensa at diplomatikong pakikitungo ng Pilipinas.
“Nakapaloob ‘yan (VFA) doon sa ating ugnayan o pakikipagkaibigan pangunahin na sa Amerika. Lagi’t lagi, ang ating pangulo ng Pilipinas ay magiging sunud-sunuran ng Amerika dahil sa mga polisiya na ipinapataw simula’t sapul,” pagsalungat ni Ernest (hindi tunay na pangalan) ng Kilusang Mayo Uno – Pasig.


Ipinaliwanag naman ni Patrick, tagapangulo ng Kalipunan ng Kabataang Kristiyano sa Pilipinas (3KP), ang kahalagahan ng pagsipat sa kung anong relasyon ang tunay na umiiral sa pagitan ng Pilipinas at US na nakakaapekto sa pag-unlad ng bansa.
“Magpahanggang ngayon ay nananatiling balakid at pasanin sa mga Pilipino ang ganitong relasyon. Sapagkat hindi makatarungan, hindi makatwiran ang ganitong klaseng relasyon. Hindi lang sa usaping pang ekonomiya. Nasaksihan din natin yung pangingialam ng Estados Unidos sa usaping militar dito sa Pilipinas, lalo na sa pag-igting ng Visiting Forces Agreement, sa pagpapatayo ng mga base militar at pagpapaigting ng war against human rights defenders,” saad niya.
Mapaminsalang epekto


Ibinahagi ni Jannah Cordovez ng Karapatan NCR ang posibleng kahihinatnan ng patuloy na pagpapatupad ng VFA para sa mga kabataan. Aniya, nakababahala ang patuloy na pagbibigay prayoridad sa EDCA sites at militarisasyon imbis na pagtuunan ng pansin ang iba pang mga hamong kinakaharap ng kabataan tulad ng pagtaas ng bilang ng out-of-school youth, mga pag-atake sa mga komunidad ng lumad at maralita, at iba pa.
Para sa kanya, may epekto ang pagpasok ng Pilipinas sa kasunduang militar sa US at pagpapatupad ng VFA sa paglala ng tensyon sa bansang China lalo na sa teritoryo ng West Philippine Sea (WPS). Aniya, maaaring maramdaman ng kabataan ang epekto nito kapag pinatupad na ang Mandatory Reserve Officers Training Corps (ROTC).
“Ginagawang reserba ‘yung mga estudyante natin imbis na malayang nag-aaral, malaya sa takot, malayo sa karahasan,” saad ni Jannah.
Para naman kay Fernando Hicap, tagapangulo ng Pamalakaya Pilipinas, ang pambansang pederasyon ng mga namamalakaya sa bansa, ang mga mangingisda ang isa sa unang nakakadama ng epekto ng ganitong mga kasunduan lalo na para sa mga nangingisda malapit sa WPS.
“Halimbawa, kapag merong inilulunsad na joint military exercise sa ating bansa, nagpapatupad sila [ang US] ng no-sail zone. Ang no-sail zone ay bawal mangingisda, bawal maglayag ang mga mangingisda. Kaya apektado yan. Kaya yung China [naman] nagpapatupad ng no fishing zone, mangingisdang Pilipino rin ang apektado. Yung Amerikano, kapag naglunsad sila ng military exercise sa West Philippine Sea, Pilipino rin ang mga mangingisda ang apektado,” ani Hicap.
Tinuligsa rin ng grupo ang planong pagtatayo ng pagawaan ng armas at warehouse sa Pilipinas bilang bahagi ng napagkasunduan ng administrasyong Marcos at Trump mula sa kanilang nakaraang dayalogo.
Dagdag ni Hicap, nagiging hamon din ang kawalan ng katiyakan sa mapayapang solusyon sa sigalot sa West Philippine Sea sa pagtiyak ng seguridad sa pagkain.
“Ang mga pangisdaan natin, lalo na ang panunumbalik [ng sundalo] sa Subic Bay, ay posibleng maapektuhan at masira dahil sa waste materials mula sa produksyon ng bala, na maaaring magdulot ng toxic na kontaminasyon sa lugar. Ganoon din ang posibleng epekto sa Oyster Bay sa Palawan, na kinikilala mismo ng UNESCO bilang isang protektadong lugar. Napakayaman sa yamang-dagat ang Oyster Bay at matagal nang pinagkukunan ng kabuhayan ng mga Pilipinong mangingisda. Kung matutuloy ito, magdudulot ito ng dislokasyon at lalong paghihirap sa ating mga mangingisda,” paliwanag ni Hicap.
Giit ng Pamalakaya, hangga’t nananatili ang pakikialam ng Estados Unidos sa pamamagitan ng mga alyado tulad ng Japan, Australia, at Canada, hindi nagkakaroon ng tunay na independenteng posisyon ang Pilipinas.
Nagpapatuloy na panawagan
Para sa mga grupo, atake sa soberanya ang bunga ng mga patakarang panlabas at ugnayang militar ng administrasyong Marcos.
“Ginagahasa ang ating mga likas na yaman at [mayroong] dislokasyon sa ating maralita. Lahat ng lugar ng kanilang VFA o Visiting Forces Agreement ay nasisira,” pahayag ni Ernest.
Dagdag niya, sakali mang may sumiklab na sigalot sa pagitan ng giriang US at China, Pilipinas ang malalagay sa kompromiso.
Hinimok din ng mga progresibong grupo ang mga mamamayan na manindigan para sa pambansang soberanya.
“Dapat maging mapagbantay ang mga Pilipino, hindi nila dapat payagan ang dominasyon ng ibang mga dayuhan sa Pilipinas. Dapat […] ilabas iyong makabayang paninindigan ng mga mamamayan. Labanan iyong interbensyon na ginagawa ng Amerika sa Pilipinas. Dapat mawakasan na ang pagpapakatuta ng gobyerno natin sa Amerika,” saad ni Ernest.





























