“Convict! Convict! Convict Sara Now” sigaw ng iba’t ibang progresibong grupo ng kabataan at mga estudyante, sa pangunguna ng One Taft Alliance, na nagkilos protesta sa labas ng Korte Suprema upang kondenahin ang desisyon ng mataas na korte na ibasura sa impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte.
Sa inilabas na desisyon noong Hulyo 25, unanimous ang desisyon ng Korte Suprema sa botong 13-0 laban kay VP Duterte dahil sa paglabag umano sa one-year rule ng Saligang Batas.
Ayon sa mga nagprotesta, ang pagbasura sa kaso ni VP Duterte ay isang malaking sugat sa sistema ng hustisya sa Pilipinas, na kanilang tinawag na sira at bulok.


“Itong Korte Suprema, ang hukuman ng bayan na dapat ay alam ang tama at mali. Bulok na bulok ang pagtingin. Akala ba nila na kaya nila lokohin ang mga mamamayang Pilipino? Naloloko ba tayo ng Supreme Court? At patunay po ang aming pagkilos ngayong umaga na kami po ay nananawagan na pakinggan ang mamamayang Pilipino,” ani Kyla Benedicto ng League of Filipino Students National Capital Region (LFS-NCR)
Anila, pinaiigting din ng naturang desisyon ng mataas na korte ang kultura ng impunidad, kung saan ang tinukoy na pawang mga appointee ni Rodrigo Duterte, ama ni Sara, ang kasalukuyang mahistrado ng Korte Suprema.


“Ganito kabulok ang sistema ng hustisya sa ating bansa kahit milyon milyon ang ninakaw ni Sara Duterte ay nagawa nila itong palampasin dahil sa kanilang pagkatuta,” saad ni Ivan Lance Punzalan ng Kabataan Partylist NCR.
Ibinasura ng Korte Suprema ang impeachment complaint laban kay VP Duterte batay sa due process at sa pagpapatupad ng one-year bar rule ayon sa Saligang Batas. Ngunit nagpahayag naman ang ilang legal expert, mambabatas at iba pang grupo ng misinterpretation sa desisyon ng Korte na tumataliwas sa sarili nitong jurisprudence, partikular sa aplikasyon ng one-year bar rule at sa proseso ng pagtanggap ng reklamo ng Kamara.
Sa isang panayam, ipinaliwanag ni Atty. Julian Agpalo ng National Union of Peoples’ Lawyers (NUPL) na ang pangunahing layunin ng probisyon sa Konstitusyon ukol sa impeachment ay panatilihin ang pananagutan ng mga pampublikong opisyal sa taumbayan.
“The very provision kung bakit available siya sa constitution is to hold public officials accountable to the people. That is a legal maxim. That’s a time-honored na guidelines principle na public office is a public task,” ani Atty. Agpalo.
“Kung merong basis yung impeachment or may ginawang kamalian ang isang impeachable public officer, regardless sa kung posisyon niyan. It will send a very strong message to all the other officials,” dagdag niya.
Ayon sa NUPL, ang pagtukoy na “unconstitutional” sa naturang impeachment complaint ay kwestiyonable kung pagbabatayan na rin ang naunang desisyon sa Francisco v House of Representatives (2003) kung saan magsisimula lamang ang pag-abante ng kaso kapag na-refer na ito sa House Committee on Justice.
Sa kaso ni VP Duterte, ang unang tatlong reklamong inihain noong 2024 ay hindi pinagbotohan o na-refer sa komite. Tinukoy ng mga eksperto na hindi dapat maging bahagi ng “filed complaints” lalo kung wala namang pormal na proceedings hinggil dito.
“Nanatili pa rin ang imperialidad sa pagmamalabis at pagwawaldas ng pera ng taong bayan kaya nakikita natin ang sabwatan ng mga institution, ng mga bulok, na mga namamahala sa ating bayan, sa liderato ng ating bansa, at sa liderato ng senado,” ani France Castro ng Makabayang Koalisyon ng Mamamayan at dating representative ng Act Teachers Partylist.
Binigyang-diin ni Castro na mula pa noong 2023 ay nailantad na ang maanomalyang paggamit ng confidential funds ni VP Duterte na puno ng katiwalian, dahilan kung bakit naisampa ang impeachement at nagpapatuloy ang panawagan ng mamamayan para itulak ang pagpapatuloy nito.
“Dinelay, pinatagal ng senado ang dinahilan nito ay ang paulit-ulit na sinasabi ni Marcos na ayaw niya ang impeachment…Kaya sino ang dapat na sisihin kung bakit nagkakaroon ng delay sa pagpapanagot sa impeachment? Si Marcos ang liderato ng senado dahil inuna pa yung mga personal na posisyon, personal na interes laban sa hustisya. Ang Supreme Court naman ay inuna pa ang kapakanan ni Sara Duterte kaya pinabago-bago yung mga rules, binago yung nasasaad sa Konstitusyon,” dagdag niya.
Noong Nobyembre 2024, tinawag ni Marcos Jr. na isang “storm in a teacup” ang impeachment laban kay VP Duterte at tinukoy lamang bilang isang maliit na isyu na pinalalaki ngunit wala namang makabuluhang epekto sa bansa.
Mula nang umusad ang impeachment proceeding sa Mababang Kapulungan noong Pebrero, umabot pa ng dalawang buwan bago ito nabasa sa Senado. Abril 8 na ito isinama sa agenda at noong Hunyo 10 lamang sinimulan ang pormal na pagdinig, Sa halip din na ituloy ang paglilitis, sa pangunguna ni Senate President Chiz Escudero, ibinalik pa sa Kamara ang kaso na lalo lamang nagpatagal sa proseso ng impeachment.
Para sa mga kritiko, lalo na sa mga kabataan, ito ay sabwatan ng mga politiko at institusyon ng Senado at Korte Suprema.
“Hamon na itong (desisyon) sa atin bilang mga aktibista ay palakasin pa itong pagpapaingay sa kamalian ng pagtingin ng Supreme Court na unconstitutional yung impeachment process kay Sara Duterte at kailangan ay hingin talaga natin na dapat lang (siyang) tanggalin at panagutin,” ani Benedicto.
Hindi naman natapos lamang ang pagkilos sa Korte Suprema dahil tumungo rin ang bulto sa People’s SONA na inilunsad kasabay ng ikaapat na State of the Nation Address ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos sa kahabaan ng Commonwealth Ave. sa Quezon City.
“Si Marcos Jr. siya ang una-unang nagpapahintulot ng kultura ng impunidad ng pagkatakas sa pananagutan ng korapsyon mula pa nung nanungkulan ang kaniyang tatay. Gusto niya makipag away sa mga Duterte pero sila mismo napakaraming kasalanan,” ani Benedicto.
“Tayo ang magsisilbing hukom, at gagamitin natin ang buong lansangan para gawing korte,” pagtatapos ni Castro.





























