Ngayong Oktubre 16, ginugunita sa ika-40 taon ang Pandaigdigang Araw ng Pagkain. Ngunit para sa grupo ng mga pesante, mangingisda, at manggagawa, ngayon ay ang Araw ng Kagutuman—araw kung kailan kanilang ikakalampag ang sitwasyon ng mamamayang Pilipino sa gitna ng malawakan at papalalang kagutuman, malnutrisyon, at kahirapan sa bansa.

Saad ng AMIHAN National Federation of Peasant Women, grupo ng mga pesanteng kababaihan, binabalikat ng maraming maralitang magsasaka, at konsyumer ang palpak na tugon ng administrasyong Duterte sa pandemya na naging sanhi rin ng umiigting na kagutuman sa malaking bilang ng mga pamilyang Pilipino.

“World Food Day ngayon pero maraming walang makain, pati na rin ang lumilikha ng pagkain,” ani Cathy Estavillo, secretary-general ng AMIHAN.

Umabot sa 4.2 milyong Pilipino ang patuloy na nagugutom ayon sa sarbey ng Social Weather Stations noong Mayo 2021.

Banggit pa ni Estavillo na dagdag-pasanin din ng mamamayan ang kawalang trabaho at ayuda mula sa pamahalaan, kasabay ng pagbulusok ng presyo ng mga bilihin.

Ngayong Agosto 2021 din naitala ang pinakamataas na inflation rate magmula Enero 2019 na umabot sa 4.9%.

Patakarang neoliberal – bagsak presyong bigas, importasyon ng isda

Bitbit ang kaldero, tingga, at iba’t ibang gamit pampaingay, sama-samang nangalampag ang grupo ng mga magsasaka, mangingisda, at manggagawa sa NEPA Q-Mart sa Quezon City sa paggunita ng Araw ng Kagutuman.

Naunang nagsagawa ang mga grupo at kanilang tagasuporta ng isang bike rally protest na tinawag nilang “Padyak Pesante Kontra Kagutuman” mula Department of Agriculture hanggang sa nasabing pamilihan.

Mariin ang kanilang pagkundena sa mga tinatawag na neoliberal o anti-mamamayang patakarang isinulong ng administrasyong Duterte sa nagpapatuloy na tipong “import-dependent, export-oriented” na moda ng produksyon sa bansa. Anila, ito rin ang lantarang manipestasyon ng pagkitil o hindi pagtangkilik sa mga produktong lokal.

Ang Rice Liberalization Law o Republic Act 11203, at ang Executive Order No. 134 and 135 ang mga binansagang anti-magsasakang palisiya na layong bawasan ang mga taripa at pagdagsa ng imported na bigas at karne.

Umaaray ang mga magsasaka sa Iloilo kung saan pumapatak sa P9 kada kilo ang presyo ng mga palay. Gayundin sa Oriental Mindoro na P10 kada kilo at P14 sa iba pang mga probinsya.

Banggit ni Estavillo na ilan lamang ito sa matinding epekto ng RLL sa mga magsasakang gumagawa ng pagkain ngunit sila itong walang makain bunsod ng mababang kita, labas pa sa kawalan ng ayuda na dapat ibigay ng pamahalaan.

Itinampok naman ni Ronel Arambulo ng PAMALAKAYA ang epekto ng malalang importasyon sa hanay naman ng mga mangingisda.

“Nakakalungkot na ang abot-kayang pagkaing isda, tulad ng galunggong ay hindi na ito kayang bilhin dahil napakamahal na nito,” pagbabahagi ni Arambulo

Sa pamilihan, papatak sa halos P480 kada kilo ang presyo ng galunggong. Samantalang sa halagang P60 lamang ito nabibili direkta sa mga mangingisda.

Dagdag ni Arambulo, dapat magsagawa ng imbestigasyon dito ng Department of Agriculture (DA) sa pamumuno ni Willian Dar.

Aniya, mainam na bilhin ng DA ang mga produkto sa kanilang mga mangingisda nang sa gayon ay hindi na dadaan pa sa mga traders kung saan halos pito ang ginagawang patong o dagdag-presyo sa binarat na bili ng mga ito sa mga mangingisda.

Ngunit, anila, hindi ito ang naging tugon ng DA.

Matatandaang noong 2018 ay nag-import ang Pilipinas ng 17,000 metriko-toneladang isda. Isang taon makalipas ay umabot sa 45,000 metriko-tonelada ang inimport at ngayong Agosto lamang ay 60,000 metriko-toneladang isda ang muling inaprubahan ng DA para solusyonan umano ang kakulangan ng produksyon ng isda.

“Lugi ang mga mangingisda at napipilitan kaming ibenta ito nang mas mura dahil hindi ito makasabay sa presyong imported,” pahayag ni Arambulo.

Bansang nakapagsasarili

Saad ng Anakpawis Partylist, kung tutuusin ay hindi dapat problema ng bansa ang usapin sa produksyong pang-agrikultura at palaisdaan at tiyak na mapapakain nito ang malawak na mamamayang Pilipino.

“Paulit-ulit na lang na band aid solution na importasyon ang ipinapatupad, na sa long term, ay nakasasama sa ating mga local producers. Kitang kita natin ang epekto ng importasyon sa kabuhayan ng mga magsasaka ng palay, at mga mangingisda ng galunggong, na lalong binabarat ang mga farm gate prices,” saad ni Ariel “Ka Ayik” Casilao, Anakpawis Partylist National President.

Lupa, sahod, trabaho, tirahan, at karapatan ang bitbit ng Anakpawis maging ng iba’t ibang sektor ng maralita, manggagawa, magsasaka, at mangingisda.

Anila, nakapaloob dito ang pagpapatambol sa pagkakaroon ng tunay na reporma sa lupa, pambansang industriyalisasyon, pagtataguyod ng P750 national minimum wage, pagwawakas sa kontraktwalisasyon, makataong pabahay para sa maralita, at pagpapahusay ng iba’t ibang serbisyong panlipunanng tutugon sa kalusugan, edukasyon, at transportasyon.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here