Naglunsad ng online rally at cultural night ang Sining Bugkos na may temang “Tumindig at Lumaban, Tumindig at Lumaya” sa Facebook Live noong ika-4 ng Setyembre taong kasalukuyan.
Naging paksa ng programa ang layunin ng sining at kultura sa kabila ng mga atake, malawakang distorsyon at disimpormasyon, at panre-redtag sa ilalim ng administrasyong Marcos Jr. kasama ang National Task Force to End Local Communist and Armed Conflict at National Intelligence Coordinating Agency lalo na sa programang ikakasa nitong tinawag na “’Artist for Nation Building: Standing Up for the Future – A Vision of Peace and Justice’.
“Makikita talaga natin na walang pakialam yung NTF-ELCAC, administrasyong Marcos Jr. at yung iba pang ginagamit niyang institution para man red-tag sa sining at kultura pati na rin sa sambayanang pilipino. Sa halip na dapat nilang gawin ay ibigay yung pondo at magamit sa sining, sa edukasyon para itaas yung kahirapan at hindi na maghirap yung sambayanan pero gagamitin pa nila sa pandarahas.” saad ni Aaron Gutierrez mula sa Sining Bugkos.
“Huwad ang tinutukoy nilang peace and justice dahil kung nakikita nga sa kasaysayan ng NTF-ELCAC ay wala naman silang ginawang kundi magkalat ng masamang impormasyon at red-tagging kaya ang tinutukoy nilang kapayapaan ay tahimik na lahat ng pilipino hindi nagcri-criticize, hindi naglalaban kundi sunod-sunuran lang kahit pinagsasamantalahan na ng kasalukuyang administrasyon,” banggit naman ni Rafael Mendoza mula sa Liga ng Kabataang Propagandista.
#ArtistaHindiTerorista
Iba’t ibang indibidwal at organisasyon ang mga naging bahagi ng programa. Bukod sa mga pagtatanghal ng musika at spoken word ay nagpahayag din ang mga ito ng mensahe ng pakikiisa sa panawagan ng mga artista ng bayan na buwagin ang NTF-ELCAC, iredirehe ang planong P10 bilyong badyet nito sa serbisyong panlipunan, at kundenahin ang patuloy na manipulasyon at pangongondisyon ng kasalukuyang administrasyong Marcos Jr.
Nagtanghal ang Sining Bugkos ng mga kanta tulad ng “Bungkal” at “Tikom” na naglalarawan ng pang-aabuso, pagsasamantala, at pagyurak sa karapatang pantao ng mga magsasaka maging ang ordinaryong mamamayan.
Isang spoken word performance naman ang itinanghal nina Daniel Lagarto at Thomas Dela Cruz na may titulong “Walang Panginoon ang Lupa” at “Wikang Pangtuklas at Wikang Paglikha.”
“Ang sining ay tapat at mapagpalaya, ito ay sumasalamin sa mga saloobin, damdamin at karanasan ng isang tao, ang musika at iba pang uri ng sining ay instrumento ng malayang pagpapahayag na hindi dapat inaabuso at paggamit sa pagpapakalat ng maling impormasyon, ang sining ay isang sagradong paninindigan na may kakayahang pumukaw ng damdamin at mag-impluwensya sa pag iisip at pagkilos ng isang tao,” ani Nicole Abuda isang singer-songwriter.