Sa bawat paglalakbay na tinatahak ng mga Pilipino, may isang saksi sa lahat ng kanilang mga karanasan—ang dyipni. Sa kada pihit ng kambyo, tunog ng busina, at ikot ng gulong, binibigyang buhay ng mga dyipni ang mga tila’y malumanay na kalsada sa Pilipinas. Hindi lamang mga pasahero ang dinadala ng mga simpleng sasakyang ito, maging ang kuwento ng bayan—ang ating kasaysayan at kultura, mga bagay na makapagsasabing Pilipino tayo.
Itinuturing na Hari ng Kalsada sa kasaysayan ng transportasyon ang mga dyipni o mas kilala sa tawag na dyip. Sa mahabang biyahe nito, hindi maitatangging narating na nito ang pinakamalapit at pinakamalayong lugar sa bansa. Naihatid na rin ang iba’t ibang mukha, hugis, at antas ng pagka-Pilipino. At ngayon, sa banta ng modernisasyon sa kanilang hanay, mahalagang makisakay sa kanilang takbo.
Kasaysayan ng Dyip
Matapos ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig, nagbukas ng bagong yugto sa kasaysayan ng transportasyon sa Pilipinas—nagsimula ang unang biyahe ng mga dyipni tungo sa pagiging bahagi ng pang-araw-araw na buhay ng mga Pilipino.
Ang mga unang jeepney ay nabuo mula sa mga lumang jeep ng militar ng mga Amerikano, mga Willys MB at Ford GPW na binili o ipinamigay sa mga Pilipino. Ito ay naging solusyon sa kawalan ng sasakyan pagkatapos ng digmaan, na nagdulot ng malaking pinsala sa industriya ng transportasyon sa bansa. Sa paglipas ng panahon, nagsimula ang pagbabago at pag-unlad ng disenyo ng jeepney, mula sa simpleng porma ng sasakyang pang-militar patungo sa mga mas kakaibang anyo at gamit na makikita natin ngayon.
Mula sa ating kasaysayan, ang jeepney ay hindi lamang isang sasakyan, ito rin ay isang simbolo ng pag-angat ng bansa mula sa pinsala ng digmaan. Ito ay nagpapakita ng determinasyon at kagitingan ng mga Pilipino na baguhin ang masamang karanasan ng digmaan tungo sa isang mas maganda at maunlad na kinabukasan. Ito ay patuloy na naglalarawan ng pagsisikap at pagtitiyaga ng mga Pilipino sa harap ng mga pagsubok at hamon ng buhay.
At ngayon, ang jeepney ay hindi lamang isang uri ng transportasyon, hindi lamang ito kabuhayan, ito ay isang bahagi na ng kultura, pamana at kasaysayan ng Pilipinas na pilit binubura sa ngalan ng modernisasyon. Ito ay bahagi ng ating identidad—at kasama sa tangkang phaseout ng jeepney ang pagtatangka ring burahin na naman ang isang bahaging ng ating pagkatao at pagka-Pilipino.
Kulturang Pinoy sa Takbo ng Dyip
Isang pambihirang ekspresyong pansining ng sambayanan ang mga dyip. Makikita mula labas hanggang loob ang tatak-Pinoy na imahe.
Sa labas ng dyip, litaw na litaw ang makukulay nitong pintura at disenyo na nagmimistulang hardin sa rikit. Istatwa ng nag-uunahang kabayo ang kalimitang nasa ibabaw ng takip sa makina, simbolo marahil nang tulin at bilis. Sa paligid naman nito nakapinta ang iba’t ibang mukha ng mga kapamilya, sikat na personalidad, tanawin, at watawat ng iba’t ibang bansa. Nakasulat din ang mga pangalan na may kaugnayan o malapit sa drayber. Sa likurang bahagi, maaaring may nakasulat na katagang “katas” na sinusundan ng bansa, lugar o gawain. Halimbawa nito, Katas ng Saudi at Katas ng OFW, manipestasyon ito ng pagsisikap upang makabili o magkaroon ng sariling sasakyang pangnegosyo.
Sentro ng dyip ang altar o rosaryo na nagsisilbing gabay upang maiwasan ang lubak ng buhay.
Nagkalat din sa loob ng dyip ang mga mumunting karatula na tila tulaan na nagpapaalala sa mga mananakay sa dapat ikilos o gawin sa loob. Nariyan ang “Bayad muna, Bago baba”, “Hila mo, Hinto ko”, “God Knows, Hudas Not Pay”, at marami pang iba.
Malakas ang dyip. Sa mga probinsya, ito ay may kapasidad na higit sa inaasahan. Nakapagkakarga sa gitnang espasyo hanggang sa estribo tulad ng mga gulay, sako ng bigas, alagang hayop, at iba pa.
Malawak ang tagapakinig sa loob ng dyip. Hindi maitatatwa na isang malaking entablado ito na may tagapagkuwento at tagapakinig. Samu’t saring naratibo habang humahataw at naiipit sa gitna ng trapik ang mga maririnig sa dyipni.
Hindi rin mawawala ang kultura ng bayanihan at kolektibong pagkilos sa loob ng dyip. Nariyan ang pag-abot ng mga bayad at sukli mula sa pinakadulo hanggang makarating sa drayber. Nakikisigaw rin tayo ng para sa mga pagkakataon na hindi naririnig ang pagpapahinto sa takbo. Nakikibuhat at nakikiusod din tayo ng mga dambuhalang gamit ng pasahero para makapasok sa pinakalooban ng dyip. Kahit hindi magkakakilala, sama-sama sa pagkilos upang itawid ang pangangailangan ng bawat isa.
Siyempre, hindi lamang magagandang kuwento ang lumalarawan sa dyip. May mga kuwento ng pagkayamot sa drayber dahil sa ugaling siga sa kalsada. Ilan sa kanila ay walang sinusunod na batas, dumadampot ng pasahero kung saan-saan, sumisingit sa kahit masikip, humihinto kahit saang sulok, humahagibis kahit lubak, at nakaririnding mga stereo.
Sa kabila nito, hindi maipagkakaila na ang dyip ay ang Pambansang Transportasyon ng Pilipinas. Kahit saang sulok ng bansa ay may makikita tayong dyip na pumapasadang ihahatid tayo hanggang sa dulo. Dahil dito, nakuha na rin ng dyip ang bansag na “Hari ng Kalsada.”
Ngunit, sinu-sino nga ba ang mga nagpapatakbo sa mga tinaguriang “Hari ng Kalsada?” Anu-ano ang mga kuwento nila, lalo na ngayong nanganganib ang kanilang pamumuhay sa banta ng modernisasyon?
Kuwentong Drayber, Hindi Kutsero
“26 years ako sa abroad…itong jeep na ito katas ng Saudi ito eh. Binili ko itong jeep na ito para sa mga anak ko.” ani tatay Eddie, 79 taong gulang na drayber.
“Ang problema noong tinanong nila kami kung magkano ang costing at sinabi kong P600,000 eh biglang sabi na agad sa akin wag iyan, wag iyan ifocus sa midya dahil walang kikitain diyan, maliwanag na sinabi sa akin iyan (ng DOTr),” ayon naman kay tatay Romeo na nagmamaneho ng locally modernized jeepney.
“Hindi tayo tutol sa modernisasyon, tutol tayo sa hindi patas na transition at consolidation,” pagbabahagi naman ni Rommel.
Lahat sila ay may magkakaugnay na naratibo. Lahat ay may pangangamba. Lahat ay may hinaing, may dalamhati. Lahat ay apektado.
Sa banta ng modernisasyon, hindi lamang ang kultura at pagkakakilanlan ng mga Pilipino ang mawawala, kung ‘di pati na rin ang pinagkukunan ng pangkabuhayan ng libo-libong mga pamilyang Pilipino. Isang kahig, isang tuka na nga ang kanilang kalagayan ay para bang mawawalan at huhubaran pa sila ng dangal. Mga pangarap na mahihinto, mababaon sa lubak ng utang, hanggang sa hindi na makausad sa takbo ng buhay.
Lahat apektado. Hindi lamang ang mga drayber ng dyip, pati na rin ang mga pasahero—mga pasaherong naihatid ng dyip sa kanilang mga pangarap, sa trabaho, sa paaralan, at sa bawat dako ng bansa.
Ang mga ito’y hindi kuwentong kutsero. Lahat ito ay katotohanan—mga kuwentong isinasabuhay ng bawat drayber at bawat pasahero. Lahat ay apektado sa banta ng modernisasyon.
Dyip sa Banta ng Modernisasyon
Hindi masama ang pagyakap sa modernisasyon. Sa pamamagitan nito mas napapaganda ang buong itsura at kakayanan dahil sa paglalagay ng mga makabagong teknolohiya upang makasunod sa pagbabago.
Ilan sa mga pagbabagong inaasahan sa modernisasyon ay ang pagbabawas ng pagbuga ng mga usok na diumano’y nanggagaling sa mga lumang dyip. Ito rin ay mayroong mas malaking kapasidad na maaaring magsakay ng mas marami pang pasahero. May mga kamera na nakatutulong sa pag-monitor sa mga pasahero. Mababawasan din nito ang paggamit ng langis na nagdudulot ng maruming hangin.
Sa kabila ng magandang plano at pangako ng pagbabago, mahalagang hindi sila mabaon sa utang para lamang makasabay sa modernisasyon. Kung ganito ang magiging sistema, binabiyahe lamang nila ang daan tungo sa kahirapan.
Nananawagan sila ngayon upang sila ay muli nating samahan sa kanilang biyahe. Humigit kumulang 600,000 na mga drayber ang nagtataguyod sa ating mga komyuter araw-araw. Hindi lang dalawa o tatlo ang kailangan para umandar ang kanilang panawagan. Ngayon, walang limitasyon sa maaaring sumama papunta sa ruta ng pag-unlad. Tulungan natin silang ikutin ang manibela para makatungo sa isang pagbabagong walang naiiwan.
Malawak pa rin ang bilang ng mga mamamayang umaasang maihahatid at maiuuwi ng dyipni. Ito pa rin ang maaasahang sasakyan ng mga ordinaryong Pilipino. At sa panahong hindi na tayo maitatawid ng mga dyip dahil sa banta ng modernisasyon, hahantong ito pagkaputol sa ating sariling ugat at kultura bilang mga Pilipinong mananakay.
Malinaw na bahagi ng institusyon at kulturang Pilipino ang dyip.
At sa kanilang laban sa modernisasyon, sikapin nating hindi lang sa pasada nila tayo makakasama.