Pananda. Ito ang nagsisilbing marka ng isang bagay, lugar, at pangyayari.
Kadalasang nakikita ang mga pananda sa mga mahahalagang imahe at lugar, maaaring kultural o historikal. Madalas, ito rin ay nagbibigay ng direksyon na makikita sa mga kalsada, kalye, o eskinita.
Datapwat, hindi nagtatapos dito ang silbi ng mga pananda, sapagkat isa sa pinakamahalagang layunin nito ay ang magbigay pagkakakilanlan. Halimbawa, naghuhumiyaw ang mga pananda upang magbigay ng eksklusibong katangian sa nasabing lugar— Seafood Capital ang Capiz, Summer Capital ang Baguio, White Sand Beach ang Boracay, Dolomite Beach sa Maynila, at iba pa.
Ngunit, paano na kung sapilitang binago ang isang pagkakakilanlan?
Ito ang suliraning kinaharap ng Agham Road nang ito ay gawing Senator Miriam P. Defensor-Santiago Avenue sa bisa ng Republic Act 11963.
Inisyal na ipinasa ang panukalang-batas sa House of Representatives noong Marso 21, 2023, at sa Senado noong Agosto 14 ng parehong taon. Sa kabila ng kaliwa’t kanang puna mula sa komunidad ng Philippine Science High School – Main Campus (PSHS-MC) na matatagpuan sa Agham Road, 283 na kinatawan pa rin ang bumotong pabor sa pagpapalit ng pangalan. Ni isa ay walang kumontra.
Dahil hindi inaksyunan at pinirmahan ng pangulo ang panukalang-batas sa loob ng 30 na araw mula sa pagkakapasa nito, opisyal itong naging batas noong Oktubre 12, 2023, at tuluyang naging Senator Miriam P. Defensor-Santiago Avenue ang dating Agham Road at BIR Road.
Karangalan o Kaepalan?
Ayon kay Juan Miguel Zubiri, Pangulo ng Senado, ito raw ay isang paraan upang bigyang-pagkilala ang mga nararapat na mabigyan nito, at isa na nga rito ay ang dating Senador Santiago. Kilala ang yumaong senador sa kanyang 18 taong pagsisilbi bilang isang mambabatas, kasama pa ang kanyang tatak na awtoritibo at empatikong pananalita sa Senado.
Subalit, nakalimot ba si Senador Zubiri at iba pang mambabatas sa tunay na layunin at ipinaglalaban ng yumaong senadora?
Isa si Santiago sa mga nanguna sa Anti-Epal Bill, kung saan ipinagbabawal ang pagpuri sa mga opisyal ng gobyerno, hinalal o hinirang, sa pamamagitan ng paglagay ng kanilang mga pangalan o mukha sa mga inasyatibong pinondohan ng gobyerno katulad ng mga programa, proyekto, o mga pagpapananda ng mga kalsada.
Ayon kay Santiago, sa pamamagitan daw ng Anti-Epal Bill ay matutuligsa ang matagal nang suliranin na political patronage at korupsyon sa bansa.
Dahil dito, hindi kaya mas mabalisa kaysa matuwa ang yumaong mambabatas sa “karangalang” ibinigay sa kanya na siya mismo ang nangungunang tumutunggali.
Hindi Maliit na Bagay
Hindi lang ito tungkol sa kalsada. Ito ay usaping kultural.
Ang pagpapalit ng kilanlan sa panandang Agham Road ay pagsasawalang-gunita sa mga alaalang iniwan ng ilang henerasyon ng mga iskolar, manggagawa, at residente nito. Nadamay rin ng pagpapalit ang pagbibigay-inspirasyon ng Agham Road sa mga siyentista at kabataang naghahangad na maisabuhay ang agham at teknolohiyang naglilingkod para sa bayan.
Ang Agham Road ay nagsilbing tahanan sa iba’t ibang komunidad kasama na ang PSHS-MC sa halos 54 taon, ngunit ni isang beses ay hindi ito nilapitan at pinakinggan ng mga kinatawan habang binubuo ang panukalang-batas.
Ang pagpapalit-pangalan sa Agham Road ay hindi maliit na bagay. Ito ay pananda sa kawalang-muwang ng mga mambabatas sa tunay na isyu ng lipunan na kung saan inilalaan nila ang kanilang oras at panahon sa mga bagay na hindi kagyat na pangangailangan ng bayan. Mas marami pang problemang dapat kinakaharap kumpara sa pagpapalit ng pangalan.
Ito ay pananda na hindi pa tapos ang pagtindig at pagkrusada laban sa mga mapang-abuso at mapanlinlang sa bayan na binigyang-diin ni Senador Santiago. Sa pagpapalit ng pangalan, hindi na lamang kahusayan sa agham ang indikasyon ng kalye, kundi ang mahabang prinsipyo ng dating Senador laban sa mga mapang-abuso sa kapangyarihan.
Ang paaralan ay pananda na magpapatuloy ang mga boses na nagsimula sa ating tahanan — ang Agham Road.