Nagdaos ng kilos-protesta ang mga residente ng Manggahan Floodway sa harap ng Pasig City Hall, Setyembre 7 ng umaga para ipanawagan ang pagpapalaya sa 41 nakadetine kaugnay ng tangkang demolisyon. Araw din ng Huwebes noong nakaraang linggo ang naudlot na demolisyon at ipinatupad na marahas na dispersal at panghuhuli ng Pasig City Police sa mga residenteng nagbarikada laban sa demolisyon.
Matapos ang isang linggong pagkakakulong ng 31 matanda at walong bata ay saka lang nakapaglabas ng resolusyon sa reklamong isinampa ng mga pulis na humuli sa mga residente. Kinasuhan ng illegal assembly ang 31 nasa tamang gulang, habang 4 sa kanila ay may dagdag na kaso na direct assault. Ang walong menor de edad naman ay nirekomendahang ng ‘diversion program’ na pakikipagkasunduan sa mga magulang ng mga bata, alinsunod sa Revised Rule on Children in Conflict with the Law.
Aabot naman sa P 200,000 ang kabuuang piyansa na kailangan ng mga nahuli para makalaya habang dinidinig ang kaso. Pinuna ng mga miyembro ng Balikwas Kadamay, grupo ng mga residenteng tutol sa demolisyon, na ginagamit ang pagkulong at pagkaso para pigilan at takutin ang mga residente para tumigil sa paglaban sa demolisyon.
Kinundena naman ng mga residente ng Floodway ang patuloy na pananahimik ni Mayor Roberto ‘Bobby’ Eusebio sa tangkang demolisyon, sapilitang relokasyon, sa marahas na dispersal at iligal na panghuhuli (panghuhuli kahit pa tapos na ang dispersal).
Binatikos naman ng mga abugado mula sa National Union of Peoples’ Lawyers (NUPL) ang matagal na pagkakakulong ng mga menor de edad at mga matanda kahit walang kaso. Binatikos din nila ang pagtatago sa mga bata at pagkakait ng Pasig Social Welfare Office na makita sila ng kanilang mga magulang at abugado sa loob ng limang araw, kung kaya’t nagpetisyon na sila sa Family Court ng Pasig City para sa ‘writ of habeas corpus’ kahapon, Setyembre 6. Ito ay para ilitaw ng Pasig Social Welfare Office ang mga bata at agad na madesisyunan ng korte ang kustodiya nila. Naniniwala ang NUPL na dapat nakalaya na ang mga bata noon pa lamang araw ng pagkakahuli, Agosto 31, nang nagpakita na ang mga magulang nila para kunin ang mga bata na naaayon din sa batas.
Pinag-iisipan pa ng NUPL at mga residente ang iba pang kontra-asunto na isasampa sa mga pulis.
Patuloy na pinananawagan ng mga residente ng Floodway ang pag-award sa kanila ng lupang kinatitirikan ng kanilang mga bahay sa higit apat na dekada.