Nagkasa ng Black Friday protest ang mga kabataang estudyante sa harap ng Technological University of the Philippines – Manila, isang araw bago gunitain ang Araw ni Bonifacio na tinawag ding Araw ng Paniningil ng Masang Anakpawis.
Kinundena ng ng mga grupo ang nagpapatuloy na pagyurak sa karapatang pang-akademiko ng mga kabataang estudyante sa pamamagitan ng pagraratsada ng Mandatory Reserve Officers Training Corps (MROTC), budget cuts, hair and dress code policy at iba pang usapin. Binatikos din nila ang kawalan ng maayos na pasilidad, kabilang ang mga laboratoryo at klasrum.
Binahagi rin ng ilang mga estudyante sa TUP ang nararanasan nilang represyon sa loob ng kampus, kabilang ang surveillance at red-tagging sa mga lider-estudyante at progresibong organisasyon at pananamantala sa kanilang demokratikong espasyo.
Ayon kay Glen Ornopia mula sa TUP League of Student Organization, nais nilang itulak ang pagkakaroon ng pampublikong konsultasyon para sa 2024 University Student Handbook.
Ang rebisyon ng handbook ay naglalayong baguhin ang mga polisiya kabilang ang mandatoryong pagbili ng uniporme para sa Physical Education at NSTP, campus militarization, maging ang hair and dress code.
Hinihikayat ni Ornopia ang lahat ng accredited na organisasyon at miyembro ng University Student Government na makilahok sa nasabing konsultasyon sa darating na Disyembre 5.
Aniya, mahalaga ang kolektibong pagkilos ng mga mag-aaral upang maisulong ang tunay at makabuluhang representasyon ng mga kabataang estudyante sa TUP.
Hinihikayat din ng LSO ang pagkakaroon ng mga kolektibong diskusyon sa iba’t ibang mga pamamaraan tulad ng mga pagpupulong, open discussion, room-to-room consultation, at peer-to-peer na pag-uusap sa mga kapwa nila estudyante sa TUP.