Sumalang na sa arraignment at pre-trial si Alexander Bob Reyes sa kasong illegal possession of explosives sa Quezon City Regional Trial Court (QC RTC) Branch 226 kahapon, Nobyembre 28.

Inaresto si Bob noong Hulyo 2, 2018, kaugnay ng mga umano’y kaso ng murder at arson laban sa kanya sa Agusan del Norte. Kasabay ng paghahain ng warrant of arrest, isinagawa ang pagtatanim ng ebidensya sa kanyang shoulder bag, kabilang ang isang .38 caliber na baril at tatlong metrong detonating cord, dahilan upang bigyang-katwiran ang kasong illegal possession of firearms and explosives laban sa kanya.

“Ginagamit ang mga warrant of arrest sa mga probinsya para i-justify ang pag-aresto sa tao at habang iniimplement ang warrant of arrest, sinasamahan na ito ng pagtatanim ng ebidensya. Kaya bukod sa kaso sa probinsya, may dagdag pang kaso tulad ng firearms and explosives,” ani Atty. Maria Sol Taule ng National Union of Peoples Lawyers.

Hinggil sa mga kaso ni Bob

Na-acquit na si Bob sa kasong illegal possession of firearms sa QC RTC noong 2019. Kasabay nito, dismissed na rin ang iba pang mga kasong inuugnay sa kanya sa Butuan City, Agusan del Norte.

“Sa mga probinsya, may mga dismissed na. Mayroon nalang tatlo sa Surigao at may cases din siya sa Cabadbaran,” ani Atty. Taule.

Samantala, dumaan pa sa preliminary investigation sa QC RTC ang kaso ng illegal possession of explosives kay Bob. Nagsumite siya ng counter-affidavit ngunit inaprubahan pa rin ito ng korte.

Trend ng pagsasampa ng gawa-gawang kaso laban sa mga aktibista

Bago pa man nahuli si Bob, aktibo siyang lumalahok at nag-oorganisa sa hanay ng mga manggagawa sa Pearl Islands Commercial Corporation, kung saan may 12 manggagawang iligal na tinanggal sa trabaho.

Noong Mayo 31, 2018, isang buwan bago ang paghuli kay Bob, kasama siya sa nanguna sa isinagawang strike vote ng mga manggagawa ng Pearl Islands.

Nakararanas na rin si Bob ng iba’t ibang serye ng surveillance, red-tagging, at mga pagbabanta. Noong 2015, kabilang din siya sa nagsumite ng writ of amparo kasama ang mag-asawang Rowena at Oliver Rosales, mga lider-organisador ng COURAGE.

Noong Agosto 11, 2018, isang buwan matapos ang pag-aresto kay Bob, dinakip din ang mag-asawang Rosales sa Bulacan. Tulad ni Bob, sila rin ay may kasong illegal possession of firearms and explosives.

“Lahat ng nagfile ng writ of amparo noong 2015, marami sa kanila kinasuhan. Ganoon ang naging trend,” pagpapaliwanag ni Atty. Taule.

NUPL, hiniling ang pagtalakay sa political killings sa quad-committee

“Nothing really significant has changed sa civil and political rights ng mga tao since Duterte finished his term,” ani Atty. Taule.

“Hindi rin naman nilift ang policies ng counter-insurgency sa ilalim ng Marcos Jr. administration at patuloy pa rin ang filing ng trumped-up charges. Kaya hindi rin masasabing tumigil, in fact, nagpapatuloy lang,” dagdag pa niya.

Ayon sa Karapatan National Capital Region, bahagi ng kultura ng impunidad ang nagpapatuloy na red-tagging at political killings mula pa noong administrasyong Duterte.

Binanggit din ni Atty. Taule ang pagkakatulad ng estratehiya sa war on drugs at pag-target sa mga aktibista, kung saan ginagamit ang parehong taktika ng pagtatanim ng ebidensya upang bigyang-katwiran ang pagpaslang o iligal na pagkakaaresto. Sa parehong kaso, sasabihing “nanlaban” ang biktima upang maabswelto ang mga pangunahing sangkot, tulad ng Philippine National Police, Armed Forces of the Philippines, at National Task Force to End Local Communist and Armed Conflict.

Itinutulak ng NUPL na maging bahagi ng agenda ang usapin ng political killings sa kasalukuyang isinasagawang mga pagdining ng Quad-Committee sa Kamara hinggil sa mga kontrobersiyal na isyung kinasangkutan ng administrasyong Duterte, partikular ang madugong drug war.

Hiling ng asawa ni Bob

“It’s been 6 years, almost 7 years na, para siyang halos nag-serve na ng isang minimum sentence sa isa sa mga kaso niya. Matagal-tagal na rin na hindi namin siya nakakasama, yung mga anak niya naglakihan na hindi siya kasama, kaya umaasa kami na mabigyan siya ng hustisya at makalaya na siya,” ani Meri Reyes, asawa ni Bob Reyes.

Lubos din ang pagpapasalamat ni Meri sa walang-sawang suportang ibinibigay kay Bob para ipanawagan ang kanyang agarang pagpapalaya.

Sa Pebrero 6, 2025 pa ang sunod na magiging pagharap ni Bob sa kanyang kaso sa QC RTC.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here