Higit 40 kabataan mula sa iba’t ibang balangay ng Anakbayan sa National Capital Region ang nanumpa ngayong ika-26 anibersaryo ng organisasyon kaalinsabay ang kilos-protesta para sa ika-161 komemorasyon ng kapanganakan ni Gat. Andres Bonifacio.
Makabuluhan ang kasaysayan ng Anakbayan mula nang maitatag ang organisasyon noong 1998 bilang komprehensibo at epektibong tagapamandila ng pambansa-demoktratikong rebolusyon na may sosyalistang perspektiba. Ang Anakbayan din ang nanguna sa pagpapatalsik sa dating pangulong Joseph Estrada noong 2001.
“Binuo ang Anakbayan para magmulat, magorganisa, at magpakilos ng mga kabataan sa bansa natin. Sinusulong nito ang pambansang demokrasya, partikular ang pagtugon ng gobyerno sa mga hinaing ng taumbayan lalo na ang mga kabataan,” ani Allyanah Federis, kabataang organisador ng Anakbayan NCR.
Ayon kay Federis, malawak ang kasapian ng Anakbayan sa loob at labas ng bansa na nagpapatunay ng patuloy na pagtangkilik ng kabataan, lalo na’t ang mga usaping panlipunan na sumasalamin sa mga krisis ay nararanasan din ng kanilang kapwa kabataan sa buong mundo.
“Komprehensibo ang Anakbayan, saklaw rin nito ang mga kabataan sa hanay ng mga manggagawa, magsasaka, mangingisda at iba pa. Hindi lang ito nakakahon sa hinaing ng mga kabataan,” dagdag ni Federis.
Aniya, hindi na bago sa grupo ang mga kritiko at tumutuligsa sa kanilang uri ng aktibismo. Nariyan ang nagpapatuloy na karahasan tulad ng red-tagging, surveillance, panghuhuli at pagdadakip at marami pang tipo ng paglabag sa karapatang pantao.
Binigyang-diin ni Federis ang usapin ng mandatory Reserve Officers Training Corps (MROTC) at campus militarization.
Sa bisa ng Executive Order No. 70 ng dating administrasyong Duterte, ipinatupad ang whole-of-nation approach sa bansa para ipalaganap ang kontra-insurhensiyang mga aktibidad na layuning sugpuin ang mga kritiko, partikular ang mga kabataang aktibista maging ang mga ordinaryong indibidwal na pinararatangang subersibo o terorista. Sa bisa rin ng nasabing order nabuo ang National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) kasama ang Philippine National Police at Armed Forces of the Philippines na pangunahing pwersa ng gobyerno para itaguyod ang mga kontra-insurhensiyang aktibidad.
Sa National Capital Region, inilunsad ang Oplan Kalasag o ang bersyon ng Oplan Kapanatagan ng AFP-PNP noong 2019. Tinawag itong ‘de facto martial law’ ng mga grupo ng karapatang pantao, maging ang Anakbayan, dahil sa pandarahas, panre-redtag, at surveillance na isinasagawa ng AFP-PNP at NTF-ELCAC sa mga komunidad, pagawaan, at paaralan sa rehiyon.
“May mga komunidad at paaralan pa rin sa NCR na malala ang ginagawa ng kapulisan at NTF-ELCAC. Gingagamit nilang panabing ang ayuda, peace summit forums at iba pang pakana para maghasik ng surveillance na target dito ang mga kritiko ng reaksyunaryong gobyerno ni Marcos Jr.,” ani Federis.
Noong nakaraang taon, nagkampo ang 11th at 12th Civil Military Operations Battallion (CMO) sa Tondo, Manila. Namataan din ang mga kasundaluhan sa iba’t ibang bahagi ng rehiyon para ipatupad umano ang ‘peace and order’ sa NCR.
“Matagal nang mainit sa mata ng estado ang Anakbayan, subalit hindi namin ito hinahayaan bagkus nilalabanan namin ito. Kung hahayaan lang namin ay mas lalo lang itong lulubha at magpapatuloy pa,” dagdag ni Federis.
Aniya, kailangan ang puspusang pag-oorganisa at pakikilahok sa mga kilos-protesta bilang bahagi ng pagsusulong ng pagbabago sa lipunan. Subalit, paliwanag niya, ang mga rally ay lunduhan o rurok lamang ng mga ikinakasang kampanyang masa. Ayon pa kay Federis, karamihan sa kanilang mga araw ay ginugugol sa pag-oorganisa ng mga talakayan at pag-aaral na may layuning suriin ang kalagayan ng lipunan sa Pilipinas at hikayatin ang kabataan na gampanan ang mas aktibong papel sa paghubog ng lipunan.
“Ang mensahe ko sa mga kapwa ko kabataan, tayo ang mga susunod na manggagawa. Kung hahayaan lang natin na ganito ang sistema, hindi tayo uunlad. Hindi porke’t ganito ang sistema ay mananatili lamang itong atrasado, may kakayahan tayong baguhin ito kung gugustuhin natin. Nasa atin ang kapasyahan para baguhin ito,” pagbabahagi ni Federis.