Ang titulo ang maaaring iginigiit na depinisyon ng henerasyon ng ‘millennials.’

May limang karakter at may apat na bahagi ang pelikula ni Jason Paul Laxamana. Sapat sa pagiging interesante ang mga sketch sa mga karakter sa pag-iba-iba sa kanilang mga piniling propesyon para maipakita ang iba’t ibang aktibidad o kinawiwilihan, lenggwahe o terminong ginagamit at iba pang mga uso sa mga millennial.

Una, tungkol kay Maan (Jane Oineza) na isang production assistant sa isang maliit na cable company na hindi gumagawa ng sariling content at umalis sa trabaho kahit wala pang plano dahil sa sarili niyang salita “I feel undervalued in this company.”  Naging vlogger siya at nagsimula sa mga paksang zoology, climate change, atbp. na nagbibigay ng “profound insights” pero napilitang baguhin ang branding sa sarili (paghiyaw ng ‘Hataw!’ sabay giling sa gitna anumang aktibidad na tampok sa vlog niya) para mas lumaki ang kita at sekundaryong motibasyon na maungusan ang nobyo ng ex niya na kumikita rin sa vlogging.

Pangalawa, si Denzel (Jerome Ponce) na isang entrepreneur na ayaw mag-commit sa relasyon hangga’t hindi siya matagumpay sa buhay at mas pinipili ang mga one-night stand. Nakakilala siya ng isang ‘multihyphenate’ na babago sa kanyang pananaw sa relasyon, ngunit ang gusto pala ay isang open relationship. Pangatlo ang kwento ni Hadj (Albie Casiño) at Junamae (Myrtle Sarrosa) na magkarelasyon at magka-live in pero gusto ni Junamae na walang labels ang relasyon at walang drama. Panghuli ang kwento ni Kurt na isang workaholic freelance graphic artist na tinulak ng nanay na magtaguyod sa pag-aaral ng kapatid niya bagamat parang maykaya naman ang pamilya. Mahihiwalay si Kurt sa mga kaibigan sa sobrang pagkasubsob sa trabaho. Tila dalawa lang sa apat na kwento na ito ang magkakaroon ng resolusyon at hindi na rin natin mawawari paano na sila pagkatapos ang yugtong ipinakita sa pelikula.

Pinaka-negatibong karakter at pinakapanget ang sketch sa nanay ni Kurt na malupit kahit hindi naman kailangan o walang naipakitang motibo para maging malupit na hindi kailangan, bukod sa maging motibasyon sa magiging pangunahing problema ni Kurt sa pelikula at magiging panahing tunggalian sa kwento ng limang magkakaibigan sa dulo.

Gaya ng ilan sa iba pang naunang pelikula hinggil sa mga millennials, larawan pa rin ang pelikula ng mga mas maykaya o may pribelehiyo sa buhay—na minsan ay tila para maipasok ang mga ‘camping,’ ‘road trip’ o ‘hangout sa bar’ na mga paraan ng pagkukuwento, na nagiging tuntungan naman ng sketch ng mga karakter sa katulad na pelikula, kung kaya’t hindi napag-iba-iba ang mga panlipunan at pang-ekonomyang pinagmulan nila at nakasentro pa rin sa iisang maliit na grupo o sampol ng henerasyon. Sampol na tila dapat hangarin maging.

Mahirap depinihin ang isang henerasyon o basagin ang mga pagkakahon sa mga millennial kung gagawin ito hiwalay sa pagkilala at pagsuri sa mga panlipunang realidad. Maraming sinikap ipaliwanag ang pelikula, pero tila kulang pa rin, at kung ang manonood ay isa ring millennial ay parang gugustuhin nitong dagdagan ang paliwanag.

Gaya na lang ng eksena na maaaring madalas din nangyayari sa totoong buhay, kung saan aalukin ang isang millennial ng investment pero huhusgahang mas gugustuhin ang travel. Labas sa pelikula, kung sasagutin ang ganitong tanong o husga, hindi ba’t lubhang lumiit na ang halaga ng sahod at mababa pa rin ang sahod kumpara sa mga gastos at bilihin at mas kaunting oportunidad—senyales din ng hindi umuunlad na kalidad ng buhay ng tao sa bansa—kumpara sa dating natamasa ng mga magulang ng mga millennial kung naging mahusay ang kanilang kabuhayan, na ang ipong nakakabili ng bahay na may bakuran at tarangkahan noon ay nakakabili na lamang ngayon ng tila-kahon ng ibon sa laki na condo unit.

O maaari ring palampasin ang gayong aspeto ng pelikula kung itatayang hindi pa rin naiintindihan ng millennial ang sariling henerasyon o ang lipunang ginagalawan.

Malinaw na layon ng pelikula na bigyan ng may simpatiyang titig ang mga millennial. Sa isang banda, pinepresenta pa rin ang kabataan bilang huli na nararanasan ang ‘real world,’ at magsisimula lang sa pagtatapos sa kolehiyo—at sa ganoong tuntungan nagsimula ang pelikula.

May mga pelikulang sumubok depinihin ang isang henerasyon, maaaring gaya nito kung kaya’t taglay nito ang gayong uri ng titulo bagamat hindi naman tungkol lamang sa pagpupunyagi ng mga karakter nito sa love. Ngunit maaaring hindi pa rin ito ang depinitibo sa mga nalikha ukol sa mga millennial, kundi piraso pa rin ng buong larawan.

 

InterServer Web Hosting and VPS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here