Pahayag para sa Pagpapatibay ng Wikang Filipino bilang mga Sabjek sa Kolehiyo

0
45138

 

UP DilimanDepartamento ng Filipino at Panitikan ng Pilipinas

Kolehiyo ng Arte at Literatura

Unibersidad ng Pilipinas, Diliman

CHED Sentro ng Kahusayan sa Panitikan

CHED Sentro ng Kahusayan sa Filipino

18 Hunyo 2014

 

Kaming mga propesor ng Departamento ng Filipino at Panitikan ng Pilipinas ay matinding tumututol sa pagbabago sa siyam na yunit na kahingian sa wikang Filipino sa General Education Curriculum ng Commission on Higher Education (CHED) sa pamamagitan ng ipinalabas na CHED Memorandum Order No. 20, Series of 2013. Naniniwala kaming ang panukala ng CHED Memorandum Order No. 20, Series of 2013 ay paglapastangan sa pagpapahalaga sa kasaysayan, karunungan, at diwa ng kasarinlang mahabang panahong ipinaglaban at nilinang ng mga naunang salinlahi ng mga Filipino.

Ang panukala ng CHED Memorandum Order No. 20, Series of 2013 ay paglapastangan sa pagpapahalaga sa kasaysayan, karunungan, at diwa ng kasarinlang mahabang panahong ipinaglaban at nilinang ng mga naunang salinlahi ng mga Filipino.

Narito ang aming batayan.

Una, tinatanggal nito ang katiyakan na magamit at maituro ang wikang Filipino sa kolehiyo. Ang pagsasabing ang walong core GE courses ay maaaring ituro sa Ingles o Filipino ay mapanlinlang. Mula sa umiiral na sitwasyong may tiyak na siyam na yunit ang wikang Filipino, inilalagay na ngayon ang kapalaran ng wika sa kamay ng mga unibersidad, kolehiyo, departamento, mga guro’t mag-aaral, gayundin sa iba pang mga puwersa sa loob at labas ng akademya. Ang kunwa’y paglalatag ng mga kursong GE na maaaring ituro kapuwa sa Filipino at Ingles ay lilikha lamang ng kompetisyon sa dalawang wika, bukod pa sa malaking posibilidad ng pagpili sa Ingles dahil ito ang inimaheng “wika ng edukado” at “wikang susi ng kaunlaran.”

Ang kunwa’y paglalatag ng mga kursong GE na maaaring ituro kapuwa sa Filipino at Ingles ay lilikha lamang ng kompetisyon sa dalawang wika.

Pangalawa, hindi nito kinikilala ang pag-aaral ng wikang Filipino bilang isang lehitimong dominyo ng karunungan. Sa bagong GE Curriculum, nababanggit lamang ang Filipino, kahanay ng Ingles, bilang midyum o daluyan ng pagtuturo. Binabalewala ng ganitong pagtingin ang integridad ng wikang Filipino bilang ganap na dominyo ng karunungan at isa ring paraan ng pag-unawa sa lipunan at sa mundo, at kung gayon, nag-aambag sa pagpanday ng kaisipan at pananagutan sa lipunan.

Pangatlo, ang bagong GE curriculum ay tahasang pagbabalewala sa kasaysayan ng wikang pambansa, at ang mapagtakdang papel ng wika sa pagpapaunlad ng isang bayan.

Ang bagong GE curriculum ay tahasang pagbabalewala sa kasaysayan ng wikang pambansa.

Ang Wikang Filipino ay Kasaysayan ng Pilipinas. May mahabang kasaysayan na ang wikang pambansa. Simula nang ituro ito sa sistema ng edukasyon noong dekada 1940, hanggang sa maging midyum ito ng pagtuturo sa ilalim ng Patakarang Bilingguwal noong dekada 1970, yumabong na ang Filipino bilang isang ganap na disiplina at pananaw sa pakikipag-ugnayang pandaigdig. Isa rin itong maunlad na larangan—maunlad dahil sa pagkakaroon nito ng iba’t ibang sub-erya at dahil sa interdisiplinal at transdisiplinal na ugnayan nito sa ibang larangan gaya ng panitikan, pilosopiya, antropolohiya, kasaysayan, sikolohiya, at politika. Isa sa mahahalagang trajektori ng pag-unlad ng Filipino ay ang intelektuwalisasyon nito. Resulta ito ng paggamit ng wikang Filipino sa iba’t ibang disiplina na ibinunga rin naman ng mga ipinunlang kasanayan at oryentasyon sa mga kursong GE sa Filipino. Kung ibinaba sa senior high school ang pagtuturo ng mga kasanayan, nararapat kung gayon, na maging lunan pa ang mga kursong GE sa Filipino ng pagsustine sa pagpapaunlad ng gamit ng Filipino sa mga diskursong panlipunan sa iba’t ibang disiplina.

Ang Wikang Filipino ay Identidad ng Filipino. Pananaw at kamalayan ang wikang Filipino.

Ang Wikang Filipino ay Identidad ng Filipino. Pananaw at kamalayan ang wikang Filipino. Dahil nasa wika mismo ang kaalaman sa sariling pisikal at di-pisikal na daigdig, hindi lamang usapin ng wikang panturo ang Filipino kundi usapin higit ng pagkilala sa pagka- Filipino. Sasaklawin ng sabjek na Filipino ang iba’t ibang kaalamang may kinalaman sa pagiging Filipino na magpapatibay sa pagkaugat ng mga estudyante sa sariling identidad. Ito ang magiging matibay na pundasyon ng mag-aaral upang maging handa sa pagharap sa mabilis na pagbabago ng kaayusang global ngayon.

Sariling wika rin ang pinakamabisang daluyan para mapalaganap ang dunong-bayan at kaalamang pinanday sa akademya.

Ang Wikang Filipino ay Susi ng Kaalamang Bayan. Nasa wika ang pagtatanyag ng kaalamang lokal—mga kaalamang patuloy na hinubog at humuhubog sa bayan. Sariling wika rin ang pinakamabisang daluyan para mapalaganap ang dunong-bayan at kaalamang pinanday sa akademya. Layunin dapat ng edukasyon ang humubog ng mga mag-aaral na tutuklas ng dunong-bayan na pakikinabangan ng bayan. Gawain ng mga guro sa Filipino sa antas tersiyarya ang sanayin ang mga mag-aaral na gamitin ang wikang Filipino upang gawing kapaki-pakinabang ang napili nilang disiplina sa pang-araw-araw na buhay ng mga mamamayan. Ganito ang karanasan ng mga mag-aaral sa UP Manila sa pagbibigay nila ng serbisyong pangkalusugan sa mamamayan. Kailangan nilang matutong magpaliwanag at makipagtalastasan sa wikang Filipino upang mapakinabangan ng mamamayan ang kanilang kaalaman.

Ang pagtatanggal ng siyam na yunit ng Filipino sa kolehiyo ay isang anyo ng karahasang pangkamalayan.

Pang-apat, ang pagtatanggal ng siyam na yunit ng Filipino sa kolehiyo ay isang anyo ng karahasang pangkamalayan. Nilulusaw nito ang pagpapahalaga sa kasaysayan at kabihasnang tanging wikang Filipino ang makapagpapaliwanag. Ang pagsisikap ng ating mga ninuno sa pagkilala sa galing at integridad ng lahing Filipino ay mapapalis kung hindi ito maipakikilala sa wikang nakauunawa ng pasakit at pakikipagsapalarang ibinuwis nila, makamit lamang ang kasarinlan.

Napagtagumpayan na ng mga naunang bayani ng bayan ang mga tinatamasa nating pagkilala sa wikang Filipino bilang isang wikang mayaman at taglay ang karunungang matalas at nangunguna sa pagtuklas ng mga bagong kaalaman. Nasa wikang Filipino ang karunungang makapagtutulos ng pagka-Filipino sa mabilis na nagbabagong daigdig.

Buo ang pagkilala namin na ang layunin ng higher education at ng general education na pumanday ng mga estudyante na may matatag na pagkilala sa kanilang kasaysayan at tungkulin bilang Filipino, ay hinding-hindi matatamo kung ang pangunahing kasangkapan para matamo ito—ang wikang Filipino—ay buburahin ng institusyon na dapat sana’y nagtataguyod at pumapanday nito.

Kaya kaming mga guro ng wika at manunulat ng saliksik at panitikang Filipino, kasama na kaming mga kapuwa guro, manunulat, mananaliksik, at artistang nagmamahal sa wika at kaalamang Filipino ay naninindigang dapat ituro ang Filipino bilang regular na kurso sa antas tersiyarya.

Ituro ang Filipino bilang regular na kurso sa kolehiyo!

Ibasura ang CHED Memorandum Order No. 20, Series of 2013!

_______________________________________________

Tungkol sa isyu:

Noong Mayo 2013, pinirmahan ni Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III ang batas na K-12 (Enhanced Basic Education Act) na magreresulta sa karagdagang tatlong taon sa sampung taon na basic education ng mga Pilipino. Ito raw ay para makasabay sa kalidad ng edukasyon sa mga karatig na bansa. Bago mapirmahan ang batas, isang taon nang ipinapatupad ng Department of Education (DepEd) ang K to 12 sa mga “pilot school” at ihinabol na lang ang batas para gawing ligal ang patakaran at maipatupad sa buong kapuluan. Kinaharap naman ng implementasyon ng K to 12 ang maraming usapin, gaya ng kakulangan ng klasrum, guro sa grades 11-12, technical expertise sa “senior high”, at iba pa. Ibang usapin pa ang pagsusuri at pag-alam sa kalidad ng edukasyong nakukuha ng mga kabataan sa bagong programang ito.

Alinsunod sa batas na ito, at sa pamamagitan ng Commission on Higher Education (CHED) Memorandum Order (CMO) No. 20, Series of 2013, ipinataw ng CHED ang General Education Curriculum, na magtatanggal sa wika at Panitikang Filipino sa kurikulum ng kolehiyo pagdating ng Akademikong Taon.

Binatikos ng iba’t ibang paaralan ang patakarang ito dahil hindi lang pagtatanggal sa Filipino sa kurikulum ng kolehiyo ang magiging implikasyon nito, kundi pagtatanggal din ng mga guro sa Filipino na karamihan ay matagal nang panahong nagsisilbi sa paaralan. Muli ring nabuksan ang mga diskurso at usapan hinggil sa pagpapanatili at pagpapayaman ng wikang Filipino, pagpapayabong ng sariling kultura at pagmamahal sa bayan.

Mula sa sama-samang pagkilos ng mga guro sa kolehiyo, nabuo ang Tanggol Wika o Alyansa ng mga Tagapagtanggol ng Wikang Filipino na naglalayon na panatilihin ang asignaturang Filipino sa kolehiyo, at isulong ang makabayang  edukasyon. Patuloy pa rin ang paglaban ng mga guro at pagkondena sa CHED Memo na inaasahang maisakatuparan sa S.Y. 2018-2019.

 

 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here