Kilala niyo siguro siya bilang matalas na kritiko ng mga pelikula, o awtor ng mga libro tungkol sa media, kulturang popular, panitikan, at lipunan. Baka nabasa niyo na ang kanyang mga maikling kuwento, novella, at dagli, o ‘di kaya’y ni-retweet ang mga hugot niya sa Twitter. Pero una ko siyang nakilala bilang guro.

Dekano ng College of Mass Communication sa UP Diliman si Rolando Tolentino noong pumasok ako bilang freshman sa kursong Broadcast Communication sa University of the Philippines Diliman.

Dean Roland ang tawag ng block handlers ko sa kanya at kapag nakasalubong nila’y para bang batchmate o kabarkada lang – “Dean!” bati ng mga estudyante. Babatiin rin sila ni Dean sa kanilang mga pangalan.

Nalaman ko ring aktibista si Dean. Malayang nakakagawa ng mga aktibidad ang mga student organizations, pati ang mga pambansa-demokratiko at pangmasang organisasyon ng kolehiyo. Tuwing napapadaan ako sa rally, candle lighting, o solidarity night nila, lagi kong naririnig ang chant na “Alagad ng media – magmulat, maglingkod, makibaka!” pero hindi ako sumasali sa chant. At sa mga aktibidad na ‘yun, napapadaan lang din talaga ako.

Naging propesor ko sa klaseng Media and Society si Dean noong ikalawang taon ko sa kolehiyo. Unang araw ng klase namin, nag-drop na kaagad ang isa kong kaklase. Hindi niya raw kakayanin ang bigat ng mga diskusyon namin at mukhang “terror” daw si Dean.

Bagama’t totoo ngang hindi gaanong pamilyar ang mga teorya at terminong tinalakay namin – hegemony, monopoly capitalism, middle-class aspirations, subaltern identities – mahusay itong naipaliwanag ni Dean. Magsasabi siya kung hindi namin ginagalingan ang reporting namin sa klase: “Ang lifeless! Bigyan mo naman ng buhay!” Mas madalas ang mga pagkakataong natutuwa siya sa pagkakareport at pinapaabot niya ito sa reporter, sabay dagdag ng mga punto upang lubos naming maintindihan ang leksyon.

Hindi nalimita sa klasrum ang mga natutunan ko sa klase ni Dean. Dahil nga Media and Society ang inaaral namin, pumunta kami sa Hacienda Luisita sa Tarlac upang alamin ang pakikibaka ng mga magsasaka at manggagawang-bukid para sa lupang kinakamkam ng pamilyang Cojuango-Aquino.

Ang inisyal na pagkamulat sa Hacienda Luisita ay nag-udyok ng higit pang pananaliksik tungkol dito, hanggang sa nakita ko sa YouTube ang dokumentaryong Sa Ngalan ng Tubo ng Tudla Productions. Doon ko naman unang nakilala ang konsepto ng alternatibong media.

Nag-intern ako sa Tudla noong pangatlong taon ko sa kolehiyo. Mula sa inisyal na pagkamulat sa Hacienda Luisita, lalo pang napalalim ang kaalaman ko sa media at lipunan nang hindi nakaupo sa de-aircon na klasrum – sa mga piket sa labas ng pabrika, sa demolisyon ng mga komunidad ng maralitang lungsod, sa lupa ng mga katutubong dinarambong ng gobyerno at malalaking negosyo, sa malalawak na lansangan ng Metro Manila.

Ang mga lugar na ito ay hindi lang mga espasyo ng pagmamalupit ng hindi mapagkalingang sistema sa mga mamamayan nito; lulan ang mga ito ng pakikibaka ng mga mamamayang kolektibong nagpupunla ng bagong lipunan. Gayundin, ang alternatibong media ang nagsisilbing espasyo para sa mga boses na pilit na pinapatahimik ng sistema.

Mula sa pagiging estudyante ng media sa klase ni Dean, naging video journalist ako sa Tudla. Dito, walang-katapusan akong natututo mula sa pinakamahuhusay na mga guro, ang masa. At kasama sila, natuto rin akong magmartsa sa saliw ng “Alagad ng media – magmulat, maglingkod, makibaka!”

Si Dean Roland Tolentino kasama ang mga estudyante ng College of Mass Communication sa UP Diliman.
Si Dean Roland Tolentino kasama ang mga estudyante ng College of Mass Communication sa UP Diliman.

Si Erika Cruz ay kasalukuyang Executive Director ng Tudla Productions.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here